NASA 60 na mangingisda sa Catanauan, Quezon ang nagpaabot ng kanilang pasasalamat para sa tulong pangkabuhayan na kanilang natanggap mula sa opisina nina Senador Alan Peter at Pia Cayetano.
Sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa programa nitong Sustainable Livelihood Program (SLP), nagbigay ng tulong ang magkapatid na senador sa bawat grupo ng benepisyaryo para sa kanilang kabuhayan.
Sinabi ni Alvin Garcia Villalbia, pinuno ng Samahan ng Kalingang Pangkabuhayan SLP Association, na malaking tulong ang kanilang natanggap.
“Ito po ay talagang malaking katulungan. Maraming-maraming salamat po sa ating Senador Pia at Alan Peter Cayetano,” aniya.
Nagpasalamat din sa tulong na kanilang natanggap si Edwardo Badida, ulo ng Bagong Pag-unlad SLP Association.
“Sa kagaya po naming hikahos, at gustong makadama ng unting biyaya, malaking bagay po ito [livelihood assistance],” sabi niya.
“Makakatulong hindi lang po sa akin, hindi lang po sa mga member ko, kundi sa mga kapwa ko dahil pwede naming silang mapa-order ng bigas o isda na hindi masyado tataas ang presyo,” dagdag pa niya.
Ang SLP ay isang programa kung saan makapipili ang mga 4Ps beneficiaries kung magtatayo sila ng sariling maliit na negosyo sa pamamagitan ng Microenterprise Development (MD) track o lalahok sa pagsasanay ng kakayahan upang makahanap ng trabaho sa pamamagitan ng Employment Facilitation (EF) track.
Naging matagumpay ang SLP sa Catanauan, Quezon dahil sa mga pagsisikap at pakikilahok nina Catanauan Mayor Ramon Orfanel, Vice Mayor Manuel Montano, DSWD Project Development Officer Naidie Rivera, at Althea Santiago, MSWD.
Makakaasa ang mga benepisyaryo ng karagdagang tulong sa hinaharap mula sa opisina ng magkapatid na mga senador.
“Ako po ay natutuwa dahil may kasunod pa po ito na pondo. Kayo-kayo rin ang pagbibigyan,” wika ni Mayor Orfanel.