PERSONAL na bumisita sa tanggapan ni Sen. Idol Raffy Tulfo sa Senado nitong Enero 31 sina Governance Commission for GOCCs (GCG) Chairman Atty. Marius Corpus at Commissioner Atty. Geraldine Marie Martinez kasama ang iba pang kawani ng GCG.
Ipinresenta nila ang opisyal na liham na naghahayag na naisaayos na ang Compensation and Position Classification System (CPCS) ng Pagcor. Kasama na rito ang kasigurahan na wala ng empleyado ng Pagcor ang sasahod below minimum wage.
Ayon sa GCG, magkakaroon din ng retroactive pay mula October 2021 para sa lahat ng Pagcor employees na hindi nakatanggap ng wastong sahod. Ibig sabihin, makakakuha ng back pay ang mga empleyado na nadehado sa sweldo.
Matatandaan na noong Enero 25, sa hearing ng Senate Committee on Games and Amusement, sinabi ng dalawang empleyado ng Pagcor na malayo sa minimum wage ang pasweldo sa kanila.
Sinabi rin ng GCG na hindi maaaring tanggalin ng Pagcor ang mahigit 700 empleyado nila na apektado sa pag-takeover ng Hong Kong-based gaming corporation sa Casino Filipino – New Coast, Malate, Manila.