29.3 C
Manila
Miyerkules, Enero 15, 2025

Mga pasilidad na saklaw ng PhilHealth Konsulta sa Nueva Ecija daragdagan

- Advertisement -
- Advertisement -

PATULOY ang pakikipag-ugnayan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga health facility sa Nueva Ecija para ma-accredit sa paghahatid ng Konsultasyong Sulit at Tama (Konsulta) Package.

Sa ilalim nito ay hinihikayat ang mga mamamayan na magparehistro sa isang accredited PhilHealth Konsulta Provider na kanilang pinili para maka-avail ng konsultasyon, health risk screening at assessment, piling laboratoryo o diagnostic test, at makatanggap ng mga piling gamot.

Ayon kay PhilHealth Local Health Insurance Office (LHIO) Cabanatuan Chief Social Insurance Officer Marvy Robledo, ang programang ito ay pinalalawak para mabigyan ng magandang benepisyo ang mga miyembro sa pagkakaroon ng primary healthcare.

“Unang unang nakapaloob dito ang libreng konsultasyon na maaaring mapakinabangan ng ating mga kababayan, mayroon pang 13 laboratory test, at 21 iba’t ibang uri na mga gamot na maaaring ma-avail nang walang babayaran,” paliwanag ni Robledo.

Aniya, nakikipagtulungan ang tanggapan sa mga lokal na pamahalaan sa ikalawa at ikatlong distrito ng Nueva Ecija, kasama ang bayan ng Talavera, para ma-accredit ang mga health facility na magiging katuwang sa paghahatid ng primary care sa mga mamamayan.

Sa kasalukuyan ay nasa 37 Rural Health Unit (RHU) na ang na-accredit ng LHIO Cabanatuan sa paghahatid ng Konsulta Package mula sa nabanggit na mga lugar.

“Kami na po sa LHIO ang bumababa para sa mga posibleng ma-accredit sa ilalim ng Konsulta Program. Hangad namin ngayong taon na masama sa listahan ang lahat ng mga clinic at RHU mula sa mga nasasakupan naming lugar, pribadong institusyon man o nasa ilalim ng pamamahala ng gobyerno,” dagdag pa na pahayag ni Robledo.

Kasama na rin aniya sa mga pinupuntahan ng tanggapan ang mga school clinic.

Una sa listahan para ma-accredit ng PhilHealth ay dapat mayroong license to operate ang isang pasilidad galing sa Department of Health.

Samantala, ang talaan ng accredited Konsulta Package Providers ay makikita sa website ng ahensya na www.philhealth.gov.ph.

Para sa iba pang mga katanungan tungkol sa Konsulta Package, maaaring magtungo sa LHIO Cabanatuan na matatagpuan 2nd Floor ng NE Pacific Mall sa lungsod ng Cabanatuan.

Mayroon ding PhilHealth Express na matatagpuan sa NE Bodega sa lungsod ng San Jose, at sa One-Stop Service Center for OFWs sa lungsod ng Palayan.

Para naman sa mga residente ng una at Ika-apat na distrito, maliban sa bayan ng Talavera, maaaring makipag-ugnayan sa PhilHealth LHIO Gapan. (CLJD/CCN-PIA 3)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -