27.9 C
Manila
Lunes, Nobyembre 25, 2024

Ang ‘Black History Month’: Ipinagdiwang ng US Embassy sa pamamagitan ng mga awit at poetry reading

- Advertisement -
- Advertisement -

NAANYAYAHAN akong dumalo sa isang pagtitipon na ipinagdiriwang ng Embahada ng Amerika sa Pilipinas nitong Marso. Ito ang “Black History Month” na idinaos sa maluwang na bakuran ng opisyal na tahanan ng US Ambassador na si MaryKay Carlson sa Forbes Park, Makati City. Itinaguyod ito ng Diversity, Equity, Inclusion, and Accessibility Council (DEIA Council) ng US Embassy. Gaya nang dapat asahan, ang maraming panauhin ng Ambassador ay mga Blacks na nagpaunlak na magbasa ng tula, tumugtog ng musika, at nagbigay ng iba pang live performances.

Napabilang sa mga panauhin ni US Ambassador MaryKay Carlson ang Pinoy Peryodiko columnist na si Dr. Luis Gatmaitan nang idinaos ng US Embassy ang Black History Month.

Pinili ni US Ambassador MayKay Carlson na ipagdiwang ang buwang ito sa pamamagitan ng poetry reading at iba pang musical performances.

Nagbigay ng kopya ng kanyang big book na Puwera Usog ang awtor (Luis Gatmaitan) kay US Ambassador Carlson

Binigkas ng guest performer na si Yvette Malcioln ang isang popular na tula ng Black poet na si Maya Angelou na pinamagatang “Phenomenal Woman” (na sumakto rin sa panahon dahil ang buwan ng Marso ay “Women’s Month”).

Kasama ang makatang Black na si Yvette Malcioln na bumigkas ng tula ni Maya Angelou

Nakatutuwa ring pakinggan ang awiting inihatid ng ‘US Embassy Soulful Singers’ na binubuo ng mga mga kababayan nating Filipino na nagtatrabaho sa embahada. Inawit nila ang “Lift Every Voice and Sing” at inanyayahan ang audience na makisabay sa kanilang pag-awit.

Exhibit ng photograph ni Ambassador Chantale Wong

Si Ambassador Chantale Wong, ang kasalukuyang United States Director ng Asian Development Bank (ADB) na may ranggong Ambassador, ay nagkaroon din ng exhibit ng kanyang photograph na kanyang nakunan sa namayapang Congressman John Lewis, isang civil rights activist.


Nag-eksibit si Ambassador Chantale Wong, US Director for Asian Development Bank, ng isang larawang kuha niya sa Black civil rights champion na si Congressman John Lewis

Nabanggit ko kay Ambassador Wong na ang nakuha niyang larawan ni Congressman Lweis ay mistulang isang black-and-white painting. Hobby ni Ambassador Wong ang photography.

Ano nga ba ang kahalagahan nitong Black History Month sa pandaigdigang kasaysayan?

Nilikha ang “Black History Month” (na dati’y tinatawag na ‘Negro History Month’) upang pagtuunan ng pansin ang naging kontribusyon ng mga African Americans sa Estados Unidos (United States of America). Binibigyang parangal nito ang lahat ng Black people mula sa iba’t ibang yugto ng  kasaysayan ng Amerika: mula sa mga taong ginawang alipin mula sa Africa noong ika-17 siglo hanggang sa mga African Americans na nananahan ngayon sa Amerika.

Isa sa mga panauhing nagtanghal

Siyempre, hindi maaaring hindi mabanggit ang kasaysayan ng pang-aalipin sa kanila (slavery) at ang mababang pagtingin dahil sa kanilang itim na kulay ng balat (racism).  Kamakailan, nagkaroon ako ng pagkakataong mapanuod ang remake ng pelikulang “Color Purple” na hango sa nobela ni Alice Walker, isang Black author, na nanalo ng Pulitzer Prize noong 1982. Ipinakita sa pelikula ang mga pinagdaanan ng isang Southern black woman (si Celie) na lumaki sa estado ng Georgia sa pagitan ng 1909 at 1947. Bukod sa film adaptation, nagkaroon din ito mg musical. Tunay na nakaaantig ng damdamin ang naturang pelikula. Nakakabilib ang katauhan ni Celie sa Color Purple. Baon ko ang kuwento niya nang magtungo ako sa pagdiriwang ng Black History Month sa tahanan ng ating US Ambassador.

- Advertisement -

Pero huwag ipagkamaling tungkol lamang sa slavery o racism ang kasaysayan ng mga Blacks.  Ipinagdiriwang din ng Black History Month ang pambihirang kakayahan at tagumpay ng mga Black people sa iba’t ibang larangan: pulitika, panitikan, music and entertainment, medisina, batas, sports, at iba pa.

Sa mga eskuwelahan sa ating bansa, may halaga ba ang pagdiriwang Black History Month?

Oo naman. May mga subject naman tayo na tumatalakay sa History o Kasaysayan. Naniniwala akong maganda ring mapag-usapan ang naging kontribusyon sa lipunan ng mga Black people. Oo nga’t hindi ito bahagi ng ating kurikulum sa DepEd pero maganda rin na matalakay ito ng ating mga guro upang mas ma-appreciate ng mga bata’t kabataan ang mayamang kasaysayan ng mga Blacks. Makatutulong ito upang mabuksan ang isip nila at lumawig ang pananaw sa maraming lahi na nananahan sa daigdig. Tayo rin kasi ay nakararanas paminsan-minsan ng racism mula sa ibang lahi dahil sa ating pagiging Pilipino (o Asyano).

Sa loob ng classroom, magandang simulan ito sa naging impact ng mga black sa musika natin, o ‘yung pagtalakay sa buhay ng mga Black scientists and inventors, pati na ang husay ng magagaling na kilala nating Black singers gaya nina Stevie Wonder, Whitney Houston, Michael Jackson, Prince, Aretha Franklin, Rihanna, Jimi Hendrix, Beyonce, Mariah Carey, at Alicia Keys . Nandiyan ang magagaling na TV celebrity hosts na gaya nina Ophrah Winfrey at Steve Harvey. Nandiyan ang mga sikat na Hollywood stars na sina Halle Berry, Denzel Washington, Morgan Freeman, Samuel Jackson, Angela Bassett, Will Smith, Wesley Snipes at Eddie Murphy.

Sa mga writers at book authors, nandiyan sina Toni Morrison, James Baldwin, Maya Angelou, Zora Neale Hurston, Langston Hughes, Alice Walker, Terry McMillan, Gloria Naylor, Olivia Butler, at Kwame Alexander. Lahat ay mahuhusay!

Ang dating Pangulo ng Amerika na si Barack Obama ay isang Black American din. Gayon din ang basketball legend na si Michael Jordan.

- Advertisement -

Heto pa ang ilang trivia tungkol sa Black History. Ang estado ng Vermont ang unang kolonya na nag-ban ng pang-aalipin o slavery noong 1777. Sa panahong 1770s din itinayo ni Anthon Benezet ang unang paaralan para sa mga African American children.

Ang kasalukuyang US Ambassador sa Pilipinas na si MaryKay Carlson habang ipinapaliwanag ang kahalagahan ng ‘Black History Month’

Actually, tuwing buwan ng Pebrero karaniwang ginagawa ang Black History Month. Ito’y dahil sa buwang ito ipinanganak ang dalawang dakilang Amerikano na malaki ang naging papel sa paghubog ng Black History: sina Abraham Lincoln (February 12) at Frederick Douglass (February 14). Huli man daw at magaling, naihahabol pa rin. Dahil sa iskedyul ng US embassy, buwan na ng Marso nang maipagdiwang ito ngayong taon. Natatandaan ko na noong nakaraang taon, buwan ng Pebrero nang idinaos ng ating US Embassy ang Black History Month.

Halos 400 taon na ang kasaysayan ng pananahan ng mga Blacks sa America. At patuloy itong mag-aalay ng mahahalagang kontribusyon, hindi lamang sa Amerika, kundi sa buong daigdig.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -