BALOT sa bakal. Ito ang palaging bukambibig ni Pangulong Joseph Biden ng Estados Unidos tungkol sa alyansiya natin sa US, at inulit niya ito sa pulong nila nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Punong Ministro Fukio Kishida ng Hapon noong Abril 11 sa White House, ang tanggapan at tirahan ng presidente ng Amerika sa punong-lungsod ng Washington.
Gaanong katagal kaya itong tinaguriang “ironclad” na proteksiyon sa atin?
“Habang pangulo ng Estados Unidos si Pangulong Biden, makaaasa ang Pilipinas sa kanya at sa buong suporta ng kanyang pamunuan mula sa pagpapatibay ng ugnayan ng ating dalawang bansa at para sa pagtupad sa pangako, sa mga pangako sa Pilipinas” sa kasunduan ng pagtatanggol sa isa’t-isa, wika ni John Kirby, ang tagapangusap ni Biden sa pambansang seguridad.
Sa gayon, kung hindi tumakbo o magwagi si Biden sa halalan ng US sa Nobyembre, protektado tayo ng Amerika hanggang Enero 20 ng taong darating, kung kailan manunungkulan ang sunod na presidente. At kung manalo si Biden, hanggang Enero 20 ng 2029 ang bago niyang termino bilang pangulo — at ang kanyang garantiya ng depensa sa Pilipinas, ayon kay Kirby.
Ito ang isang dahilan kaya hindi dapat umasa sa ibang bayan para sa tanggulang pambansa. Pagpalit ng pinuno o patakaran ng gobyernong dayuhan, baka magbago rin ang pangakong pagtatanggol sa ating bansa.
Gayon ang nangyari kaya hindi tumulong ang Amerika nang agawin ng China ang Mischief Reef noong 1995 at Panatag Shoal noong 2012. Tatlong dekadang nakararaan, hindi katunggali ng US ang China dahil Amerika noon ang tanging superpower sa mundo, matapos mabuwag ang karibal nitong Unyong Sobyet.
At noong 2012, nawala sa atin ang Panatag o Scarborough Shoal dahil sa maling impormasyon mula sa Estados Unidos. Payag daw ang China sabay umurong ang mga barko nating magkatapat, pero hindi pala. Tayo lang ang umalis at naagaw ng China ang Panatag.
Sinamantala naman ng US ang pagkawala nito upang isulong ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) para mapalaki ang puwersang Amerikano rito, gamit ang mga base ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Matuto tayo sa Vietnam
Kaya naman kailangan natin ng programang panseguridad na hindi umaasa sa ibang bansang may sariling hangaring baka makasama sa atin. Pero kaya ba nating magsarili sa tanggulang-bansa?
Para sa nakararaming Pilipino, hindi. Mangyari, sa buong kasaysayan ng republika nakakapit tayo sa Amerika, kahit paglisan nito sa mga base sa Clark at Subic noong 1992.
Ngunit sa katunayan, ang higit na nakararaming bansa hindi umaasa sa dayuhan para sa depensa. Pinakamagandang halimbawa ang Vietnam. May sigalot din ito sa China hinggil sa isla at dagat, at nagkagiyera pa sila ilang dekadang nakararaan. At magkadikit ang Vietnam at China, di-gaya nating may daan-daang kilometrong dagat na naghihiwalay sa Pilipinas at China.
Pero matipuno ang tanggulang-bansa ng Vietnam bagaman wala itong kaalyadong bayan at hukbong dayuhan na pinapayagang gumamit ng mga base militar. Dahil dito, walang panganib masangkot ang Vietnam sa posibleng digmaan ng US at China.
Pero tayo, nanganganib maging larangan ng labanan o “front line,” babala mismo ni Pangulong Marcos. At pangunahing dahilan ang alyansiya natin sa Amerika at pagpapagamit ni Marcos sa US ng mga baseng AFP.
Maging payapang Batanes aarmasan, babala ng Deputy Minority Leader ng Kamara de Representantes, Kongresista France Castro ng ACT Teachers Party-List, at magiging “target ng atake bilang nakabungad na base ng US.”
Ang pangunahing dapat idepensa
Kung hindi aasa sa Amerika, paano idedepensa ang Pilipinas? Bago talakayin kung anong kakayahan, kasundaluhan at sandata ang kailangan, unang-unang dapat sinuhin ang mga pangunahing suliranin at hamong panseguridad na dapat nating harapin.
Tatlo ang pinakamatimbang. Una, ang kasalukuyang mga banta sa buhay, kapayapaan, katiwasayan at kabuhayan ng taong bayan at katatagan at kapangyarihan ng pamahalaan.
Kabilang sa kanila ang mga armadong rebelde, terorista, sindikatong kriminal at hukbong politiko, pati ang mga pirata at mga nagpupuslit ng kontrabando at tao (ang tinaguriang smuggling at human trafficking).
Sa gayon, tama ang ginawa ng administrasyon ni Rodrigo Duterte na isulong ang planong pangkapayapaan sa Bangsamoro at durugin ang mga terorista sa Marawi noong 2017.
Tumpak ding itodo ang pagpuksa sa New People’s Army (NPA) matapos muling magmalabis ang mga komunista sa usapang pangkapayapaan bagaman labis-labis ang pagbibigay sa kanila. Naglagay pa nga ng mga kakampi nilang kaliwa sa Gabinete.
Isa pang hamong pandepensa ang pananakop, subalit walang banta nito ngayon o sa taong darating, sa kabila ng mga insidente ng mga barko ng China at Pilipinas at kahit nagbabala ang Pangulong Marcos na nasa bungad tayo ng posibleng digma sa Asya.
Mas abala tayo sa pagtatanggol ng ating karapatan sa yamang dagat sa West Philippine Sea (WPS).
Sa mga darating na artikulo, tatalakayin natin ang dalawang hamong ito at kung paano maproprotektahan ang WPS at Pilipinas nang hindi tayo nagiging sandata ng US laban sa China — ang pinakamalaking panganib na hinaharap natin ngayon dahil pinapasok ni Marcos ang hukbong Amerikano.