MATINDI na ang epekto ng tag-init at El Niño sa mga residente ng San Andres, Romblon lalo na sa mga magsasaka sa lugar. Ayon kay Vice Mayor Joel Ibañez, nagpasa na sila ng resolusyon para magdeklara ng State of Calamity sa kanilang bayan kasunod ng ulat ng Municipal Agriculture Office (MAO) tungkol sa mga apektadong magsasaka sa lugar.
“Madami na talagang apektado kasi ‘yung mga ilog at mga source ng tubig namin dito halos matuyot na,” ayon kay Ibañez nang makapanayam ng Romblon News Network nitong Huwebes.
“Yung mga pananim namin wala na talaga. May mga sira na sa agriculture ayon sa aming MAO. Itong mga farmers namin ay nagtatiyaga nalang na magdilig ng pandilig sa kanilang mga tanim para may maani pa silang mga gulay kahit kakaunti,” dagdag pa nito.
Sinabi ni Ibañez na magbibigay sila ng tulong sa mga magsasakang apektado ng El Niño.
Patuloy naman umano ang ginagawang pagrarasyon ng Bureau of Fire Protection sa mga barangay para naman may magamit na tubig ang mga residenteng hindi na naabot ng tulo ng gripo dahil sa kakulangan ng supply.
Sinabi rin ni Ibañez na isinusulong ng lokal na pamahalaan na bumuo ng water district o di kaya ay makipagtulungan sa isang pribadong kompanya na hahawak sa operasyon ng kanilang water supply system. (PJF/PIA Mimaropa – Romblon)