26.5 C
Manila
Huwebes, Enero 2, 2025

Gatchalian hinikayat ang DoE, ERC na imbestigahan ang isyu sa joint venture para malutas ang palagiang brownout sa mga lugar na sakop ng Ceneco

- Advertisement -
- Advertisement -

HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Department of Energy (DoE) at ang Energy Regulatory Commission (ERC) na magsagawa ng independent investigation sa validity ng joint-venture company na nag-ooperate sa Negros Island.

Partikular na nais ni Gatchalian, vice-chairman ng Senate Committee on Energy, na tiyakin ng DoE at ERC ang bisa ng plebisito na isinagawa upang pagtibayin ang joint venture agreement (JVA) sa pagitan ng Central Negros Electric Cooperative (Ceneco) at Primelectric Holdings Inc./ Negros Electric and Power Corp. (NEPC).

Ang nasabing kasunduan ay nangakong mamuhunan ng hanggang P2.1 bilyon sa susunod na limang taon para i-rehabilitate at gawing moderno ang distribution system na mahalaga sa pagkakaroon ng matatag at abot-kayang suplay ng kuryente para sa mga konsyumer ng buong isla. Nangako rin ang kumpanya na mamuhunan ng P200 milyon para sa sitio electrification program nito. Saklaw ng Ceneco ang mga lungsod ng Bacolod, Bago, Silay, at Talisay; at ang mga bayan ng Don Salvador Benedicto at Murcia.

“Ang madalas na brownout ay paulit-ulit nang isyu sa Bacolod at Negros na nakakaabala sa mga residente at negosyo,” sabi ni Gatchalian. Aniya, ang Ceneco ay lumalabag sa benchmark na 8.2 porsiyento para sa system loss at nakapagtala ng system loss na 11-12 porsiyento bago ang pagpapatupad ng joint venture agreement. Ayon sa senador, nagpapahiwatig lamang ito ng pangangailangan para sa karagdagang kapital upang ayusin ang operasyon.

Sinasabi ng ilang consumer group na ang plebisito, na isinagawa mula Hunyo hanggang Agosto noong nakaraang taon, ay walang ligal na bisa dahil hindi ito inaprubahan sa panahon ng Ceneco general assembly na nakasaad sa by-laws ng kooperatiba. Sinasabi rin ng mga consumer group na ito na nagsampa sila ng ilang petisyon sa ERC na hindi naaksyunan ng ahensya.

“Kailangan nating malaman kung bakit hindi agad inaksyunan ng ERC ang petisyon ng mga consumer group upang matugunan na ang alegasyon ng mga iregularidad sa pagsasagawa ng plebisito,” giit ni Gatchalian.

“Ang DoE ay may kakayahang magsagawa ng isang independiyenteng imbestigasyon at fact-finding sa isyu bilang ito naman ang chairman ng National Electrification Administration (NEA) board,” dagdag niya.

“Kailangan na ng isang independent na imbestigasyon hinggil sa naganap na plebisito para sa joint venture agreement, at imbestigahan ang lahat ng may kinalaman sa kasunduang ito,” sabi ni Gatchalian sa mga kinatawan ng DoE at ERC sa katatapos na pagdinig na isinagawa ng Senate Committee on Public Services sa franchise application ng NEPC.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -