26.8 C
Manila
Miyerkules, Enero 15, 2025

Dalawang mukha ng Amerika, alin ang totoo?

- Advertisement -
- Advertisement -
Huli ng dalawang bahagi
PAGKARAANG makadalaw sa lamay para kay dating ISAFP (Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines) Chief MGen Victor Corpus na namayapa noong isang linggo, nagkaroon ako ng pagkakataong makipagkape kina Ado Paglinawan at Herman (Mentong) Tiu Laurel,  mga anchor ng malaganap na programa sa radyo at telebisyon na Global Talk News Radio (GTNR). Napakamabunga ng aming talakayan. Nanariwa ang diskusyon sa minsang pagdiriwang ng kaarawan ni Mentong sa Mama Rosa Restaurant sa Pasig City limang taon na ang nakaraan. Sa mga naroroon upang mag-ambag sa pag-uusap sa problemang kinakaharap ng Pilipinas kaugnay ng South China Sea, nauna nang namayapa kay Vic sina dating Senador Eddie Ilarde at dating Ambassador Alberto Encomienda. Ganun pa man, tagumpay pa rin sila na makapag-ambag ng bahagi sa nagpapatuloy na pakikibaka ng sambayanan upang makahulagpos sa di maawat-awat na pananakal ng Amerika sa buong kabuhayan ng Pilipinas.
Sa aking panig, ikinawing ko sa Mutual Defense Treaty (MDT) ng Pilipinas at Estados Unidos ang kabuuang pananakal. Bakit ba ang hindi, e, ayon sa kasunduan, ang atake sa alinman sa dalawa ay ituturing na atake rin sa isa pa, na obligadong gumawa ng ganting salakay sa umatake. Ang pinalalaganap na paniniwala ng mga Amboy ay ang pagsaklolo raw ng Amerika oras na may nanalakay sa Pilipinas. Ganap na kinakaligtaan na ang Pilipinas ay obligado ring sumaklolo sa Amerika kung ito ay aatakehin ng kaaway.
Subalit napakahalagang linawin ang bagay na ito. Upang maobliga ang Pilipinas na rumespondi ayon sa MDT, ang atake sa Amerika ay dapat na maganap sa rehiyong Pasipiko.
Labas sa Pasipiko, walang bisa ang MDT.
Kaya ganun na lang ang pagpipilit ng Amerika na ang kanyang pandaigdigang alitan sa China ay dalhin sa South China Sea. Tanging sa paraan na ito maaaring isangkot ng Amerika ang Pilipinas sa away niya sa China
May limang taon na ang nagdaan mula nang kaarawang iyun ni Mentong. At ang init ng isyu na nararanasan ng bansa ngayon sa South China Sea ay di pa ganun kagrabe. Tandang-tanda ko pa na pagkaraan ng maikling panahon, nakaharap naman namin sa Mama Rosa ang noon ay nakikibaka para sa Pangalawang Panguluhan na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Oh, kay sarap isipin na hanggang sa bisperas ng kanyang pag-upo na sa Malakanyang – partikular sa gabi ng parangal na Award for Promoting Philippine-China Understanding (APPCU) sa Dusit Thani Hotel noong Hunyo 10,2921, na ang plaque ng ganung parangal ay inabot sa atin mismo ng Unang Ginang ni Bongbong, at sa pagtanggap ko ng parangal ay magkatabing buong galak na nakamasid sina Bongbong at Ambassador Huang Xilian.
O, anong gabing kay luwalhati!
Ang papaupong presidente at ang ambassador,  sa kani-kaniyang talumpati, walang pasubali’t lantay na paniniyak ng unawaan ng China at Pilipinas bilang magkaibigan at magkaramay sa habampanahon.
Anyare kung bakit, pagkaupong-pagkaupo, biglang pihit ng ihip ng hangin ni Bongbong. Mula sa kapitbahay na China, agad malinaw ang baling niya sa kanluran. Sinimulan ng dalaw sa Australia, sinundan ng pakikipagpulong sa mga negosyanteng Europeo’t Amerikano sa gilid ng pagdalo niya sa General Assembly ng United Nations sa New York. Makaraan iyun ay ang pakikipagdayalogo naman sa mga mamumuhunan ng Indo-Pasipiko.
Kabaliktaran ng habampanahong pagkakaibigan at pagkakapatiran ng Pilipinas at China na ipinahayag sa APPCU awards ay ang mabilis na pag-init ng hidwaan ng dalawang bansa kaugnay ng kanilang agawan sa Ayungin Shoal at Scarborough Shoal. Kung sa panahon ni Presidente Duterte ay nadadaan sa malumanay na usapan ang mga sigalot, sa pagpasok ng administrasyong Bongbong, bawat kapiranggot na insidente ay agad sumasambulat na animo’y dinamita. Ang 24 na taon ng hinahon ng China sa pagkonsinti sa mga resupply misyon ng Philippine Coast Guard sa BRP Sierra Madre ay nahalinhan ng istrikto’t lumilitaw na mabagsik na pagpapatupad ng China sa kanyang mga batas pangkaragatan tulad ng pambobomba ng tubig.
Ang ganitong paglala ng sitwasyon sa South China Sea ang nilayon kong tugunan kung kaya kasing-aga ng pagtitipon na iyun sa kaarawan ni Mentong 5 taon na ang nakararaan, naipanukala ko na ang pagbubuo ng SCRAMDT o Scrap the Mutual Defense Treaty. Layunin ng panukalang kilusan ang pagbuwag sa tratadong nagtatali sa Pilipinas sa Amerika sa mga pakikipagdigma nito sa rehiyon ng Pasipiko.
Hindi kailangang salakayin ng China ang Pilipinas upang ang Pilipinas ay masangkot sa giyera. Kung sa pagpipilit ng Amerika sa madalas na ipangalandakan nitong Freedom of navigation operations (FONOP) sa South China Sea ay disgrasyang tamaan siya ng China, gana na agad ang MDT.
At malamang na oo kaysa hindi, ang nasabing disgrasya ay di malayong mangyari sa nagaganap ngayong military exercises sa South China Sea ng US at mga kaalyado nitong Australia, Japan at South Korea.
Sa ayaw natin at sa gusto, oras na may tumama sa mga sundalo o kagamitan ng Amerika sa mga nasabing military exercises, pasok na sa giyera ang Pilipinas!
Ang bagay na ito ay higit na nalinaw sa talakayan namin nina Ado at Mentong pagkaraan ng lamay ni Vic noong Sabado.
Hindi dapat ipagkamali na ang pakikipag-mabutihang usapan ni Biden kay Xi ay nagpapahiwatig ng paghupa ng mapandigmang atmospera sa pagitan ng dalawa. Ayon kay Ado, ang talagang nasusunod sa Estados Unidos ay ang kilala bilang Deep State, binubuo ng kokonting oligarkong Amerikano na siyang may kontrol sa tunay na puso ng kabuhayan ng Amerika – ang Military Industrial Complex (MIC). Nabubuhay ang Amerika sa negosyo sa mga kagamitan sa giyera. Kaya giyera dito, giyera doon ang gawa ng Amerika, dahil kung hindi babagsak ang kanyang ekonomiya.
Totoo,  nag-usap sina Xi at Biden tungkol sa pag-aayos ng tensyon sa South China Sea. Subalit wala itong pakialam sa giyerang kagustuhan ng Deep State na siyang, totoo rin, tanging nasusunod na estado sa Amerika.
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -