29.8 C
Manila
Linggo, Nobyembre 24, 2024

Lambaklad Fishermen Cooperative, nakatutok sa higit pang pag-unlad ng kanilang pinagkakakitaan

- Advertisement -
- Advertisement -

UNTI-UNTING naaabot ng Lambaklad Fishermen Cooperative (LFC) ang daan tungo sa kaunlaran, ayon sa kanilang Operations Manager Ed Santesteban.

 

Ang LCF, dating kilala bilang San Agustin Lambaklad Fisherfolk Association (SALFA) ay samahan ng mga mangingisda na tumanggap ng teknolohiya ng Lambaklad o ‘set-net’ mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) noong 2021.

Noon pa man bilang chairman ng grupo ay nais ni Santesteban at ng kanyang mga kasama na maitaas ang kanilang asosasyon sa kategorya bilang isang kooperatiba. Nakikita niya na kung mangyayari ito ay higit silang magkakaroon ng oportunidad na lumago pa.

Hindi nagtagal at natupad nga ng grupo ang kanilang minimithi, “Naging kooperatiba kami noong Setyembre 2023,” ayon kay Santesteban.

Dahil patuloy ang kanilang ugnayan sa BFAR at iba pang ahensya ng pamahalaan, batid na nila ang mga susunod na hakbang.

“Kailangan namin ng karagdagang empleyado tulad ng bookkeeper, secretary at manager,” saad ni Santesteban.

Kailangan din aniya nila ng mga kaukulang pagsasanay.

Sumailalim ang mga kasapi ng Lambaklad Fishermen Cooperative sa dalawang araw na workshop ukol sa wastong pananalapi at operasyon ng negosyo na pinangasiwaan ng Occidental Mindoro State College (OMSC). Ang mga larawan ay mula sa Lambaklad Fishermen Cooperative.

Kamakailan ay nagtapos ang mga kasapi ng Kooperatiba sa dalawang araw na workshop ukol sa wastong pananalapi at operasyon ng negosyo na isinagawa sa Barangay San Agustin, bayan ng San Jose sa pangangasiwa ng Occidental Mindoro State College (OMSC).

Ayon kay Fay Dunaway Asio, associate dean ng College of Business Administration and Management sa OMSC, ngayong benepisyaryo na ng kanilang extension program ang LFC, kabilang na ang institusyon sa mga gagabay sa grupo upang maisakatuparan ang mga plano nito, lalo na sa pagnenegosyo.

Kuwento pa ni Asio, magaganda ang mithiin ang mga kasapi ng LFC tulad na lamang aniya ng plano ng kooperatiba na magtayo ng maliit na gas station upang ito na mismo ang mag-supply ng gasolina o krudo sa mga kasapi nito na mamalakaya.

Ang Lambaklad Fishermen Cooperative, dating kilala bilang San Agustin Lambaklad Fisherfolk Association (SALFA), ay samahan ng mga mangingisda na tumanggap ng teknolohiya ng Lambaklad o Set-net mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR). (PIA-OccMdo)

Dagdag pa ni Asio, nabanggit din ni Santesteban na may mga huli silang isda na hindi binibili. Kaya isa aniya sa pag-aaralan ng OMSC kung ano ang maaaring gawin upang hindi masayang at pagkakitaan pa rin ng LFC ang mga hindi nabentang isda. Ayon kay Asio, ang matutuklasan nilang pamamaraan at teknolohiya para sa mga reject na isda ay ipagkakaloob at ituturo nila sa LFC.

Samantala, gaya ng ibang samahan na nagsisimula pa lamang, naniniwala si Asio na makararanas din ang LFC ng mga pagsubok, gaya ng posibleng alitan at hindi pagkakaunawaan ng mga miyembro nito. “Kaya aming binibigyang-diin sa kanila ang kahalagahan ng aktibong komunikasyon at kolaborasyon,” saad ni Asio.

Malaki naman ang pasasalamat ni Santesteban sa OMSC at sa iba pang institusyon na patuloy na tumutulong sa kanilang kooperatiba. Umaasa rin ang operations manager ng LFC na magtutuloy-tuloy ang biyayang dumarating sa kanilang samahan, mula sa kanilang mga nahuhuling isda hanggang sa pagkamit ng kanilang mga pangarap bilang isang kooperatiba. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -