BILANG pagkilala sa batas para sa mga Kasambahay o domestic workers, nagsagawa ng isang Kasambahay Day ang Local Government Unit ng Dupax del Norte kabilang ang pagbibigay ng tulong pinansiyal sa mga miyembro ng nasabing sektor.
Nasa 254 na kasambahay sa bayan ang nabigyan ng tig-isang libong piso mula sa LGU dahil na rin sa inaprubahang local kasambahay ordinance ng lokal na pamahalaan.
Pinangunahan ni Mayor Timothy Cayton at Vice Mayor Victorino Prado, kasama ang mga Sangguniang Bayan members ang pagbibigay ng ayuda sa mga Kasambahay na ginanap sa municipal gymnasium.
Ayon kay Councilor Atty. Paulo Cayton na may akda ng local Kasambahay Ordinance, layunin nitong mai-angat ang kalidad ng pamumuhay ng mga Kasambahay sa bayan bilang isang haligi ng mapayapang lipunan.
Dagdag pa nito na ang mga kasambahay ang nangangalaga sa mga miyembro at tahanan ng mga pamilya kung kaya’t nararapat lamang na bigyan sila ng kaukulang benepisyo at pagkilala sa kanilang mga karapatan.
Ayon pa kay Cayton, magtatalaga din sila ng Kasambahay Desk sa munisipyo upang tumanggap ng hinaing ng mga Kasambahay kabilang ang kaukulang aksyon hinggil dito.
Dagdag pa nito na kasama din sa Kasambahay Ordinance ang malawakang kampanya upang maipaalam sa mga domestic workers sa bayan ang kanilang mga benepisyo at karapatan upang mapangalagaan ang kanilang sektor. (BME/PIA NVizcaya)