Salamat po, Mr. President. Hindi ko po i-interpellate ang aking kasama dito sa Senado. Nais ko lamang po magbigay ng isang maikling manipestasyon kaugnay ng binabanggit.
At ang manipestasyon pong ito ay pagbanggit lamang uli sa ano ang status sa ngayon ng proseso, ng pagdinig, ng resolusyon sa binanggit na komite, ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality.
Ang status po doon ay dalawang beses pong inimbita yung resource person. Inisyuhan din po ng subpoena ng Senado, pinirmahan ng Senate President. Hindi rin nila pinaunlakan. Kaya’t ayon sa rules ng Senado sa pagkondukta ng imbestigasyon in aid of legislation, ay ni-rule ko po, ni-rule ng chair para i-cite in contempt yung resource person at ipinahayag na hihilingin sa Senate President, iparesto yung resource person para sa wakas iharap na sa komite para makasagot sa mga seryosong tanong sa kanya.
Ang kasama ko po sa komite ay nag-object. At dahil doon, ayon din sa rules ng Senado, binigyang daan ng chair na magkaroon ng pitong araw upang makabuo ng majority ng mga miyembro ng komite para mag-object. At ang ikapitong araw pong iyon, Mr. President, ay bukas. Kaya, gayon din, alinsunod sa mga rules natin sa Senado, binibigyan daan ng chair na makabuo ng majority. So, depende kung ano yung maging resulta bukas, ang magiging sunod na mga hakbang ng komite.
Pero ngayon pa lamang, ay meron na po tayong mame-make of record na may precedent po sa mga ruling ng Korte Suprema at maging sa mga dating idinaos na mga pagdinig ng mga komite, maging ng Senate Blue Ribbon Committee, dito sa Senado na nagpatuloy kahit po mayroon na pong tumatakbong mga kaso sa Korte.
Isang halimbawa po, Mr. President, ang Catherine Camilon case, yan po ay kasulukuyan pa rin dinidinig dito po sa Senado, sa Senate Committee on Public Order, kahit nakafile na po ang mga charges sa Korte. So, ito lamang po ay pinaka-recent sa mga maisa-cite po ng chair ng Committee on Women, na kahit po meron ng mga kasong tumatakbo sa Korte, yung iba dito, final mismo ng Executive, pero nagpatuloy at nagpapatuloy pa rin ang pagdinig dito sa lehislatura.
Dahil wala pong proseso sa isang sangay ng gobyerno ay mas importante, o hindi kasing importante, sa, prosesong tumatakbo sa ibang sangay ng gobyerno. Yan po ay isang esensya ng ating sistema ng checks and balances. At sa sistemang iyon ng checks and balances, well within its rights, at may rules na ating pong sinusunod, well within its rights, ang Senado ipagpatuloy ang kanyang mga proseso ayon sa kanyang mandato, ayon sa kanyang tungkulin, at ayon sa kanyang sariling rules.
For the record, Mr. President, salamat po, Mr. President.