MISMONG mga taong simbahan na ang yumayakap ngayon sa panawagang pagkakaisa ng tambalan nina presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., at running-mate na si Inday Sara Duterte, kasabay ng pag-ayon na ito lamang ang susi upang tuluyan nang umunlad ang bansa.
Si Bishop Leopoldo Jaucian ng Diocese of Bangued sa Abra ang nanguna sa pag-pray over at pagbibigay ng bendisyon kina Marcos at Inday Sara nang bumisita sa kanya ang UniTeam nitong nakalipas na Miyerkules.
Sinabi ni Bishop Jaucian na ang panawagang pagkakaisa nina Marcos ang isa sa pinakamatibay na simula para makaahon sa matinding kahirapan ang bansa.
Sa harap ng iba pang kaparian, ipinanalangin ni Bishop ang Jaucian ang tagumpay nina Marcos at Duterte, gayundin ang kanilang kaligtasan habang iniikot ang bansa para sa pangangampanya.
Samantala sa kanilang pagbisita sa Jesus Christ The Deliverer Church sa Guiguinto, Bulacan, tinawag naman ni Bishop Ted Malangen si Marcos bilang susunod na pangulo ng bansa.
“Kita n’yo naman ang aking face mask oh, BBM-Sara. Next, ladies and gentlemen, we shall welcome, the president of the republic of the Philippines, Ferdinand Bong Bong Marcos Jr. “BBM”,” ani Bishop Malangen na sinalubong din ng masigabong palakpakan ng buong kaparian.
Ayon kay Marcos, magandang simula ang ginawang pagyakap sa kanilang panawagang pagkakaisa dahil naniniwala siyang sa tulong ng mga iginagalang na alagad ng simbahan, tuluyan nang mapagtatagumpayan ang pagmamahalan nating lahat bilang nagkakaisang Pilipino.
“Pareho din ang ating adhihain ng Jesus Christ The Deliverer, is that tayo ay magkaisa, that we should love each other. Iyon lang naman ang aming isinisigaw, kaya’t marunong na marunong naman ang mga Pilipino, na tumingin kung ano ba talaga ang tama na dapat gagawin ng ating mga leader ng ating mga sarili,” wika pa ni Marcos.
Para kay Duterte, malaking bagay ang suportang ibinibigay sa kanila ng kaparian lalo’t nahahati ngayon ang bansa.
“Kami po ay sobrang nagpapasalamat sa oportunidad at oras na ibinigay n’yo sa amin ngayong umaga na ito na makasama kayo, makilala kayo,at makapagdasal kasama kayo,” ani Duterte.
Sinabi nitong dalawa lamang ang dasal niya ngayon. “Unang-una, kailangan po tayo lumapit sa Diyos, para po maprotektahan ang ating boto sa darating na eleksyon. Magdasal tayo na honest, orderly and peaceful elections ang para sa ating bansa.”
“Pangalawa po ay (ang) dahil napaka-elusive po ng pulitika at ng kampanya ng eleksyon, ipagdasal po natin na pag-isahin tayo ng Diyos. Kapayapaan at lagi naming pananawagan na magkaisa tayo na bumangon mula sa pandemyang COVID – 19 dito sa ating bansa. Yan po ang ating idasal, araw–araw hanggang (May 9) and even and beyond (May 9), yung kapayapaan at pagkakaisa, ng ating bansa,” wika pa ni Duterte.
Sinabi ni Marcos na taong 2014 nang una siyang sabihan ni Bishop Ted hinggil sa pagtakbo bilang Pangulo ng bansa.
“Ang ipinapaalala sakin ni Bishop ay matagal na niyang prediction ‘yung sinasabi niya na noong 2014, ang sinasabi niya tatakbo ka nang presidente at mananalo ka. Alam niya, nung panahon na yun sabi ko, mahirap yata mangyari yun, well naging totoo yung first part of his prediction, tumakbo akong presidente, ngayon hihintayin nalang natin kung mananalo,” ani Marcos.
“Tuluy-tuloy lang ang pag iikot namin at sa akin namang palagay, kagaya naman ninyo ay tumatanggap ng aking mensahe ng pagkakaisa, dahil yun, sa palagay ko ay tulad ng pagbisita namin sa inyo ay napakalaking pasasalamat sa inyong suporta, sa inyong pinapahayag na tiwala sa amin, ni Inday Sara, sa buong Uniteam at sa tulong at hindi pagkakalimot sa amin,” dagdag pa ni Marcos.
Ang ginawang suporta nina Bishop Jaucian at Bishop Malangen ay ibang-iba sa mga hayagang pagbatikos ng ilang kaparian laban kay Marcos kung saan ay ginagamit pa ang simbahan para manira ng kapwa – bagay na labag sa nakasulat sa Bibliya.