MASAYANG ibinahagi ni Bise Presidente Sara Duterte sa kanyang Facebook page na Inday Sara Duterte ang kanyang pagdalo sa isinagawang Region Wide E-Title Distribution sa pangunguna ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sabi niya, “Ikinagagalak ko po na ako ay nakadalo sa isinagawang Region Wide E-Title Distribution sa Rizal Memorial Colleges Gym, Davao City noong Miyerkules, February 7, 2024.
Lubos naman ang aking kasiyahan na pinangunahan ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pagbibigay ng mga land titles sa mahigit 2, 672 na mga Agrarian Reform Beneficiaries na nagmula sa sa Davao del Sur, Davao del Norte, Davao de Oro, Davao Occidental at Davao Oriental sa ilalim ng Land and Acquisition Distribution program ng Department of Agrarian Reform.
“Dito, mahigit 3,560 ka ektarya ng tituladong lupa ang naipamahagi po natin sa ating mga kapatid na magsasaka kung saan makakatulong po ito sa kanilang pamumuhay.
Ang agrikultura ay isang pangunahing dahilan sa paglago at pag-unlad ng ekonomiya sa isang bansa kaya naman malaki ang naging kontribusyon ng ating mga kapatid na magsasaka tungo sa inaasam-asam na magandang kinabukasan.
“Nagbigay paalala rin po ako sa importansya ng pagtatapos sa pag-aaral kung saan ito ay makakatulong upang mapabago ang kanilang mga buhay lalong-lalo na sa kanilang mga pamilya.
Dagdag pa ng Bise Presidente, “Personal din po akong nagpasalamat sa Department of Agrarian Reform na pinagunahan ni Secretary Conrado Estrella 3rd sa pag-imbita sa akin na maging bahagi ng kanilang isinagawang region-wide distribution ng E-Titles sa mga benipisyaryo sa buong Davao Region.”