28.5 C
Manila
Huwebes, Disyembre 26, 2024

Hindi lang para sa patay ang panibagong buhay

- Advertisement -
- Advertisement -

Isaisip ninyo ang mga bagay na panlangit, hindi ang mga bagay na panlupa, sapagkat namatay na kayo at ang tunay na buhay ninyo’y natatago sa Diyos, kasama ni Kristo. Si Kristo ang tunay na buhay ninyo, at pag siya’y nahayag, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang karangalan.

  • Ang Sulat sa mga taga-Kolosa, 3:1-4, ikalawang pagbasa ng Marso 31

Maluwalhating Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo!

Naantig ba ang puso natin sa pagbating iyon, gaya ng mga Apostol at sinaunang Kristiyanong nakasaksi sa mismong panibagong buhay ni Hesus pagkapako sa Krus?

Malamang hindi. Mangyari, sa panahon natin, kailangang kita ng mata, patunayan ng siyensiya o kumalat sa Internet at media ang mga pangyayari bago tayo bumilib.

Siete Palabras sa Greenhills


Subalit para sa mga bumangon sa pagsubok at pagkalugmok, nakibahagi sila sa muling pagkabuhay ni Kristo. Ito ang isinalaysay ng pitong taong nagbahagi ng karanasan noong Biyernes Santo, Marso 29, sa Simbahang Santuario de San Jose sa Greenhills, Lungsod Mandaluyong.

Bahagi sila ng “7 Last Words,” ang pagtalakay ng huling mga pahayag ni Hesus sa krus, tampok ang dalawang obispo, apat na pari at ang kilalang tagapagsalitang relihiyoso na si Bo Sanchez. Pinakatampok bilang huling tagapagtalakay ang kinatawan ni Papa Francisco sa Pilipinas, Arsobispo Charles John Brown.

Nagsalita rin sina Obispo Roberto Mallari ng Diosesis ng San Jose, Nueva Ecija; ang mga paring sina Anton Pascual, pinuno ng Radyo Veritas at Caritas Manila; Mario Sobrejuanite, tagapamuno sa Pilipinas ng Society of St. Paul; Jojo Mendoza, eksorsista ng Lipa; at Faiq Edmerson Quinto, tagapagkonseho ng Oblatos ni San Jose sa bansa.

Pero para sa mahigit 500 dumalo sa talakayan, sampo ng nanood sa Internet, di-kataka-taka kung mas nakaantig ang kuwentong-buhay matapos ang bawat pagmumuni sa mga huling pahayag ni Kristo.

- Advertisement -

Matapos magsalita si Obispo Mallari tungkol sa patawad ni Hesus sa pumapaslang sa kanya, nagsalaysay si Alvin Barcelona, batikang mang-aawit at tagapangusap, hinggil sa pinakamahalagang dahilan kaya tumagal nang 27 taon ang pagsasama nilang magkabiyak sa kabila ng mga pagkukulang at pagkakasala, kabilang ang kanyang pangangaliwa: kapatawaran.

Tapos, ibinida ng artistang si Rez Cortes kung paano siya nasagip ng Diyos sa sala at kalabisan ng buhay pelikula, gaya ng mabuting magnanakaw na pinangakuan ni Hesus: “Sa araw na ito, magsasama tayo sa Paraiso,” ang ikalawang pahayag ng Panginoon.

Pinakamalagim ang kuwento ng artistang Lance Raymundo, nabagsakan ng barbel sa mukha nang naghahanda siya sa pagganap bilang Kristo; at si Cheri Roberto, nawalan ng nagbibinatang anak, isa sa apat na kabataang namatay pagbangga sa puno ng kotseng sinasakyan nila.

Nagsalaysay rin ang kapwa artistang sina Wendell Ramos at Candy Pangilinan at ang basagulerong naging pantas at tagapangusap ng Panginoon, si Obet Cabrillas.

Bukod sa salaysay, may awit din sa pagitan ng bawat pagtalakay, tampok ang mga kilalang mang-aawit: sina Barcelona, Bo Cerrudo, Mayi Mamaclay, Ding Mercado, Lucky Robles, Janah Zaplan at ang grupong Bukas Palad (“7 Last Words,” https://www.youtube.com/watch?v=TYZxRWnbCGo).

Paano ba magbagong buhay?

- Advertisement -

Sa mga nagbahagi ng paglubog at pag-ahon, pinakamahirap marahil ang hinarap ni Cabrillas, ang boksingerong lansangan. Mantakin natin ito: para sa paborito niyang pandekoko, dudurugin at duruguin niya ang kapwa basag-ulero para sa pera. At paglaon, inaarkila siya para sa suntukan ng mga fraternity sa Unibersidad ng Pilipinas (UP).

Siyempre, madalas siyang makulong, at matapos ang huli niyang pagkapiit, napalahok siya sa grupong relihiyoso ni Bo Sanchez bilang tagapangusap sa kabataan. At sa pagsasalita para sa Diyos nagsimula ang pag-ahon ni Cabrilles.

Ngayon, hindi lamang siya tagapangusap, kundi pantas din, nag-aaral sa UP ng pagkadoktorado, libre ang matrikula bilang iskolar, gaya ng asawa niya at dalawa nilang anak. Sa paglilingkod sa Diyos, nagkaroon ng panibagong buhay ang basag-ulerong patungo na sa libingan at marahil impiyerno.

Paano nakabangon ang mga tagilid ang buhay gaya ng mga nagsalaysay sa Siete Palabras ng Santuario de San Jose? Tatlong D: Diyos, Diyos at Diyos.

Una, sa pagkalugmok, tumingala sila at tumanaw sa Diyos. Ito ang unang hakbang maging nga mga pinagpipitaganang santo, gaya nina San Ignacio ng Loyola, habang napapagaling ng binting nasabugan sa digma; San Francisco de Asis, nag-aapoy sa matinding lagnat; at maging ang satanistang naging Apostol ng Rosaryo, si Beato Bartolo Longo (https://en.wikipedia.org/wiki/Bartolo_Longo).

Pangalawa, tumalikod sa mga tukso, luho at ambisyong kontra sa Diyos at tumutok sa mga panalangin, pangaral, panonood, pakikisama at pagsisikap na maglalapit sa Kanya. Sa araw-araw, kailangan ng mahigpit na disiplina upang ituon ang buong buhay, isip, puso at kaluluwa sa Diyos.

At pangatlo, tiwala at tapat na pagtalima sa Diyos sa kabila ng pasakit sa katawan pagkontra ng madla, at maging pagkabigo at pagkasawi. Gaya ni Hesus, daraan tayong disipulo niya sa matinding pagsubok, pati ang halos mawalan ng pag-asang inihayag niya sa Kalbaryo: “Diyos ko, Diyos ko, bakit Mo ako pinabayaan?”

Tanggapin natin ang panawagan at hamon ng Diyos — ang panibagong buhay rito pa lang sa lupa patungo sa langit. Amen.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -