26.2 C
Manila
Lunes, Nobyembre 25, 2024

Paano ba makakaipon ang mga OFW?

MGA KUWENTO NI PERANG (ESTE PARENG JUAN)

- Advertisement -
- Advertisement -

O, Juan, ipagpatuloy ko lang  yung pinag-usapan natin tungkol sa mga nakausap ko dito sa Singapore na mga overseas Filipino Worker (OFW) at ano ba ang kalagayan nila lalo na sa pinansyal na aspeto ng kanilang buhay.

SIge, Uncle, ituloy natin. May mga kaibigan din kasi ako na ang mga Nanay nila ay OFW  sa Hong Kong at Middle East. Sabi nga nila, wala rin naman daw masyadong naiipon ang Nanay nila kasi napupunta lang sa mga gastusin nila sa pang-araw-araw at kung sinusuwerte, sa mga ilang luho nila tulad ng gadgets, damıt at iba pa.

Tama naman sila, Juan. Yung iba nga sa di kabutihang palad ay napapauwi bigla sa Pilipinas dahil sa giyera o di kaya’y hindi na na-renew ang kontrata. Kaya wala silang dalang pera at balisa sa pag-aalala kung ano na ang mangyayari sa kanilang pamilya.

Nung tinanong ko sila kung bakit nga ba sila naging OFW, siempre ang sagot nila ay para magkaroon ng pera para masuportahan  ang pangangailangan ng kanilang pamilya at hindi daw nila makukuha ang sinusuweldo nila sa ating bansa bilang katulong o “kunyang” dito sa Singapore.

Marami sa kanila ay matagal na dito bilang domestic helper at lampas na sila ng limang taon kaya sumusuweldo na rin ng 1,000- 2,000 Singapore dollars o 40,000-80,000 sa pera natin.


Aminado sila na walang oportunidad na ganito sa bansa natin. Kaya nagta-tyaga sila kahit na minsa’y mahirap at yung iba pa nga ay nagdo-double job, kahit bawal,  bilang tagalinis o ang tawag nila ay “taga-kuskus” ng ibang bahay kapag sila ay off. Isang araw sa isang linggo ay day off nila.

Aminado rin sila na minsa’y nahihirapan sila sa mga “demands” ng mga naiwang pamilya nila, na ang laging iniisip sa kanila ay nagmimina sila ng salapi at wala silang dahilan na hindi makapagpadala ng pera. Ayon sa kanila, mga 90 porsiyento at pataas ng kanilang suweldo ang nireremit nila kada buwan. Yung iba pa nga’y wala ng natitira at nagkakautang pa sila sa kapwa nila Pilipino.

At saan naman napupunta ang kanilang pinapadala? Ayon sa isang pananaliksik, sa pagkain, edukasyon at utilities nagagamit ang pera. Pero meron din naman, mula sa kuwento nila, ay napupunta sa mga utang ng pamilya o di kaya’y mga “lifestyle” gastos na impluwensya ng social media. Meron din na-scam ng pamilya nila tulad ng kasong ang pinapadala nila ay hindi napupunta sa pinaglaanan na investment tulad ng pagpapagawa o pagkukumpuni ng bahay o pagtaguyod ng isang maliit na negosyo tulad ng sari-sari store o online selling.

Kaya paano sila makakaipon ng pera? Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, mga 35 porsiyento lang ng mga OFW ang nakakaipon. Salamat sa mga financial literacy campaigns ng BSP at iba pang mga institusyon, may mga nagbabangko na din pero ang iba’y takot pa rin na mawala ang pinaghirapan nilang kita.

- Advertisement -

Tinanong ko ang Ilang “kunyang” dito sa Singapore at napag-alaman ko na, lalo na sa mga matagal na dito, na nakakaipon naman daw sila at komportable naman daw sila sa kanilang nasusubi. Ano ba ang şikreto nila?

Sila ang mga OFW na HANDA sa laban ng buhay at sa magandang kinabukasan na minimithi nila:

H-indi sila bumabarkada sa mga taong mahilig mag-good time. Minsan dadapuan talaga sila ng kalungkutan o homesickness at mate-tempt sila ng maraming bagay na magpapasaya sa kanila tulad ng bars, shopping at iba pa. Kinokontrol nila ang sarili nila at iniisip nila ang mas mahahalagang prayoridad sa buhay. Yung iba ay nagta-tiyaga na lang sa bahay pag off nila, nagsisimba o pumapasyal sa mga parks na dala ang baon nilang pagkain para mag-picnic. Kung walang gastos, mas ayos.

A-ktibo silang nakikilahok at nakikinig sa mga financial literacy seminars ng ating gobyerno, embassy, pribadong bangko, at iba pa para matuto ng mga pinansyal na bagay at kung paano mag-save, mag-budget at mag-invest. Yung iba nga’y masuwerte rin sa mga amo nila na bininigyan din sila ng advice o tips para makapag-ipon at maging financially independent pagdating ng araw.

N-agtuturo sila sa kanilang mga naiwang pamilya ng mga responsibilidad at mga dapat nilang ginagawa para matulungan din sila bilang OFW. Walang forever sa pagkakataon na nakuha nila. Hindi na maibabalik ang panahon kung waldas sila at hindi maingat sa pinaghihirapan nila.  Ang ginagawa nila ay unti-until nilang pinapaintindi sa kanila na dapat sama-sama sila sa pag-angat sa buhay at hindi lang ito nakasalalay sa balikat  ng OFW.

D-i sila nagpapabaya sa kanilang kalusugan. Mahirap at magastos ang pagkakasakit sa ibang bansa. Hindi sapat ang health insurance. Lalong problema kung walang ipon na huhugutin. Kaya hindi sila gumagawa ng mga bagay na makakadulot ng sakit tulad ng pag-inom, pagpupuyat o yung sobrang pag-iisip tungkol sa pamilya. Exercise at dasal ang kanilang gamot.

- Advertisement -

A-ko pa rin ang tutulong sa sarili ko. Yan ang tinatandaan nila. May financial goals sila. May pangarap silang magkaroon ng tinatawag nating financial freedom pag sila ay nag-retire. Mahal nila ang pamilya nila pero tinuturuan din nila sila ng tamang pamamaraan ng paggamit ng pinapadala nila. Naniniwala sila na ang trabaho nila ay hindi for life at puwedeng magbago ang ihip ng hangin. Kaya habang ginagalingan nila ang kanilang trabaho at sila ay nagmamalasakit sa pinagsisilbihan nila, binabudget nila ang kita nila at sila’y nag-iipon, kahit maliit lang pero unti-unti nilang pinalalago. Hawak nila ang formula na paulit-ulit kong sinasabi:

Kita – Ipon = Gastos.

At HINDI: Kita – Gastos = Ipon

Sa pagtatapos ng aming kuwentuhan, tinanong ako nung isa sa kanila:

Sa tingin mo, Uncle, puede na ba kaming umuwi ng Pilipinas?

Este, Juan, ikaw na nga lang ang sumagot sa kanila. Puwede?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -