28.6 C
Manila
Huwebes, Nobyembre 28, 2024

Tensyon sa West Philippine Sea, umiinit Pilipinas, China parehong naninindigan

- Advertisement -
- Advertisement -

PALAGING itinataboy ng China ang Pilipinas kapag may lumalapit sa mga isla ng West Philippine Sea (WPS), ngunit hindi magpapatalo ang Pilipinas lalo pa’t may international ruling pumapabor dito at kinikilala ito ng international community.

Sa frame grab na ito mula sa aerial video footage na kinunan noong Marso 5, 2024, na ipinalabas ng Philippine Coast Guard, binomba ng tubig ng China Coast Guard ang barko ng Pilipinas na Unaizah habang nagdadala ito ng supply malapit sa Second Thomas Shoal (Ayungin Shoal) sa pinag-aagawang South China Sea. TMT FILE PHOTO

Ayon kay Western Command Commander Vice Admiral Alberto Carlos, nananatiling mataas ang moral ng Philippine Coast Guard (PCG) sa kabila ng pakakasugat niya at ng ilan pang sundalo nang bombahin ng water cannon ng Chinese Coast Guard ang sasakyang pandagat na ginamit nila sa pagsasagawa ng rotation and reprovision (RoRe) mission nito sa Ayungin shoal nitong Marso 5, 2024.

Nagpakita ng puwersa ang China na nagpadala ng 26 na mga sasakyang pandagat at barko upang kontrahin ang maliit na bangka ng PCG upang hadlangan ito sa ginagawa nitong misyon para sa mga coast guards na nakatalaga sa isinadsad ng BRP Sierra Madre sa batuhan ng Ayungin nang araw na iyon.

Ang pagharang na ito at pag-atake ay madalas mangyari sa kabila ng mga diplomatic protest at pakikipag-usap ng mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ng iba pang kinatawan ng gobyerno sa mga counterpart nitong Tsino.

Dahilan ng China


Ibinase ng China ang kanyang pag-aangkin sa West Philippine Sea sa historic right, historic facts o historic waters.

Ayon sa China, ang dahilan kung bakit nila inaangkin ang kabuuan ng West Philippine Sea ay batay umano sa sinaunang kasaysayan  sa panahon pa ng Han Dynasty.  Gumagamit ngayon ang Tsina ng “ten-dash line” para markahan ang inaangkin nitong teritoryo na sumasakop sa halos kabuuan ng West Philippine Sea.

Ang “ten-dash line” ay sumasaklaw sa mga teritoryo at yamang-dagat ng ibang mga bansa kasama na ang sa Pilipinas.

Bakit ipinaglalaban ng Pilipinas ang WSP?

- Advertisement -

Noong Hulyo 12, 2016, nagdesisyon ang Permanent Court of Arbitration na nagbasura sa pag-aangkin ng China sa halos buong South China Sea kabilang ang mga islang naroroon.

Naninindigan ang China na kanila ang mga isla na nasa South China Sea kahit na ang mga ito ay nasa loob ng teritoryo ng Pilipinas.

Hindi kinikilala ng China ang United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS) nang nagkabisa noon pang 1994.

Sa halip, naninindigan ang China na ang lahat ng nasa South China Sea ay kanilang teritoryo base sa kanilang kasaysayan.

Isang maunlad na bansa ang China at ang populasyon ng mga sundalo lamang nito ay maikukumpara  na sa buong populasyon ng Pilipinas.

Suporta sa Pilipinas

- Advertisement -

Ang naganap na tensyon sa Ayungin Shoal ay nagbunsod ng pagpapakita ng suporta ng mga kaibigang bansa ng Pilipinas, kabilang na ang Estados Unidos.

Handa silang tumulong sa oras ng kagipitan, hindi lamang upang magpuno sa kalakalang maaaring lisanin ng China gaya ng ibinabanta nito, higit sa lahat, maging armadong kaalyado kung kinakailangan.

Sa pahayag ni US State Department Spokesperson Matthew Miller, sinabi niyang nasasaklawan ng Mutual Defense Treaty (MDT)  ang ginawang pag-atake ng mga Chinese Coast Guard sa PCG.

Ang MDT ay isang kasunduan ng Pilipinas at US na nilagdaan taong 1951 kung saan isinasaad na maaaring aksyunan ng kaalyado ang insidente base sa mga probisyon ng kanilang Konstitusyon.

“The United States reaffirms that Article IV of the 1951 US-Philippines Mutual Defense Treaty extends to armed attacks on Philippine armed forces, public vessels, or aircraft – including those of its Coast Guard – anywhere in the South China Sea,” ayon sa kanyang pahayag.

Naibalita rin ng The Manila Times (TMT) na magkakaroon ng Balikatan exercises ang mga sundalong Pilipino at Amerikano sa Abril. Inaasahan na mas malaking training ito kumpara noong nakaraang taon na may 17,000 drills bukod pa sa mas maraming lokasyon ang susunod.

Sa pagbisita naman ng Pangulo ng Marshall Islands na si Hilda Heine sa Malacanang, inihayag nya na buo ang suporta ng kaniyang bansa sa Pilipinas at iminungkahi rin nya kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na makipag-ugnayan sa Pacific Islands Forum, isang samahan ng mga bansa na nasa Pasipiko na kinabibilangan ng 18 mga bansa- Australia, Cook Islands, Federated States of Micronesia, Fiji, French Polynesia, Kiribati, Nauru, New Caledonia, New Zealand, Niue, Palau, Papua New Guinea, Republic of Marshall Islands, Samoa, Solomon Islands, Tonga, Tuvalu, at Vanuatu.

Tinugunan naman ito ni Pangulong Marcos ng pasasalamat at pagsasabing inaasahan ng Pilipinas ang suporta sa international ruling.

Ayon sa ulat ng TMT, inakusahan ng China ang Pilipinas  na sumusuway ito sa kasunduan kaugnay ng Rotation and Resupply Mission (RoRe) mission.

Binigyang diin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi kailanman sila gagamit ng mapangahas at mapag-udyok na pwersa sa pagsasagawa ng RoRe mission sa Ayungin Shoal.

Sinabi rin ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na ipinatupad ng  AFP ang bagong Comprehensive Archipelagic Defense Concept upang depensahan ang teritoryo ng bansa at ang exclusive economic zone (EEZ) nito.

Base sa konseptong ito, maaaring ipakita ng Pilipinas ang kakayahang militar nito sa mga lugar na kailangang proteksyunan at pangalagaan ayon sa Saligang Batas.

Kasabay nito, ipinag-utos naman ni Chinese President Xi Jinping na magkaroon ng koordinasyon ng military strategy sa dagat at maghanda para sa posibleng maritime conflict.

Sa naunang pahayag  ni Pangulong Marcos, sinabi nito na patuloy na ipagtanggol ng Pilipinas ang teritoryo nito.

Blinken, muling bibisita sa Pilipinas

Samantala, inaasahan na bibisita si US Secretary of State Antony Blinken ngayon, Marso 19 upang makipag-usap kay Pangulong Marcos Jr. tungkol sa seguridad ng bansa. Ito ang ikalawang pagbisita ni Blinken sa bansa.

Makikipagkita rin si Blinken kay Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo upang talakayin ang bilateral ties ng dalawang bansa. May dagdag na ulat ni Lea Manto-Beltran

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -