25.7 C
Manila
Biyernes, Enero 3, 2025

Gatchalian nanawagan ng agarang aksyon kontra ‘urban congestion’ sa gitna ng palagiang sunog

- Advertisement -
- Advertisement -

NANAWAGAN si Senador Win Gatchalian sa pamahalaan para sa mabilis na pagpapatupad ng proyektong pabahay upang matugunan ang pagsisikip sa maraming mga residential area. Ito kasi aniya ang isa sa mga dahilan kung bakit mabilis na kumakalat ang sunog.

Larawan kuha ni  Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

Ang panawagan ng senador ay kasabay ng pagbibigay niya ng mga sako ng bigas sa tatlong magkakahiwalay na lugar sa Maynila at Parañaque na naapektuhan kamakailan ng sunog. Umabot sa P537,500 ang halaga ng bigas na kanyang ipinamigay.

Ayon sa senador, kadalasang nakakaakit ang mga siyudad ng mga manggagawang naghahanap ng trabaho, na humahantong sa pagsisikip ng mga kabahayan, lalo na sa mga mahihirap na komunidad. Ang pagsisikip ng mga bahay sa naturang mga komunidad kalaunan ay nagdaragdag ng panganib ng mga insidente ng sunog.

Ang mga nakatanggap ng food relief na ibinigay ni Gatchalian ay kinabibilangan ng mga residente ng Barangay 598 sa Sta. Mesa, Manila kung saan sumiklab ang sunog noong Pebrero 21 na sumira ng humigit-kumulang 100 bahay at nag-iwan ng 300 pamilyang nawalan ng tirahan. May kabuuang 165 sako ng bigas, na nagkakahalaga ng P206,250 ang naipamigay ni Gatchalian sa naturang lugar. Ang mga biktima ng hiwalay na insidente ng sunog sa Barangay 301 sa Sampaloc, Manila na naganap noong Enero 31 ay nakatanggap din mula kay Gatchalian ng 100 sako ng bigas, na nagkakahalaga ng P125,000. Ang senador ay nagbigay din ng 165 sako ng bigas, na nagkakahalaga ng P206,250 sa mga biktima ng sunog noong Pebrero 27 sa Barangay San Isidro sa Parañaque City. Dito, humigit-kumulang 300 pamilya ang nawalan ng tirahan.

“Madalas nang nangyayari ang sunog sa mga lugar kung saan maraming nakatira at dikit-dikit ang mga bahay. Upang mapababa ang panganib na maraming madamay sa sunog, mahalagang maisakatuparan ng pamahalaan ang ganitong uri ng programa ng pabahay para sa mga residente ng sunog,” diin ni Gatchalian.

Nauna nang nangako si Pangulong Marcos na magbibigay ng ligtas, de-kalidad at komportable na pabahay.

Ayon kay Gatchalian, ang hindi angkop na structural design gayundin ang mga tinaguriang unsafe practices pagdating sa paggamit ng kuryente ang nagiging dahilan ng mataas na posibilidad ng sunog sa mga lugar na masisikip na may dikit dikit na mga bahay. Ang masikip na daan din ang nagpapahirap sa mga bumbero na pasukin ang mga lugar upang apulahin ang sunog, sabi ni Gatchalian.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -