27.9 C
Manila
Martes, Nobyembre 26, 2024

Kakaibang halinang hatid ng mga ‘Big Books’ (Paggamit ng ‘Big Books’ sa loob ng klasrum)

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

(ikalawa sa serye)

ILANG beses na kong nakadalaw sa mga pampublikong paaralang pang-elementarya dito sa bansa. May mga pagkakataong nakikita ko sa estante ng mga klasrum ang ilang storybooks na nasa anyong ‘big book.’ Maganda ang pagkakaguhit. Nakabalot pa ng plastic ang cover. Kapag tinatanong ko ang mga guro kung saan ito galing, sinasabi nila na sila lang mismo ang gumawa ng mga ito. “Kulang po kasi ang mga aklat pambatang binabasa namin. Kaysa umasa sa mga komersyal na publishers o sa supply ng DepEd, ako na po ang gumawa nito,” kuwento sa akin ng isang guro. Nakakahanga ang ganitong hakbang ng mga guro. Sila na mismo ang nangahas gumawa.

Naisip ko na magandang ideya rin siguro kung isasali ng guro ang kaniyang mga estudyante sa proseso ng paggawa ng “Big Book.” Mas kikiligin ang bata na basahin ang naturang aklat dahil, ehem, katulong yata siyang gumawa. Maaaring ang kontribusyon ng bata ay sa pagbuo pa lang ng kuwento o maaaring sa drowing o artwork na kaakibat ng aklat.

Kartolinang puti ang karaniwan kong nakikita na ginagamit nilang pahina sa kanilang improvised Big Books sa loob ng klasrum. Tapos, ipinado-drowing na lamang nila ang kuwento sa mga kapwa-guro o sa mga kakilalang  mahuhusay ang kamay sa pagguhit. Kamakailan, ipinapa-print na nila ang kanilang ‘sariling-sikap storybooks’ sa mga commercial printers kapag may natirang budget mula sa suweldo.


Pero bakit nga ba mas kakaunti ang big books sa bansa?

“Mas mahal kasi ang produksiyon ng mga Big Books kumpara sa mga storybooks na normal lamang ang sukat,” ‘yun ang paliwanag ng aking editor. “Malaking factor ang presyo ng libro. Para maging mura ang presyo ng bawat big book, kailangang magpa-print ng maraming kopya ang isang publisher,” paliwanag pa niya.

Sa isang bansang gaya ng Pilipinas na hindi gaanong prayoridad ng pamilya ang pagbili ng aklat, mas nalilimitahan ang kakayahang bumili ng aklat dahil sa presyo nito. Siyempre, kapag Big Book, mas malaking papel ang ginamit at mas maraming tinta ang kinailangan. Kaya sadyang magiging mataas ang presyo nito kapag ibinenta.

- Advertisement -

Kapuri-puri ang pagtatangka ng ilang guro sa public school na gumawa ng sariling Big Books na makatutulong sa kanilang pagtuturo. Nang buklatin ko ang ilang Big Book na sila mismo ang gumawa, natuwa ako sa kanilang efforts. Hindi man masasabing pulido ang mga kuwento, nandoon naman ang pagnanais nilang hatdan ng dagdag na aliw at kaalaman ang kanilang mga estudyante.

Nakatulong din na ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), sa pamamagitan ng kanilang Bureau of Learning Resources, ay naglunsad ng isang pambansang kumpetisyon sa paggawa ng mga children’s storybooks. Ito ‘yung taunang National Competition on Storybook Writing (NCSW) na kalaunan ay tinawag nilang Gawad Teodora Alonso. Kasama sa naturang competition ang paglikha ng mga  Big Books para sa dibisyong pang-kindergarten. Kaya lalong sinipag ang mga guro na maging malikhain sa paggawa ng kuwento at sa paglalakip ng karampatang ilustrasyon.

Kabilang sa mga paksang tinatalakay nila rito ay ang mga araling kasama sa kanilang lesson plans o ang sinasabing ‘most essential learning competencies’ (MELC). Depende sa developmental level ng mga estudyante  at sa layon ng pagtuturo, iba-ibang istratehiya ang puwedeng magamit ng guro. Makatutulong ang sumusunod upang mahikayat magbasa ang mga bata ng aklat, ano man ang sukat nito:

Alamin ang dati nang kaalaman ng mga estudyante

- Advertisement -

Bago ang aktuwal na pagbabasa ng libro, mahalagang tanungin ng guro ang estudyante sa kung ano ang posibleng kuwento sa pamamagitan ng pagtingin pa lang sa pamagat at drowing sa pabalat (cover) ng Big Book. Mula sa mga clue na makukuha sa teksto at sa kanyang background knowledge, hinihikayat ang mga bata na gumawa ng inferences at predictions.

Ipakita sa kanila kung paano kayong mag-isip

Ayon kay Strickland (1990), ginagamit ng mga guro ang unang pagbasa sa kuwento upang maipakita sa mga bata kung paano mag-isip ang isang karaniwang mambabasa kapag bumabasa siya ng teksto. Kung makikitang marubdob ang pagbabasa ng guro, maraming mapupulot sa kanya ang mga bata.

Halimbawa, habang nasa akto ng pagbabasa, puwedeng tanungin ng guro ang sarili ng ganito:

Hmmm…hindi kaya ang kuwentong ito ay tungkol sa…?”

“Aba, bago ang salitang ito. Ano kaya ang ibig sabihin nito?”

“Kung ako ang nasa kalagayan ng batang bida, ganito ang gagawin ko…”

“Ah, parang nakakalito ito. Itutuloy ko pa ang pagbabasa para malaman ko kung ano ang mangyayari…”

Habang pinagmamasdan ng mga estudyante ang guro, mare-realize ng mga bata na sa pagbabasa pala, pinagsasanib ang dati mo nang nalalaman sa kung ano ang aktuwal mong nakikita sa teksto para magkaroon ng kawawaan (meaning) ang mga bagay-bagay.

Pagsubaybay sa bawat salitang nakaimprenta na binabasa (Tracking Print)

Kapag nagbabasa nang malakas ang guro, mahalagang sundan niya ng daliri o ng hawak na pointer ang mga salitang binibigkas. Sa gayong paraan, kitang-kita ng mga estudyante kung ano ang mismong salitang binabasa ng guro at naiuugnay nila ang tunog sa salitang naka-imprenta. Ipinapakita rin dito na sa pagbabasa, may sinusunod tayong padron: mula sa kaliwa patungo sa kanan (left-to-right progression), at mula sa itaas patungo sa ibaba (top-to-bottom). Nabanggit ko ito kasi’y iba ang paraan nang pagbasa (at pagsulat) ng mga Chinese at Japanese.

Paghikayat sa kakayahang humula ng mga bata

Habang nagbabasa nang malakas ang guro, puwede siyang pansamantalang huminto at bigyan ng pagkakataong hulaan ng mga bata  ang mga susunod na salita at parirala (phrases). Simple na lang ito sa mga bata dahil sa paulit-ulit nilang naririnig ang mga salita na may kaakibat pang tugma. Puwede ring humintong pansamantala ang guro sa pagbabasa at hilingin sa mga bata kung ano sa tingin nila ang susunod na mangyayari sa kuwento.

Mag-isip ng mga language-based activities na mahahango sa libro

Maraming language-based activities ang posibleng gawin sa binasang ‘big book.’ Halimbawa nito ay ang pag-alam sa bawat salita o kung ano ang mismong kahulugan ng naturang salita. Mahalaga rin ang pag-alam sa isang partikular na salita batay sa konteksto nang pagkakagamit nito. Halimbawa ay ang salitang ‘mahabang dulang’ (na ang nais ipakahulugan ay ang ‘kasalan.’

(May karugtong) 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -