27.9 C
Manila
Lunes, Nobyembre 25, 2024

Pag-anib, pagkalas, paglaban ng Pilipinas sa ICC

- Advertisement -
- Advertisement -

UPANG makamit ng mga biktima ng war crimes at crimes against humanity ang hustisya, maaaring pumasok ang International Criminal Court (ICC) sa imbestigasyon at prosekusyon laban sa mga suspek mula sa mga bansang kasapi nito.

Larawan mula sa The Manila Times FILE PHOTOS

Pagsanib ng Pilipinas sa ICC

Ang Pilipinas, sa pamamagitan ng mga mambabatas, ay matagal nang niratipikahan ang Rome statute, ang international treaty na bumuo sa ICC, at naging kasapi ang bansa noong Nobyembre 1, 2011.

Pirmado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na noon ay senador ng 15th Congress, ang Committee Report No. 52, bilang suporta dito.

Pagkalas ng Pilipinas sa ICC


Pagkalipas ng mahigit 12 taon, nagpahayag si Pangulong Marcos na hindi na makikiisa ang pamahalaan sa ICC.

Ang pahayag na ito ni Marcos ay reaksyon sa bali-balitang maglalabas  ng arrest warrant ang ICC laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang presidente na nag-utos na bumitaw ang Pilipinas bilang kasaping bansa sa ICC, at ama ni Bise Presidente Sara Duterte na running mate ni Marcos noong nakaraang eleksyon at sinasabing nagdulot ng kanilang landslide victory.

Naganap ang pag-alis ng Pilipinas sa international treaty sa kasagsagan ng operasyon ng pamahalaan, sa ilalim ng pamumuno ni Duterte, laban sa mga tulak ng ipinagbabawal na gamot.

Pebrero 2018 nang magpahayag ang ICC na magsasagawa ito ng preliminary examination o Step 1 kaugnay ng extra-judicial killing na nagaganap sa Pilipinas.

- Advertisement -

Nang sumunod na buwan-Marso 16, 2018, tumiwalag ang Pilipinas sa ICC.

Ayon sa Article 127 ng Rome Statute: “Its withdrawal shall not affect any cooperation with the Court in connection with criminal investigations and proceedings in relation to which the withdrawing State had a duty to cooperate and which were commenced prior to the date on which the withdrawal became effective.”

Nangangahulugan ito na kahit ang isang bansa ay nagbitiw na bilang kasapi hindi ito dapat makaaapekto sa proseso na nagaganap na imbestigasyon kaya dapat makipagtulungan pa rin ang nagbibitiw na bansa.

Makalipas pa ang mahigit dalawang taon, Setyembre  2021, lumabas  ang unang desisyon ng pre-trial chamber para gawin ang Step 2 o Investigation.

Nang sumunod na buwan, Oktubre, nagpa-defer ang gobyerno ng Pilipinas. Naisipan ng mga abogado at tagapayo ni Duterte na magpa-defer para pigilan ang ICC sa plano nitong pagpapatuloy ng proseso sa pamamagitan ng paggiit  na gumugulong naman ang justice system ng bansa.

Tuloy ang imbestigasyon, giit ng ICC

- Advertisement -

Ngunit noong Setyembre 2022, iginit ng prosecution team ng ICC na hindi sapat ang ginagawa ng Pilipinas sa imbestigasyon nito.

Ayon sa isang ulat, sinabi ng prosecutor ng ICC  na bagsak ang Pilipinas sa Same Person Same Conduct Test. Wala umanong complementarity. Ibig sabihin nito, kung makikita ng ICC na gumagana naman ang justice system ng bansa, hindi ito makikialam, sa halip, hahayaan nitong gumulong ang sistema ng bansa para makamit ng mga biktima ang hustisya. Sa ganitong pagkakataon, nawawalan ng jurisdiction para mag-imbestiga ang ICC.

Ngunit noong January 2023, nagdesisyon ang pre-trial chamber ng ICC na tama ang kanilang prosecutor na hindi sapat ang ginagawa ng Pilipinas kaya binuksan muli ang imbestigasyon.

Desisyon ng Pilipinas

Kumuha si Solicitor General Menardo Guevarra ng isang British lawyer na espesyalista sa ICC, si Sarah Bafadhel.

Kinuwestyon nila sa Appeals Chamber ang desisyon ng pre-trial chamber na buksan muli ang imbestigasyon.

Inihain nila ang argumento na ang sinasabing hindi dapat maapektuhan ay ang Step 2 o ang investigation na dinesisyonan ng pre-trial chamber ng ICC nang hindi na kasapi ang Pilipinas sa ICC.

Wala na umanong jurisdiction ang ICC sa Pilipinas, ayon kina Guevarra at Bafadhel.

May dalawang hurado ng Appeals Court ng ICC ang sumang-ayon sa kanila ngunit tatlo ang nagbasura dito.

Bakit nila ibinasura ang argumento nina Menardo at Bafadhel? Ito ay dahil ang argumento nila na kumukwestyon sa jurisdiction ay hindi tugma sa  pre-trial decision na kanilang inapila.

Dahil sa desisyong 3-2 ng mga hurado ng ICC, hindi buo ang panalo ng mga nagnanais na matuloy ang arrest warrant laban kay Duterte.

Sa kabila nito, nagbitiw na ng salita si Pangulong Marcos na hindi makikiisa ang pamahalaan sa anumang imbestigasyon na isasagawa ng ICC sa bansa laban kina dating Pangulong Duterte, Bise Presidente Sara Duterte, at mga senador na sina Ronald Dela Rosa at Christopher “Bong” Go.

Ayon sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency, 6,215 ang namatay sa “drug war” ni Duterte pero ayon sa mga kritiko at grupo ng human rights, nasa 20,000 ito.

Bagama’t hindi na kasapi ang Pilipinas ng ICC, inihayag ni dating senador Antonio Trillanes Jr.  na nag-imbestiga ang ICC kamakailan at kumuha ng mga ebidensya laban sa dating Pangulo na siya umanong pangunahing akusado sa kaso na isasampa ng ICC kasama sina Dela Rosa, Go at Sara Duterte.

Ngunit para sa dating presidential spokesman ni Duterte na si Atty. Harry Roque na isang eksperto sa international law, hindi na saklaw ng ICC ang Pilipinas at wala na itong karapatang mag-imbestiga pa dahil natapos na ang panahon para isagawa ito ng international court.

Sa mga nakaraang pahayag nina Pangulong Marcos at Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, sinabi nila na hindi papayag ang pamahalaan na pakialaman ng ICC ang trabaho ng hukuman ng Pilipinas sa mga kasong naganap sa loob ng bansa dahil ito anila ay maituturing ng pakikialam.

Sa isang pahayag matapos ang napabalitang labas-masok sa bansa ang mga kinatawan ng ICC na nagsasagawa ng imbestigasyon laban kay dating Pangulong Duterte at sa ilang kaalyado nito, sinabi ni Pangulong Marcos na nagbigay siya ng direktiba sa mga ahensya ng gobyerno na huwag makipagtulungan sa ICC.

“Huwag niyong sasagutin, ‘yun ang sagot natin. That we don’t recognize your jurisdiction, therefore, we will not assist in any way, shape or form, any of the investigations ICC is doing here in the Philippines,” saad ng Pangulo.

Ayon kay Remulla, walang obligasyon ang Pilipinas na sumunod sa ICC dahil pormal na itong bumitaw noon Marso 17, 2019.

Dagdag pa niya, alam ng DoJ ang  desisyon ng Korte Suprema patungkol sa umano’y krimen na naganap bago ang withdrawal ng Pilipinas sa ICC.

“Gumagana ang sistema natin. Hindi namin papabayaan and mga biktima. Ipagtatanggol natin ang karapatan ng bawat Pilipino,” aniya.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -