MILYONG milyong Filipino ang nagtatrabaho sa ibayong dagat. Ayon sa huling ulat umaabot na ang bilang nila sa halos 2.5 milyon noong 2023. Kahit wala sila sa ating bansa marami pa rin silang naiaambag sa ating lipunan at ekonomiya. Ang kanilang padalang salapi ay nagpapataas sa kalidad ng buhay ng mga pamilya nila dito sa Pilipinas. Tumataas ang antas ng edukasyon at kalusugan at pabahay ng kanilang iniwang mga anak at pamilya. Sa ekonomiya, ang padalang salapi ay malaki ang naiaambag sa pagpapatatag ng ekonomiya ng bansa.
Ayon sa ulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang Balance of Payments (BOP) o Balanse ng Bayaring Internasyonal ng ating ekonomiya ay nagtala ng kabuoang surplus noong Setyembre 2023 na nagkakahalaga ng $1.736 bilyon. Nagpapahiwatig ito na ang mga dayuhang salaping pumasok sa bansa o ang balanse ng ating kwentang pananalapi ay sumobra pa upang pondohan ang deficit o kakulangan sa ating balanse sa current account o kwentang pangkasalukyan.
Ngunit kung hihimayin natin ang mga kwenta ng ating BOP noong Setyembre 2023 hindi ang mga dayuhang salaping pumasok sa bansa ang dahilan kung bakit ang BOP natin ay nagtala ng surplus. Sa aking palagay ito ay bunga ng napakalaking halaga ng padalang salapi o remittances ng mga manggagawang Filipino sa ibang bansa.
Ang pumasok na dayuhang salapi sa kwentang pananalapi ay umabot sa USD 12.898 bilyon sa nabanggit na panahon. Kasama rito ang Direct Foreign Investment ($ 3.031 bilyon), Portfolio Investments ($ 1.173 bilyon), Financial Derivatives ($102 milyon), at Other Investment na umabot sa $ 8.591 bilyon.
Samantala ang balanse sa current account ay nagtala ng deficit na $10.946 bilyon kaya sobra sobra pa ang balanse ng financial account upang pondohan ang deficit sa kwentang pangkasalukuyang. Kapag isinama ang mga pagkakamali sa kwentahan ang posisyon ng BOP ng bansa ay aabot sa surplus na $ 1.736 bilyon.
Ngunit kung titignan natin ang balanse ng kakalakalan sa mga produkto at serbisyo at ang primary income na hindi isasama ang secondary income kung saan iniuulat ang mga padalang salapi ang deficit ay umabot sa USD 33.721 bilyon. Paaano naging $ 10.946 bilyon ang deficit ng current account? Ang sagot ay ang surplus na $ 22.776 bilyon sa balanse sa secondary income. Tulad nang nabanggit, karamihan nito ay mga padalang salapi ng mga OFW na umabot sa $ 23.564 bilyon noong Setyembre 2023. Samakatuwid, kung walang pumasok na padalang salapi, hindi kakayanin ng pumasok na dayuhang pondo sa kwentang pananalapi ang deficit na $ 33.721 sa ating current account. Kung wala tayong tinatanggap na padalang salapi naririto ang maaaring mangyari sa ating ekonomiya.
Magbabawas tayo ng malaking bahagi ng ating reserba o laan upang tustusan ang napakalaking BOP deficit. Dahil dito nanganganib ang ating ekonomiya sa mga susunod na taon kung mababawasan ng halos $ 21 bilyon o 20.59 porsiyento ng kabuuang reserba ng dayuhang salapi ng ating bansa na umabot sa $ 102 bilyon noong 2023.
Kung ayaw naman nating bawasan ang ating reserba dahil sa nabanggit na panganib sa hinaharap, maaari naman nating ibaba ang halaga ng piso sa pamamagitan ng depresasyon upang lumawak ang eksports at lumiit ang inaangkat. Madaling sabihin ngunit maraming sakripisyong papasanin sa depresasyon ng piso. Kasama rito ang posibleng pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil magiging mahal ang presyo ng mga inaangkat. Samantala, ang pagbabawas sa inaangkat ay makapagpababa sa antas ng pagkonsumo at pati na rin ang pambansang kita. Mahihirapan ding itaas ang eksports dahil marami sa ating iniluluwas ay gumagamit na mga inaangkat na hilaw na materyal. Dahil dito hindi pa rin magiging kompetitibo ang ating mga eksports sa bilihang internasyonal.
Kung ayaw natin ang depresasyon ng piso upang tustusan ang BOP deficit, maaari din nating bawasan ang mga gugulin tulad ng pangangapital, pagkonsumo at guguling pampamahalaan. Ang deficit sa kwentang pangkasalukuyan ng BOP ay bunga ng kakulangan ng sapat na pondo o kita sa loob na bansa upang tustusan ang iba’t ibang gugulin ng ekonomiya. May mga sakripisyo din sa pagbabawas ng mga gugulin. Babagal ang paglaki ng ekonomiya at mauuwi ito sa pagtaas ng desempleo ng mga manggagawa.
Batay sa pagsusuring ito, tunay na dapat tayong magpasalamat sa 2.5 milyong OFW na nagpapadala ng salapi na pinupunan an malaking bahagi ng deficit sa current account ng ating Balance of Payments. Kung walang padalang salapi mapipilitan ang pamahalaan na magpatupad ng mahihigpit na mga patakaraan na magbababa ng kagalingan ng milyong milyong Filipino dahil sa pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin, desempleo ng maraming manggagawa at mabagal na paglaki ng ating ekonomiya. Samakatuwid, sa pamamagitan ng padalang salapi, ang mga potensyal na sakripisyo ng ating mga mamamayan ay naiiwasan dahil ito ay pinapasan ng mga padalang salapi ng mga OFW. Tunay silang mga bayani dahil sa halip na tayong nasa Pilipinas ang magsakripisyo sila ang nagsasakripisyo. Maraming maraming salamat mga OFW.