26.9 C
Manila
Biyernes, Nobyembre 15, 2024

Alamin ang saklaw ng Tatak Pinoy Act at Expanded Centenarian Act

- Advertisement -
- Advertisement -

DALAWANG mahahalagang batas ang inaprubahan ng Senado at nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes, Pebrero 26.

Ang mga nilagdaang batas ay ang  Republic Act (RA) 11981, o ang “Tatak Pinoy Act,” at RA 11982, o ang “Expanded Centenarian Act.” Ang isa ay para lalong makilala ang mga produktong gawang Pilipino at ang isa ay para mabigyan ng dagdag na ayuda ang mga senior citizen.

Si Senador Sonny Angara ang principal author at sponsor ng Tatak Pinoy Act samatalang si Senador Ramon Revilla ang principal author kasama si Senador Imee Marcos bilang author at sponsor ng Amendments to the Centenarians Act.


Sabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri, “Produktibong Lunes agad ang bungad ng ating linggo, dahil dalawang priority measures po ang naisabatas ngayong umaga — ang Tatak Pinoy Act at ang amendments sa Centenarians Act.”

“Maraming salamat po sa ating Pangulong Ferdinand Marcos Jr.  sa pagpirma ng mga batas na ito. Malaking tulong ito sa pagpapalakas ng ating mga lokal na industriya at sa ating mga senior citizens.

Samantala, masaya din si Senate President Pro Tempore Loren Legarda sa pagpasa ng dalawang bagong batas. Aniya, “Kasama sina Senate President Juan Miguel Zubiri, Senator Sonny Angara, Senator Imee Marcos, at iba pang mga kapwa ko senador at mga kasamahan sa House of Representatives, sinaksihan namin ang paglagda sa:

- Advertisement -

– Republic Act No. 11981 o ang Tatak Pinoy Act na magpapalakas sa ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagbibigay ng kapangyarihan sa mga industriya na lumikha ng mga lokal at world-class na produkto; at

– Republic Act No. 11982 o ang Expanded Centenarians Act na nagpapalawig sa pagbibigay ng cash incentives sa mga Pilipinong may edad na 80, 90 at 100.

Paliwanag ni Legarda, “Bilang co-author at co-sponsor ng Tatak Pinoy Act, at co-author ng Expanded Centenarians Act, lubos ang aking kasiyahan sa mga panibagong serbisyong matatanggap ng ating mga kababayan. Sa inyong patuloy na kooperasyon, pagtitiwala at suporta, tiyak na mas marami pa tayong batas na magagawa para sa pagpapaunlad ng ating kabuhayan at kinabukasan.”

Tatak Pinoy Act

Ayon kay Pangulong Marcos, “Kilala sa buong mundo ang galing at sipag ng Pinoy. At ngayon, palalakasin rin natin ang Tatak Pinoy na mga produkto.”

Dagdag pa niya, “Sa batas na ito, magkakaroon ng teknikal at pinansyal na tulong ang ating mga lokal na industriya, para makapaglabas tayo ng mga high-quality na mga produkto at serbisyo na kaya nating ilaban at ibida sa buong mundo.”

- Advertisement -

Kilala rin bilang RA 11981, ang Tatak Pinoy Act ay naglalayong matulungan ang mga negosyante na makapag-manufacture ng mga produktong de-kalidad at katanggap-tanggap sa pandaigdigang merkado.

Sa paglagda ng Tatak Pinoy Act, makatatanggap na ng dagdag suporta ang mga Pilipinong negosyante para sa mga produkto at serbisyong “Made in the Philippines.”

Paliwanag pa ng Pangulo, “Layunin ng Tatak Pinoy Act na mamuhunan sa kakayahan ng Pilipino na gumawa ng kalidad na produkto at maghatid ng mahusay na serbisyo.”

Para kay Senador Sonny Angara, na siyang principal author at sponsor ng Tatak Pinoy Act, susi ang Tatak Pinoy Act sa ikauunlad ng ekonomiya ng bansa.

Aniya, ““Ang hangarin ng Tatak Pinoy ay ang pagpapatatag ng ating ekonomiya sa pamamagitan ng mas malakas na koordinasyon ng gobyerno at ng pribadong sektor. Sa pamamagitan ng Tatak Pinoy ay malaman natin ang mga kailangan ng mga negosyante upang mapalakas ang kanilang mga operasyon at kung paano makakatulong ang gobyerno para makamit nila ang hangarin na ito.”

Dagdag pa ni Angara, “Ang isa pa sa hangarin natin sa pagsulong ng Tatak Pinoy ay ang pataasin ang kita ng mga Pilipino dito sa sarili nilang bansa. Habang lumalaki ang kita ng mga negosyo ay umuunlad din ang ating ekonomiya at dahil dito ay inaaasahan natin na mas gaganda din ang buhay ng ating mga kababayan.”

Sabi pa rin ni Angara, sa ang Tatak Pinoy Strategy na nakapaloob sa ating isinulong na Tatak Pinoy Law, nakalahad ang mga industriya na nais nating paunlarin at bigyan ng malawakan o “whole-of-nation” na suporta.

Ang Tatak Pinoy ay isang multi-year na estratehiya para tulungan ang gobyerno at ng pribadong sektor ang mga Tatak Pinoy industries na makapaghain ng mas sopistikadong produkto at serbisyo sa pandaigdigang merkado.

Nakabalangkas kung papaabo dapat magtulungan ang public at private sector, sa bawat antas ng gobyerno, mula national hanggang local government unit.

Tutukuyin ng Tatak Pinoy Strategy ang mga pambansang prayoridad, mga strategic goals, pati ang mga sektor at investments na dapat i-target ng bansa.

Samantala, sinuportahan din ng mga senador ang batas na ito.

Ayon kay Zubiri, “Kilala sa buong mundo ang galing at sipag ng Pinoy. At ngayon, palalakasin rin natin ang Tatak Pinoy na mga produkto.

“Sa batas na ito, magkakaroon ng teknikal at pinansyal na tulong ang ating mga lokal na industriya, para makapaglabas tayo ng mga high-quality na mga produkto at serbisyo na kaya nating ilaban at ibida sa buong mundo.”

Sa kabilang banda, sinabi ni Senador Joel Villanueva, “Sa pagsasabatas ng Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Act, mas lalo pa po nating mapapalakas ang ating mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) sa paggawa ng mga world-class na mga produktong Pinoy. Congratulations Brod/Sen Sonny Angara  na principal sponsor at author ng napakahalagang batas na ito na tiyak na makakalikha ng mas marami at mas magagandang trabaho para sa ating mga kababayan.”

Expanded Centenarian Act

Samantala, pinagkakalooban ang   RA 11982 o ang Amendments to the Centenarians  Act of 2016 ang mga octogenarians (80) at nonagenarians (90) ng monetary benefits.

Sa pamamagitan ng pinalawak na Centenarians Act, ang mga senior citizen na edad 80, 85,90 at 100, maging ito man ay nakatira sa Pilipinas o sa ibang bansa ay tatanggap ng P10,000 cash incentive sa bawat ‘age milestone,’at tanggap ng P100,000 kapag umabot sa edad na 100.

Ayon kay Pangulong Marcos, ang pagpapalawak ng saklaw ng Centenarians Act ay isang pagpupugay sa katangiang Pilipino ng pagiging maawain, at sa kultura ng Pilipinas, ipinakikita nito ang kabaitan at pagiging maawain sa mga may edad na.

Nagpasalamat at pinuri ni Senador Ramon Revilla Jr. si Pangulong Marcos sa paglagda ng Expanded Centenarian Act o RA 11982 o kilala rin sa tawag na Revilla Law.

“Taos-puso ko pong pinapupurihan at pinasasalamatan ang ating Pangulong Bongbong Marcos sa pagsasabatas ng ating pangunahing panukala upang amyendahan ang Centenarians Law. Ang matagal na nating ipinapaglaban para sa ating mga lolo at lola ay tuluyan na nating napagtagumpayan,” saad ni Revilla.

“This was my promise to the Filipino elders and I’m proud to say that I fulfilled it. Sa wakas ay makakasama na rin sa mga mabibigyan ng benepisyo yung iba pa sa kanila, hindi lamang yung mga aabot ng isang daan taong gulang,” dagdag pa nito.

Ipinaliwanag ni Revilla ang hangarin ng bagong batas na ito na nagnanaiis mapaaga ang pagbibigay ng benepisyo sa mga lolo at lola.

“Layon po ng batas na ito na mapaaga ang pagbibigay natin ng benepisyo para sa ating mga lolo at lola. Hindi na nila kinakailangan pang umabot ng 100 taong gulang para lamang makatanggap ng cash gift galing sa ating pamahalaan. 80 pa lang, bibigyan na natin sila agad. Pagdating ng 85, 90, at 95, bibigyan ulit natin sila. At kung ipagkaloob ng Panginoon na sila ay umabot ng isang daang taon, bibigyan natin sila ng mas malaking halaga bilang pagkilala sa kanilang narating,” saad niya.

“Sabi nga, aanhin pa ang damo kung wala na ang kabayo. Kaya hangga’t sila ay nabubuhay pa, iparamdam na natin sa kanila ang pagpapahalaga at pagmamahal ng gobyernong ito. At yan ay sa pamamagitan ng maagang pagbibigay ng inaasam-asam nilang pinansyal na regalo. Malaking bagay iyon para sa kanila lalo na’t may mga pangangailangan din sila at gastos para sa gamot, vitamins, supplement, pagkain at iba pa,” dagdag ng senador.

Nabatid na unang isinumite ni Revilla ang naturang panukala sa pagsisimula pa lamang ng 18th Congress noong 2019 ngunit ngayon lamang ito naging isang ganap na batas.

“Sabi nga ng isang salawikain ay “Sa hinaba-haba ng prusisyon ay sa simbahan din ang tuloy.” Noon ko pa ‘to ipinapaglaban. Priority bill ko na ito noong 18th Congress pa lang. And now, after a long and arduous battle for the welfare of our lolos and lolas, it is with beaming pride to say that we have won the fight.”

Sinigurado rin ni Revilla na patuloy niyang ipinapaglaban ang kapakanan ng mga nakakatanda, at hindi iyon natatapos sa pagkakapasa ng bagong batas. Sa katunayan, inihain rin niya ang SBN 262 o “Abot-Kayang Gamot, Bitamina at Gatas para sa Malusog na Senior Citizen Act” na layong palawigin ang sakop ng diskwento para sa mga senior citizens para maisama na ang mga supplements, bitamina, herbal products, at formulated milk sa mga pwede patawan ng discount. Bukod dito, inihain rin niya ang SBN 1573 na naglalayong ibaba ang edad na saklaw sa “Expanded Senior Citizens Act” sa pamamagitan ng pagbababa mula 60 patungo sa 56 taong gulang.

“Hindi dito matatapos ang pagpupursigi natin para mas mabigyan pa ng pagpapahalaga, pagkilala, at pagmamahal ang ating mga lolo at lola. Marami pa tayong panukala na isusulong para maipasa. Simula pa lang ito ng bagong laban – laban para sa tuloy-tuloy na pag-angat ng kanilang kapakanan,” pagwawakas ni Revilla.

 

Samantala, masayang sinabi ni Senador Imee Marcos, isa sa may akda ng Expanded Centenarian Act, “ Lubos kong ikinatutuwa ang pagsasabatas ng bagong Centenarians Act na pinirmahan ng aking ading na si Presidente Bongbong Marcos ngayong Lunes, Pebrero 26.

Ang batas na ito ay magbibigay ng dagdag benepisyo sa ating Senior Citizens. Hindi na kailangang antayin na umabot sa edad na 100 para makakakuha ng cash gift. Pagtungtong ng edad na 80 ay mayroon na silang matatanggap na P10k kada limang taon.

Para sa inyo ito, lolo at lola! Patuloy ang paggawa namin ng mga batas na makakatulong sa inyo at sa ating mga kababayan. “

Sinabi naman ni Senate Miguel Juan Zubiri ito, “Dito, makakatanggap po nang karagdagang cash gift ang ating senior citizens: 10k pesos pagtapak nila ng 80 years old, 10k pesos pagtapak ng 85 years old, 10k pesos pagtapak ng 90 years old, at 10k pesos pagtapak ng 95 years old. Bukod pa ito sa 100k na matatanggap nila pag-abot nila ng 100 years old.

“Ito po ay siguradong makakatulong na pang-araw-araw na gastusin, lalo na sa pangangailangang pang-medikal ng ating mga lolo at lola.”

Nagsagawa na ng Elderly Data Management System na pangangasiwaan ng National Commission of Senior Citizens (NCSC), sa pakikipagtulungan ng mga ahensiyangmay kinalaman dito at sa mga local government units para mag-ulat ng mga kinakailangang impormasyon sa mga taong kalahok dito.

Ang pondo na pagkukunan para maisakatuparan ang RA 11982 ay isasama sa taunang budget ng bansa.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -