PINAG-UUSAPAN ngayon si Pastor Apollo Carreon Quiboloy, ang nagtatag ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) dahil sa mga kasong ibinabato sa kanya. Narito ang ilang mga pangyayari na magbibigay liwanag kung bakit siya sasampahan ng kaso ng Department of Justice at binuksan muli ng arrest warrants laban sa kanya sa Estados Unidos.
Lumabas sa isang balita kahapon, Marso 7, na ipinag-utos ni Central District of California Judge Terry Hatter Jr. ang pagbukas muli ng arrest warrants laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy at iba pang akusado.
Ang pagbukas ay hiniling ng United States Attorney Criminal Division na humahawak sa kaso ni Quiboloy na kasama ang mga kasong “conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, coercion, sex trafficking of children, conspiracy and cash smuggling.”
“Upon application of the government, and for good cause shown, the arrest warrants and returns in this case are unsealed,” sabi ni Hatter sa kanyang order na may petsang March 1, 2024.
Ayon kay New York lawyer Lara Gregory, ito marahil ang magiging unang hakbang sa pagsisimula ng extradition process ng US Department of Justice para kay Quiboloy.
DoJ sasampahan ng kaso si Quiboloy
Nauna rito, sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na sasampahan ng kaso ng sexual child abuse at qualified human trafficking si Quiboloy nitong Lunes, Marso 4, 2024.
Ito ay matapos na dinggin ng Justice department ang petisyon na masiyasat muli ang mga kaso kay Quiboloy na na-dismiss ng Office of the City Prosecutor ng Davao City noong 2020.
Ayon kay Remulla sa isang press briefing, “Ang kasong ito ay dumating sa department ngayong taong ito. Four years na itong nakabinbin dito, isa’t kalahating taon na nasa ilalim namin. Kaya binantayan namin ng husto at lumalabas talaga rito na meron talagang kailangang panagutan si Pastor Apollo Quiboloy at ang kanyang mga kasama.”
Dagdag pa ni Remulla, may “probable cause” laban kay Quiboloy at sa iba pang kasamahan nito para sa krimeng sexual abuse of a minor sa ilalim ng Section 5(b) ng Republic Act 7610, gayundin para sa qualified human trafficking at iba pang kaso ng pang aabuso sa bata.
Upang mabalikan ang kaso, iniutos ng DoJ sa Office of the City Prosecutor ng Davao City na magsampa ng kasong paglabag sa Republic Act 7610 o ang Anti-Child Abuse Law na may probisyon tungkol sa sexual abuse ng menor de edad.
Ang kaso ng qualified human trafficking ay isasampa sa Pasig City, ayon kay Remulla.
Mayroon din umanong hold departure order kay Quiboloy ngayon para hindi makaalis ng bansa.
‘Cite for contempt’
Samantala, na-cite for contempt si Pastor Quiboloy ni Sen. Ana Theresia “Risa” Hontiveros, chairman ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality noong Martes, Marso 5, pagkatapos hindi sumipot ni Quiboloy sa mga subpoena ng panel. Hiniling din ni Hontiveros kay Senate President Miguel Juan “Migz” Zubiri na mag-utos ng pag-aresto kay Quiboloy para lumahok sa pagdinig.
In aid of legislation nga ba?
Magalang na tinutulan ni Sen. Robinhood “Robin” Padilla ang pag-cite in contempt ni Sen. Hontiveros kay Quiboloy dahil sa hindi pagdalo nito sa pagdinig sa Senado.
“Ipagpaumanhin na po ninyo, akin pong tinututulan ang naging pasya na ma-contempt si Pastor Quiboloy. With all due respect,” ani Padilla.
Ayon kay Hontiveros, “well-noted” ang pagtutol ni Padilla. Aniya, pinapayagan ng Section 18 ng rules of procedure governing inquiries in aid of legislation ang mayorya ng myembro ng komite na baligtarin o i-modify ang order of contempt sa loob ng pitong araw.
Sa magkaibang press conference, nagpahayag din ng pagtutol si Sen. Imee Marcos at sinabing isa siya sa mga boboto sa pag-atras ng contempt kay Quiboloy.
“Kami ni Senator Robin, talagang pipirma, nagkasundo kami kagabi na pipirma kami para ipaatras itong contempt order kasi parang ‘di naman s’ya tama,” sabi ni Sen Marcos sa mga reporter.
Kinuwestiyon din ng Senadora ang nangyayaring probe laban sa lider ng KOJC at naghihinala siya sa imbestigasyon na “in aid of legislation.”
“Kinakailangan nga na alamin muna natin lahat ng kinakailangang alamin, kasi puro kwentuhan lamang. May testigo nga, alam ko narinig ko si Senator Risa, pero ganun pa man, kinakailangan na bigyang daan pa rin ang nasa korte at di ako sigurado na in aid of legislation talaga ang mangyayari,” dagdag pa niya.
Katwiran ni Quiboloy
Samantala, paulit-ulit na sinabi ni Quiboloy na hindi siya dadalo sa imbestigasyon sa Senado hinggil sa mga kaso ng KoJC kahit ipinatawag na ng komite ni Hontiveros.
Ayon kay Quiboloy, korte lamang at hindi pagdinig sa Senado ang may kapangyarihan na makapagbigay ng hatol kung “guilty” o inosente ang inaakusahan.
Mga alegasyon kay Quiboloy
Noong 2021, nakasama si Quiboloy sa “Most Wanted” na listahan ng Federal Bureau of Investigation (FBI) dahil sa mga kasong kinasasangkutan nito kabilang ang panghahalay, human trafficking at smuggling.
Sa website ng FBI, nagbabala ito kaugnay sa kanilang paghahanap sa “Appointed Son of God” na si Apollo Carreon Quiboloy, head pastor ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), dahil sa umano’y partisipasyon nito sa isang labor trafficking scheme upang makapagdala ng mga kasapi ng simbahan nito sa US sa pamamagitan ng ilegal na pagkuha ng visa at pamumwersa nito sa mga myembro na mag-solicit ng donasyon para sa isang pekeng charity, mga donasyon na ginamit para tustusan ang operasyon ng simbahan at marangyang pamumuhay ng mga lider nito.
Pinilit din nito umano ang mga kasapi na magaling mag-solicit ng donasyon na pumasok sa pekeng pagpapakasal o di kaya’y kumuha ng pekeng student visa upang maipapagpatuloy ang pagsosolicit sa Estados Unidos buong taon.
Bukod pa rito, sinabi rin ng FBI, na ni-recruit ang mga babae upang maging personal assistants o “pastorals” ni Quiboloy na syang naghahanda ng kanyang pagkain, naglilinis ng kanyang bahay, nagmamasahe at nakikipagtalik sa kanya na tinagurian ng mga itong “night duty.”
Bunsod ang paghahanap na ito kay Quiboloy sa kasong isinampa sa kanya ng federal grand jury ng United States District Court for the Central District of California, sa Santa Ana, California sa Amerika dahil sa pakikisabwatan nito sa sex trafficking, panloloko, pamimilit, sex trafficking ng mga bata at bulk cash smuggling, na nagresulta ng paglalabas noong Nobyembre 10, 2021 ng isang federal warrant upang sya ay dakipin.
Pagdinig sa Senado
Noong Enero 2024, nagsagawa ng pagdinig ang Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality of the Senate of the Philippines sa pangunguna ni Senadora Hontiveros.
Ang pagdinig ay isinasagawa “in aid of legislation” upang matukoy kung epektibo pa ba ang mga kasalukuyang batas laban sa human trafficking na sangkot ang relihiyon.
Iginiit ng kampo ni Quiboloy sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio na hindi sisiputin ng pastor ang pagdinig ng Senado na wala namang karapatang magdesisyon kung ang isang tao ay maysala o inosente.
Sa pagdinig na ginanap noong Enero 23, 2024, limang dating kasapi ng KOJC ang nagbigay ng kanilang mga pahayag laban kay Quiboloy.
Sa pagdinig, dalawang Ukranian nationals na may alias na Sofia at Nina, sa pamamagitan ng isang recorded video, ang nagsabing sila ay nakaranas ng pang-aabusong sekswal ni Quiboloy matapos silang tanungin kung handa ba silang isakripisyo ang kanilang katawan.
Ayon naman sa isang alias Amanda, siya rin ay nilapastangan ni Quboloy noong Setyembre 2014 kaya sya umalis sa simbahan nito at nagtrabaho na lamang dahil hindi ilabas ng Jose Maria College na pag-aari ng KOJC ang kaniyang transcript of records.
Sinabi naman ni alias Jerome, isang dating myembro na siya ay inutusang magtinda at mag-solicit nang sya ay wala pa sa hustong gulang, kung saan lahat ng kanyang nakolekta ay kinakailangang ibigay sa simbahan. Aniya kabilang sa mga parusa ng mga di sumunod ay ang pag-uutos sa mga myembro na ipukpok ang kanilang sariling ulo sa pader hanggang sa magdugo ito, pagpapahid ng sili sa mga mata at pribadong parte ng katawan.
Ayon naman kay Arlene Stone, na dating coordinator ng KOJC at ngayon ay naninirahan na sa US, siya ay naatasan na utusan ang mga miyembro na magbenta ng mga ari-arian at ibigay sa simbahan, at ang mga walang ari-arian ay kinakailangang mangutang. Aniya, kailangan nyang “pigain” ang mga miyembro upang maabot ang quota ng kanilang grupo bilang paghahanda sa ikalawang pagparito ng Panginoong Hesus. Nang mga panahong iyon, aniya, siya ay lubos na naniniwala kay Quiboloy hanggang sa hindi naman nangyari ang mga propesiya ng pastor ayon sa takdang araw na kanyang sinabi. Nasundan pa ito, aniya, ng kawalan ng konsiderasyon ng ibang kawani ng simbahan sa kanyang pinagdaraanan nang sitahin ang pagbaba ng kanyang ibinibigay na pera sa simbahan. At ang tuluyang pumutol ng kaniyang paniniwala kay Quiboloy at sa KOJC ay nang maaksidente ang inarkila nyang sasakyan para sa kanyang mga kasamahan na nagbiyahe sa US upang magsolicit at siya pa rin ang pinagbayad sa may-ari nito.
Kabilang pa sa mga akusasyon kay Quiboloy ay ang pagbibigay ng “fake scholarship” sa mga myembro ng KJC at pagpwersa sa mga ito na mamalimos para sa simbahan. Gayundin, ang mga empleyado umano ng Sonshine Media Network International (SMNI) na pinapatakbo rin ng KOJC ay hindi nakatatanggap ng sahod at ng mandatory benefits.
Pinabulaanan naman ito ng abogado ni Quiboloy na nagsabing nakatatanggap ang mga empleyado ng SMNI ng honorarium.
Ayon sa pinakahuling ulat, apat na senador na ang pumirma sa manifestation na tumututol para sa pag-aresto kay Quiboloy sa Senado. Sila ay sina Senador Robin Padilla, Sen Imee Marcos, Sen Cynthia Villar at Sen Bong Go. Walo ang kailangang pirma ng manifestation para hindi mabigyan ng arrest warrant ng Senado si Quiboloy. May dagdag na ulat ni Sheryll Alhambra