MATAPANG na nagpahayag sa isang video message si Bise Presidente Sara Duterte na “trial by publicity” ang nangyayari kay Pastor Apollo Quiboloy, nagtatag ng Kingdom of Jesus Christ (KoJC), na ilang beses na pinatawag ng Senado at ngayon ay maging ng Kamara dahil sa alegasyong child abuse.
Narito ang kabuuan ng pahayag ng Ikalawang Pangulo Sara Duterte sa kanyang Facebook page noong Marso 11, 2024.
Mga kababayan
Ako po ay nakikiisa sa panawagan ng pagpapa-iral ng batas at katarungan sa hinaharap na isyu ni Pastor Apollo Quiboloy at ng Sonshine Media Network Inc.
Sa mga ginagawang pagdinig ay tila pinatawan na ng guilty verdict si Pastor Quiboloy kahit na nakabatay lamang ang pagdinig na ito sa mga paratang ng mga testigo na nagkukubli ng kanilang katauhan at hindi mapatunayan ang kredibilidad.
Marami sa atin ang naniniwala na ang dinaranas ngayon ni Pastor Quiboloy ay isang pandarahas at hindi patas.
Bukod sa hearing na walang pinatutunguhan ay kabilang rin dito ang indefinite suspension ng broadcasting network na SMNI na isang isyu ng media freedom.
Hindi biro ang mga pangyayari at paratang na ganito.
Nararapat lamang na mabigyan ng patas na laban at sa tamang korte.
Ika nga sa Mateo 5:11-12, ‘Pinagpala ang mga nilalait at inuusig ng mga tao, at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan nang dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Alalahanin ninyong inuusig din ang mga propetang nauna sa inyo.’
Sana po ay maging gabay natin ang mga bersikulong ito patungo sa kaginhawaan at mabigyan tayo ng tibay ng loob sa pagharap sa mga pagsubok, pagtitiis at pag-uusig ngayon.
Lagi po tayong manalangin para sa hustisya at katotohanan.
Justice and the truth cannot be achieved in trial by publicity but by a day in court.
Shukran.
Sara Z. Duterte
Vice President of the Philippines
Secretary of the Department of Education
Samantala, itinalaga si BP Duterte bilang caretaker ng bansa ayon sa Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, ito ay habang nasa limang araw na working visit sa Germany at Czech, ‘Republic si Pangulong Marcos simula Marso 11-15.