26.5 C
Manila
Sabado, Disyembre 21, 2024

Mga oportunidad at hamon sa paglaki ng ekonomiya sa mga susunod na taon

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG Enero 31, 2024 naglabas ng balita ang Philippine Statistics Authority (PSA) tungkol sa paglaki ng ekonomiya ng Pilipinas noong 2023. Ayon sa ulat ni Usec. Claire Dennis Mapa, National Statistician, ang Gross Domestic Product (GDP) ay lumaki lamang ng 5.6 porsiyento noong nakaraang taon.  Ang GDP ay ang kabuoang halaga sa pagbebenta ng mga huling produktong ginawa sa loob ng ating bansa. Ang natamong porsiyento ng paglaki ay mababa sa target na paglaki na 6 porsiyento hanggang 7 porsiyento para sa nakaraang taon. Mababa rin ito sa 7.1 porsiyento paglaki na naitala noong 2022.

Isa sa mga dahilan kung bakit hindi naabot ang target na porsiyento ng paglaki ay ang pagbagal ng paglaki ng ekonomiya noong ika-apat na quarter na naitala lamang sa 5.6 porsiyento na mababa sa  naitalang 6 porsiyento paglaki noong ikatlong quarter at 6.4 porsiyento na paglaki sa unang quarter ng 2023. Halimbawa nito, ang sektor ng industriya ay lumago lamang nang 3.2 porsiyento noong ika-apat na quarter ngunit lumaki ito nang 3.6% sa buong taon na nagpapahiwatig na maganda ang performans ng sector noong mga nakaraang quarter.

Sa pananaw ng mga gugulin, ang pagkonsumo ng mga pamahayan ay tumaas lamang nang 5.3 porsiyento noong ika-apat na quarter samantalang tumaas ito ng 5.6 porsiyento sa buong taon. Sa parehong quarter naitala rin ang negatibong paglaki ng gugulin ng pamahalaan (-1.8  porsiyento) at ng eksport (-2.6 porsiyenot). Ang negatibong paglaki ng mga guguling ito ay hindi natakpan ng napakabilis na paglaki ng capital formation o pangangapital na umabot sa 11.2 porsiyento.

Batay sa performans ng ekonomiya ng Pilipinas noong 2023, ano ang hinaharap ng ating ekonomiya?  Ang espesipikong tanong na ating sasagutin ay mapatataas pa ba natin ang bilis ng paglago ng ating ekonomiya na tinataya ng mga eksperto sa pamahalaan na aabot sa 6.2 porsiyento sa 2024?? Ang maikling tugon sa tanong ay nakabatay sa pamamahala ng mga oportunidad at hamon na huhugis sa direksyon ng ekonomiya ng Pilipinas sa mga susunod na quarter at taon.

Sa mga oportunidad, ang mataas na porsiyento ng paglaki sa pangangapital o capital formation noong ikaapat na quarter na naitala sa 11.2 porsiyento at 5.4 porsiyento para sa buong taon ay makapagpapasigla sa ekonomiya sa mga susunod na quarter at taon. Ang pangangapital ay lumilikha ng mga planta at nakadaragdag sa mga kagamitan ng mga kompanya na magagamit sa pagpapalawak ng produksiyon sa hinaharap at nakapagbibigay na dagdag na empleo. Isa pang mahalagang oportunidad ay ang paglaki ng pagkonsumo ng mga pamahayaan na naitalang lumaki ng 5.6 porsiyento noong nakaraang taon. Maaari pa itong mapataas sa mga susunod na quarter at sa 2024 dahil ang Kabuoang Pambansang Kita o Gross National Income (GNI) noong 2023 ay tumaas ng 10.5 porsiyento samantalang ang Net Primary Income ay tumaas ng 96.6 porsiyento noong 2023.  Ang GNI ay kita ng mga mamamayang Filipino na nagmamay ari ng iba’t-ibang produktibong sangkap na ginagamit sa loob at  labas na bansa. Samantala, ang Net Primary Income (NPI) ay ang netong kita ng mga manggagawang Filipino sa labas ng bansa matapos ibawas ang kita ng mga manggawang dayuhan dito sa Pilipinas. Isinasama rin dito ang netong kita ng mga negosyong Filipino sa ibang bansa matapos ibawas ang kita ng mga negosyong dayuhan sa ating bansa. Napakabilis ng paglaki ng dalawang sukatang makroekonomiko ito noong isang taon. Nagpapahiwatig ito na makapagaambag ang GNI at NPI sa kita at pagkonsumo sa mga pamahayang Filipino. Isang mahalagang sangkap ng NPI ay mga padalang salapi o remittance ng mga manggagawang Filipino sa ibayong dagat.  Alam natin ang mga padalang salapi ng mga OFW sa kanilang pamilya sa Pilipinas ay ginagamit nila sa pagkonsumo.


Samantala, may hinaharap na  mga hamon ang ating ekonomiya. Una, ang negatibong paglaki ng gugulin ng pamahalaan at exports noong ika-apat na quarter ng nakaraang taon ay nakababahala. Marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit mabagal ang paggastos ng pamahalaan ay ayaw ng pamunuan ng pamahalaan na makapag-ambag ang guguling pampubliko sa pagtaas ng inflation rate. Ngunit ang ganitong pananaw ng pamahalaan ay maaaring makapagpabagal sa paglaki ng ekonomiya dahil malaki at mahalagang bahagi ng GDP ang gugulin ng pamahalaan.  Kaya’t ang 0.4 porsiyento na paglaki ng gugulin ng pamahalaan noong 2023 ay maaaring mauwi sa pagkitid ng epektong multiplier ng gugulin ng pamahalaan. Samantala, ang eksports ay nagtala rin ng negatibong paglaki noong ikaapat na quarter at  tumaas lamang ng 1.3 porsieynto sa buong taon Ito ay nagpapahiwatig na matamlay pa rin ang ekonomiya ng buong mundo lalo na ang China kaya’t mabagal ang kanilang pag-aangkat ng mga produktong iniluluwas ng Pilipinas. Wala sa ating kapangyarihan ang baguhin ito dahil nagmumula ito sa labas ng bansa. Samantala, ang 1.6 porsieynto ng paglaki ng inaangkat ay hamon sa ating ekonomiya at paglago nito dahil kailangan natin mga inangkat na hilaw na sangkap sa produksiyon. Dahil malaking bahagi ng ating inaangkat na mga hilaw na sangkap na ginagamit sa pagproseso ng ating eksport kumikitid din ang ating kakayahang magluwas ng mga produkto.

Ang susi sa pagsulong at mabilis na paglaki ng ekonomiya sa mga susunod na quarter at taon ay nakabatay sa pagpapatingkad ng mga oportunidad at pagpapagaan ng mga hamon. Madaling sabihin ngunit mahirap gawin dahil ang mga oportunidad at mga hamon ay hinuhugis ng mga salik na labas sa kakayahan ng pamahalaan na baguhin.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -