NANGGAGALAITI sa galit ang isang katoto sa media sa isang balita na si Vice Admiral Alberto Carlos ng Philippine Navy ay sakay ng isa sa dalawang barkong di umano’y kinanyon ng tubig ng China Coast Guard (CCG) noong isang linggo. Ayon sa balita, nagpahayag si Carlos na nasugatan siya ng mga bubog ng salamin ng bintanang winasak ng panganganyon.
Isa pang barko di umano ng CCG ang bumangga at puminsala naman sa isang sasakyan pa ng Philippine Coast Guard (PCG) habang nagsasagawa ng resupply mission sa nakabahurang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ito na ang pinakagrabe na masasabing ginawa ng China sa Pilipinas mula nang pamumuntirya diumano ng sinag laser ng CCG na di umano’y panandaliang bumulag sa mga tripulante ng PCG.
Kung bakit sa kabila ng sa pinakahuling insidente, mismong ang kumander ng Western Command (Westcom) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang biktima ng pananakit, ay wala pa ring kahit anong ginawa ang AFP bilang pagtatanggol sa bansa na siyang pangunahin nitong tungkulin. Hindi ba nagpapakita lamang ito na ang lumilitaw na grabeng pangyayari ay hindi totoo?
Sa ibang kalagayan na ganito, normal lamang na ang sandatahang lakas ay gumawa na nang pantapat na pananggol na karahasan. Pero hindi. Ang ginawa ni Carlos ay nagreklamo sa media na ang malinaw na intensyon ay propaganda lamang upang pasamain ang China.
Tipikal na reaksyon sa nangyari na nagpapakita sa kung gaano kalaki ang dagok na nilikha ng propaganda ni Carlos ay ang pahayag ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri sa isang press conference noong Martes: “China, bakit napakahirap mong mahalin. Dalawang water cannon pa ang ipinambomba mo sa maliit na bapor ng Philippine Coast Guard (PCG)… Ayaw namin ng gulo… but we strongly, completely condemn this provocative action (subalit malakas, ganap naming kinokondena ang nakakapagpasiklab na gawaing ito… Saan mang panig ng daigdig ay respetado ng international law ang malayang paglalayag ng mga barko… Tigilan mo na ang panghaharas sa aming mga sasakyan na ang ginagawa lamang ay magdala ng mga suplay… Kung may isang barko na ang lumubog… ewan kung ano’ng mangyayari…”
At sa pagtatapos ng kanyang pahayag, inulit ni Zubiri ang paboritong hyperbole (buladas) ni Bongbong: “We will never give away a square inch of our territory.”
Bukod sa nakagawiang diplomatic protest, tinagubilinan naman ni Bongbong ang militari na ipagpatuloy ang pangangalaga sa soberiniya ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.
Sa lahat nang ito, isang matinding pang-uuyam ang reaksyon ng kasamahan sa media na nabanggit sa unahan: “Isang damukal pala kayong mga duwag. Binomba na kayo’t lahat kung iyun ay totoo, bakit puro ngaw-ngaw pa rin kayo? Gumiyera na kayo!”
Sa totoo lang, may katwiran ang mama. Sa tindi ng nangyari na bukod kay Carlos ay apat pang sundalo ng Philippine Navy ang nasugatan sa pambobomba ng CCG, sa mga normal na pangyayari, agad giyera na ang tugon ng tinamaan.
Pero hindi kundi diplomatic protest pa rin ng presidente at itong militari, imbes na bala na, walang kamatayang propaganda pa rin.
Naririto ang salaysay ni Jay Tariella, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard, na lumabas sa Twitter.com.
“Statement of the National Task Force-West Philippine Sea
“This morning, China Coast Guard (CCG) and Chinese Maritime Militia (CMM) vessels harassed, blocked, deployed water cannons, and executed dangerous maneuvers in another attempt to illegally impede or obstruct a routine resupply and rotation mission to BRP SIERRA MADRE (LS 57) at Ayungin Shoal.
“…The use of water cannons by the CCG vessels shattered the wind shield of UM4, causing minor injuries to at least four (4) personnel on board.”
Ito ang talagang ipinagpuputok ng butse ng katotong media man. Ang balita tungkol sa insidente ay hindi lehitimong gawa ng media kundi salaysay sa Twitter ng nakaugaliang tagapagsalita ng Philippine Coast Guard na hindi na itinatago ang malalim na kontra-China na pagkamuhi at walang kahiya-hiyang mala-aliping pagulit-ulit lamang sa bawat salitang lumitaw mula sa bibig ng doble kara na Amerika.
Ang normal na kalakaran sa ganung mga pangyayari ay agad na dapat tumawag ng press conference at doon ihaharap ang mga biktima ng karahasan habang sariwa pa ang patunay sa mga sugat na tinamo at sa mga pinsala sa mga kagamitan. Hindi at sa halip nagkasya na lamang sa paglathala ng salaysay si Tariella sa Twitter tungkol sa diumano’y insidente upang ito ang ipa-pick up sa media na tunay na nangyari.
Ang balita ng USNI ay may kasamang larawan ng dalawang barko (na kinilala bilang mga barkong CCG) na nambobomba ng tubig sa nag-iisang maliit na barko (kinilala naman na barko ng PCG) subalit ito ay media photo na sa totoo ay bahagi ng salaysay naman ni Raymond Powell na inilathala ng United States News Institute (USNI).
Alam na natin kung sino si Powell, dating opisyal ng US Airforce, ngayon bahagi ng Gordian Knot Center for National Security Innovation ng Stanford University subalit sinasabing pailalim na pinatatakbo ng CIA at ang kasalukuyang pokus ay ang Project Myuoshu na ang layunin ay painitin ang mga Pilipino laban sa China bilang pagsulong sa digmaang Estados Unidos-China sa pamamagitan ng Pilipinas na pinagplanuhan sa pagkakalagda ng EDCA noon pang 2014.
Pansinin ang pahayag na ito ni Powell:
“There is not another place on the planet where a peacetime blockade is taking place in broad daylight.”
Mula pa sa panininag ng laser, ang mga insidenteng isinisisi sa China bilang harassment sa mga resupply mission ng PCG ay nagsisimula kagi kay Powell, sasaluhin ni Tariella, na siyang magpapakalat nito sa media upang magmukhang lehitimong balita.
Subalit, uulitin natin, wala ni katiting na patunay. Ang importante para kay Powell ay mapag-init ang mga Pilipino laban sa China. Sa pinakahuling insidenteng ito, naririto ang kanyang inaasahang resulta:
“…Manila has the right to expect a more muscular response from its partners and allies…
“Beijing has repeatedly demonstrated its willingness to violently enforce the blockade of another country’s outpost within that country’s own exclusive economic zone. That should come with heavy sanction from the international community–or at least that part of it that respects internationally recognized laws, rules and norms.”
Ipinahayag ni Powell na mag-iingay pa ang media hinggil sa reaksyon ng publiko tungkol sa mga kaganapang ito – at ang ingay ay tiyak na higit pang magpapabigat sa kasagutang gagawin ng Maynila.”
Kitam, hindi pa man, alam na alam na ni Powell ang mangyayari. Kasi nga, lahat nang ito ay siya ang may plano.
Kaya mataman ko nang pinag-aaralan ang hamon ng katoto kong media man sa mga kumakalaban sa China: “Gumiyera na kayo kung kaya nyo!”