O, Juan, kamusta naman yung mga kaibigan mong nanuod ng Taylor Swift concert sa Singapore?
Uncle, ayun mga baon sa utang! Pati magulang nila. Ha ha ha!
Ha? Bakit naman?
Naku, Uncle, kung alam mo lang ang mga ginastos ng mga yan. Wagas! Pati 13th month pay at Christmas bonus tangay! Pero ang gaganda ng pics nila sa IG. Inggit nga yung iba na di nakapunta.
Wow, masaya naman yata pwera lang ang bulsa nila. Maraming matututunan dyan sa mga Swifties na yan, Juan. Yan nga ang talakayin natin.
Sige tingnan muna natin ang big picture kung ano ba ang epekto ng mga big-time concerts na tulad nito sa mga bansang nagho-host sa kanila?
Maganda daw ang nadudulot ng ganitong klaseng palabas na may kilalang world performers sa ekonomiya ng bansang pinagdausan nito.
Una, may ekspektasyon na dadagsa ang mga turista sa bansa at gagastos ang mga ito sa mga hotel, restaurants, shopping at iba. Kung mataas ang porsiyento ng turismo at pribadong konsumo sa kalakaran ng ekonomiya ng bansa, siguradong magbibigay ito ng positibo na benepisyo.
Sa Singapore, mga 4 na porsiyento ng Gross Domestic Product o GDP nito ay dala ng turismo. Ang pribadong konsumo ay 31.3 porsiyento ng GDP nung 2023. Sa isang bansang gustong makabangon sa negatibong epekto ng pandemya, magandang stratehiya ito para buhayin muli ang natulog na turismo at konsumo ng ilang taon.
Nung 2022, kalahati lamang ng 2019 pre-pandemic tourism receipts ang nakuha ng bansa sa halagang SGD13.8 bilyon hanggang SGD14.3 bilyon. Kailangan nilang makarecover, kaya ang concert in Taylor ay isang malaking oportunidad na inaasahan nilang makakapagpabago ng situwasyon ngayong 2024.
At pangalawa, sa isang bansang may vision na maging sentro ng mga ganitong klase ng world-class performances sa kanyang rehiyon, tataya at mag-iinvest siya para maisakatuparan ang pangarap na yan. Yan ang ginawa ng Singapore na hindi nila overnight lang napag-isipan kundi parte s’ya ng isang long-term plan na may katapat na mga goals at numero na tinatarget nila.
Sa personal na lebel, ganyan din dapat tayo mag-isip. Lahat ay hindi makukuha ng isang iglap o ilang tulog lang na ang dating mo’y mayaman ka na kaagad na wala ka namang ginawang tama o strategy para makamtan mo ang minimithi mo. Lagi kong sinasabi ang kahalagahan ng financial goals. Kailangan may short term at long term financial goals tayo para alam natin ang dereksyon na gusto nating tahakin at ang dapat nating ginagawa tungkol sa pagbubudget, pag iipon at pagiinvest.
Katulad na lang ng desisyon na manuood ng isang mamahaling concert ni Taylor. Walang masamang manuod. Parte ito ng experiences na sa ibang tao ay makakapagpaligaya sa kanila, isang pangarap na gustong matupad, isang pagkakataon na hindi na puwedeng ipagpaliban o isang FOMO o fear of missing out ng ilang millenials o Gen Z.
Ang tanong siguro ay kung paano ba nila binayaran ang lahat ng ginastos o gagastusin pa lang sa ganitong klaseng palabas sa ibang bansa.
Sa tatlong magulang na kaibigan ko na pinagbigyan ang mga anak na makapanood sa Singapore, ang total na gastusin para sa isang tao ay nasa P100,000 pataas, kasama na dyan ang ticket na hindi naman pang VIP, 3-4 star hotel, pagkain, pambili ng concert souvenirs at iba pa.
Paano ba ito binayaran? Halos credit card ng magulang ang kinaskas, konting cash na naitabi at baon na bagong credit card na hinabol ng Nanay para hindi sila magalala na baka kulangin ang anak.
Kung ang pagpunta sa Singapore o kung saan man ay pinag-planuhan, nag-budget at nag-ipon, ito ay responsable at makatarungan.
Pero kung ito ay pinilit na kinaya, inutang, umaasa sa kabaitan ng magulang o pinagpasa-Diyos na lang ang lahat, ito ay hindi tugma sa mga prinsipyong tinataguyod natin sa financial literacy.
Anong pinansiyal na leksyon ang puwede nating matutunan dito?
Una, paano ba maiiwasan ang di magandang pinansiyal na epekto ng “bandwagon effect” o “herd mentality” ng concert na ito ni Taylor? Ang bandwagon effect o herd mentality ay yung dahil sa napaka-popular nya, marami ang nababaliw sa kanya, ang lahat ay gustong makibahagi sa experiences ng performance nya at siguradong sulit ang palabas, hindi ko puwedeng palampasin na hindi ako kasali at mawala sa kuwento ng henerasyon ko.
Parang pagbili rin ng stock yan, o yung paggamit ng isang produkto o yung pagsali sa isang grupo na may impluwensya sa buhay mo. Parang dahil marami ay ganun ang ginagawa, so siguro tama na makilahok ka din.
Pero dapat may plano ka kung prayoridad mo yan sa “want list” mo. Kung natatandaan n’yo, may sinabi ako tungkol sa 50-30-20 rule sa pagba-budget.
Ang ibig sabihin ay 50 porsiyento ng kinikita mo ay para sa basic needs tulad ng bahay, utilities, o pagkain, 30 porsiyento para sa mga wants mo tulad ng shopping, travel o panunood ng international concerts at 20 porsiyento para sa ipon o savings.
Kung nagawa mo ito isang taon bago ganapin ang concert ni Taylor, magaling. Napag-planuhan mong maigi. Kung hindi, kawawa ang trabaho’t wallet mo pagkatapos ng kasayahan.
At pangalawa, may tinatawag na “empowerment effect” kung saan nagkakaroon ka ng emotional attachment sa concert na gusto mong panuorin at pag nabili mo na yung ticket, parang ang feeling mo, empowered ka, “I made it” at mas may halaga na ang buhay mo dahil sa karanasan mong yun.
Kalimitan ang mga kabataan ay ganito. Hindi pa sila emotionally mature ika nga at hindi pa nilang ganap na naiintindihan ang halaga ng pera at ang hirap na kaakibat para kitain ito.
Sa mga magulang na hindi natiis ang anak at pinagbigyan sa kagustuhang makita ng live si Taylor, ito lang ang maipapayo ko.
- Ipaliwanag na mahirap kumita, mag-budget at mag-ipon para sa kanilang kinabukasan. Importante pa rin na maging matalino tayo sa mga desisyong pinansiyal.
- Puede kayong magkasundo na bayaran ng anak ang “ inutang” sa pamamagitan ng pagbabawas sa allowance at regalo sa birthday o ano mang okasyon.
- Turuan ang anak ng pagse-set ng financial goals para alam nila ang disiplinang kailangan para maisakatuparan ito. Kung tinabing ipon ang P 100,000 na lang na gagastusin sa isang concert at iinvest ito sa isang simpleng time deposit sa bangko, baka mas maaga pang makuha ang pinangarap na financial goal.
Kaya, Juan, walang problema kung meron kang gustong bilhin o maranasan, paghandaan mo lang ng mabuti. Ok ba yun?