25.4 C
Manila
Martes, Enero 14, 2025

Pagbisita sa Tabon Cave Complex, idadaan sa pamamagitan ng ‘booking system’

- Advertisement -
- Advertisement -

IDADAAN na sa pamamagitan ng ‘booking system’ ang pagbisita sa Tabon Cave Complex sakaling buksan itong muli sa publiko.

Sa panayam kay Maribel Campilan, Administrative Officer V ng National Museum of the Philippines (NMP) at siya ring tagapamahala ng Tabon Cave Complex–Lipuun Point Museum sa Quezon, Palawan sinabi nito na idadaan na sa booking system ang pagbisita sa Tabon Cave Complex. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Ito ang kinumpirma ni Maribel Campilan, Administrative Officer V ng National Museum of the Philippines (NMP) at siya ring tagapamahala ng Tabon Cave Complex — Lipuun  Point Museum sa bayan ng Quezon sa Palawan sa isang panayam dito kasabay ng soft opening ng nasabing museum.

“Ngayon po ang ating Tabon Cave caving tours ay hindi pa totally bukas for public, magbubukas po siya through booking system. Since konti lang po ang employee ng NMP-Tabon Cave Complex, kailangan po natin siyang i-book para mapaghandaan natin ‘yong kanilang pag-akyat sa mga kuweba,” pahayag ni Campilan.

Ayon pa kay Campilan, isinasapinal pa ang mga alituntunin sa muling pagbubukas ng Tabon Cave Complex upang maging madali itong maintindihan ng mga turista.

Sa pagbubukas muli ng Tabon Cave caving tours, ang maaaring mapasok na mga kuweba ay ang Liyang, Tabon, Diwata, Sarang, Igang, Tadyaw, Dikalan at Manunggul.

Mayroong mahigit 200 kuweba ang Tabon Cave Complex, ngunit hindi ito bukas sa publiko dahil sa patuloy na pag-aaral sa iba pang mga kuweba.

“Sa ngayon po ang ating NMP, ‘yong amin pong station dito sa Tabon Cave Complex ay open for public starting February 1 at 1 pm pero ang atin pong puwedeng pasyalan ay ‘yun pong ating apat na gallery at ang ating boardwalk. So maybe, after the grand opening, we will open everything,” saad ni Campilan.

Libre ang pagbisita sa museum at sa boardwalk ngunit hinihikayat ng National Museum of the Philippines na magbayad ng environmental fee sa lokal na pamahalaang bayan ng Quezon ang mga bisita dahil sa pagbabayad nito ay may nagagamit ang LGU sa patuloy na pangangalaga ng ating kalikasan at sa pagpapalawak ng industriya ng turismo. (OCJ/PIA Mimaropa – Palawan)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -