26.9 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Hindi kay Duterte pabor ang paghiwalay ng Mindanao

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

KAINGAT sa laro ng Kano, usal ko sa sarili nang manawagan si dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte na ihiwalay ang Mindanao sa Republika ng Pilipinas. Ang ganung adyenda ay siyang trinabaho noong kapanahunan ni Kristie Kenney bilang ambasador ng Estados Unidos sa Pilipinas mula sa kalagitnaan ng 2000 hanggang sa pagpasok ng sumunod na dekada. Si Kenney na ang pinakasikat sa mga Pinoy sa lahat ng naging ambasador ng US sa Pilipinas, nakikipamuhay sa masa, kinakain ang kanilang pagkain, nilalaro ang kanilang mga libangan, at sa isang pagkakataon nakisayaw sa mga ordinaryong tagahanga sa Wowowee.

Ang naging kapuna-puna sa mga gawi ni Ambasador Kenney ay ang kanyang malalim na interes sa Mindanao. Pabalik-balik siya sa rehiyon, iniintindi kung papaano ito mapapaunlad. Sa kanyang pamamagitan lumitaw na nagsimulang magpondo ang Amerika sa mga proyektong paliparan sa Mindanao na ang kalidad ay katulad ng  sa Clark Air Base na napilitang bitiwan ng Estados Unidos dahil sa pagkitil ng Senado noong 1991 sa resolusyong mag-papahaba sana ng sampung taon pa sa Military Bases Agreement ng 1947. Sobrang napalapit si Kenney sa Mindanao, kaya siya ay ginawang ampon na anak ng Zamboanga.

Pinakamatingkad na marahil na nagawa ni Ambasador Kenney sa kanyang panunungkulan sa Pilipinas ay ang pagpipilit niyang makaniig si Ibrahim Murad, punong kumander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Sinuong niya ang mga panganib ng paglalakbay sa mga kagubatan ng Mangindanao upang matukoy ang kuta na pinamumugaran ni  Murad. Kung ano ang kanyang pakay ay siya lamang ang nakakaalam. Subalit sa panahong iyun pinagagana na ni Presidente Barack Obama  ang matagal din na pinagplanuhang pivot o pagpihit ng Amerika mula Gitnang Silangan tungo Asya-Pasipiko. Sa katunayan, sa isang artikulo ni US State Secretary Hilary Clinton sa Diplomatic Post, tinawag na niya ang panahon bilang simula ng American Century sa Asya Pasipiko. Sa bagay na ito, malaking kapilayan ng Amerika ang pagkalansag ng mga base militar nito sa Pilipinas. Madaling isipin na ang kabawasan sa seguridad ng Amerika sa pagkalansag ng mga base militar nito sa Pilipinas ay tiyak na bahagi din ng mga alalahanin ni Ambasador Kenney, subalit kung ano ang kaugnayan nito sa pagpipilit niyang makausap si Murad ay hindi maliwanag. Nang sa wakas ay magtagpo na nga sila sa kampo ni Murad sa kabundukan, kinumbinsi ni Kenney ang MILF kumandar na pumasok sa peace talks sa pamahalaan na noon ay pinangunguluhan  ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa naganap na usapang pangkapayapaan, napagkasunduan ang Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MoA-AD), na naghihiwalay sa Muslim Mindanao at ang Republika ng Pilipinas ay nababahaginan lamang ng 25 porsiyento ng mga likas na yaman.

Handa na sanang pirmahan ang kasunduan, subalit tumutol ang Cotabato at Zamboanga na kabilang sa mga probinsyang ihihiwalay sa Pilipinas. Biglang-bigla mahaharap ang bansa sa malaking gulo. Hindi na kinailangang magpasya pa ang Korte Suprema sa mga petisyon ng pagtutol na iniharap ng Cotabato at Zamboanga, sapagkat kagyat na nag-order si Presidente Arroyo na huwag pirmahan ang kasunduan.


At doon nagwakas ang unang pagtatangka na tapyasin mula sa Pilipinas ang Mindanao.

Napipilitan tayong balikan ang nakaraang iyun upang linawin na sa dinaanang proseso ng pagtatangkang iyun na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas, Estados Unidos ang may pakana. Anong kaugnayan nito sa ngayong pagbabanta ni Duterte na gawin ang sa katunayan ay di lang minsan kundi dalawang beses pang tinangkang gawin ng Amerika subalit nabigo? Ang pangalawang pagtatangka ay nang muling buksan ng namayapa nang Presidente Benigno Aquino 3rd ang usapang pangkapayapaan sa MILF sa pamumuno ng UP Professor na si Atty. Marvic Leonen. Kumpara sa iba pang pinagkatiwalaang mabigyan ng ganung kaselang gawain, batambata pa ang bagong hirang na negosyador ng gobyerno. Kung kaya naganyak akong magtanong-tanong,  at ito ang impormasyon na naiparating sa atin mula sa isang mapagkakatiwalaang source sa US: may kaugnayan sa CIA ang negosyador.

Ngayon, ano ang nangyari sa ikalawang usapang pangkapayapaan sa MILF? Napagkasunduan ang pagbubukod sa Mindanao sa ilalim ng Bangsamoro Juridical Entity (BJE) na siyang lilikha ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM). Sa katunayan, sa pamamagitan ng BJE, naihiwalay na ang Mindanao sa Pilipinas. Nangyari nga lang na ang desisyon ng peace talks na ginawa sa Kuala Lumpur, Malaysia ay ipinadaan pa sa pagsisiyasat ng Komite ng Senado sa mga Local Government na noon ay pinamumunuan ng ngayon ay presidente nang si Bongbong Marcos. Ang dapat na nahiwalay nang Autonomous Region of Muslim Mindanao ay nabalik sa Republika ng Pilipinas bilang siya ngayong Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) – magandang pangyayari kung pag-uusapan ang pagpapanatiling buo ng Pilipinas. Subalit kung pag-uusapan ang intensyon kung kaya ginawang punong negosyador si Leonen, bigo ang kinalabasan. Di nga kaya totoo ang impormasyon na naiparating sa atin ng source sa US -,na batang CIA ang diyaske. Sa eleksyon ng 2016, lumitaw sa bilangan na talo si Bongbong kay Leni Robredo bilang bise presidente. Nagharap ng protesta si Bongbong sa Korte Suprema. Inabot ng anim na taon ang protesta na hindi kumikilos, at noon lamang mga huling buwan ng ikaanim na taon lumabas ang kapasiyahang denied ang protesta ni Bongbong – kapasiyahang gawa ng noon ay nahirang nang mahistrado ng Korte Suprema na si Mario Victor Leonen, na nakapaghiwalay na sa Mindanao sa Pilipinas subalit muling ibinalik nang mapasakamay ni Bongbong.

Biro ba ng tadhana na ang protesta ni Bongbong sa kanyang pagkatalo kay Leni ay mapasakamay ni Leonen? Nagkaroon ng pagkakataon si Leonen na makaganti kay Bongbong sa ginawa nitong pagbago sa kanyang desisyon noon pang 2012 na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas.

- Advertisement -

Sabi nga sa English – Sweet revenge?

(May karugtong sa Miyerkules)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -