25.7 C
Manila
Biyernes, Disyembre 27, 2024

Hindi si Marcos ang kontra Sara, kundi Amerika

- Advertisement -
- Advertisement -

BAKIT nagkasira sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Pangalawang Pangulo Sara Duterte?

Larawan mula sa Facebook page ni Inday Sara Duterte

Sa katunayan, wala silang alitan. Subalit may mga kakampi si Marcos na kumakalaban kay Sara, at di-miminsang pinigil pa nga ng Presidente ang pag-atake sa Bise-Presidente (VP) ng mga politikong kapanalig niya.

Halimbawa, nang batikusin ang badyet o pondong lihim at paniktik (confidential and intelligence funds o CIF) ni VP Sara sa Kamara de Representantes ng Kongreso noong Agosto, mismong anak ng Pangulong si Kongresista Sandro Marcos ang kumilos upang mapahinto ang pagtatanong bago usisain ang CIF ng Office of the Vice President.

At nang magkaroon ng alingasngas sa Kamara tungkol sa planong pagtitiwalag o impeachment kay Bise-Presidente Sara, si Pangulong Marcos mismo ang nagsabi (salin ng Ingles): “Hindi namin ibig matiwalag siya (VP Sara), hindi siya dapat matiwalag.”

At nitong linggo, sa kabila ng pag-atake kay Marcos nina dating pangulong Rodrigo Duterte at ng anak niyang si Sebastian, alkalde ng Lungsod Davao, sinabi ng Presidente na dapat handlangan ng bansa ang International Criminal Court (ICC) sa pag-iimbestiga sa matandang Duterte hinggil sa libu-libong napatay sa kampanya niya laban sa droga. Ibig din ng ICC siyasatin si VP Sara tungkol sa mga napatay sa Davao noong alcalde siya roon.


Samantala, habang tinutuligsa si Marcos ng mag-amang Duterte sa Davao noong Enero 28, dumalo si VP Sara sa rally sa Liwasang Rizal ng kilusang Bagong Pilipinas ng administrasyong Marcos sa araw ring iyon. At lumahok si Sen. Imelda Josefa “Imee” Marcos, ang panganay na kapatid ng Pangulo, sa demonstrasyong pinangunahan ng mga Duterte kontra sa pag-amyenda ng Saligang Batas.

Ang tunay na nanggugulo

“Determinado akong huwag masira ang Uniteam,” wika ni Sen. Imee tungkol sa alyansiyang Marcos-Sara. Noong halalan ng 2022, nagwagi sila ng pinakamaraming boto sa buong kasaysayan ng bansa. Kung hindi ito mabubuwag, kaya ng Uniteam magsulong ng malawakang pagbabago sa sambayahan, pati pag-amyenda ng Konstitusyon, at manalo sa mga darating na eleksiyon hanggang dekadang susunod.

Pero malamang iyon mismo ang ugat ng paninira sa tambalang Marcos-Sara. Dahil halos-siguradong panalo si VP Sara sa halalan para sa pangulo sa 2028 kung buo ang Uniteam, hangad ngayon ng mga may ibang presidenteng nais sirain ang alyansiya ng Pangulo at Pangalawang Pangulo.

- Advertisement -

Pinakamakapangyarihan sa mga kontra Sara ngunit pinakalihim din ang Estados Unidos (US). Ayaw nitong maluklok siya sa Malakanyang dahil kinontra ng ama niya ang balak ng Amerikang magpasok ng malaking puwersa sa Pilipinas. At nagbabala pa ang dating presidente tungkol sa siyam na base ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ipagagamit ni Marcos sa hukbong US.

Kaya naman matapos maitulak ng Amerika si Marcos buksan ang siyam na kampo natin sa mga tropang US, hindi naglaon at kumilos ang mga kongresista laban kay VP Sara.

Una, itiniwalag ang dating pangulong Gloria Arroyo, kinatawan ng Ikalawang Distrito ng Pampanga, bilang senior deputy speaker sa Kamara. Siya ang pangunahing tagasuporta and tagapayo ni Sara, at agad kumalas ang VP sa partidong Lakas ng Bayan-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) dahil sa “kasuka-sukang” pamumulitika.

Sumunod ang pagbatikos at paghadlang sa CIF or pondong lihim at paniktik, sa kabila ng pagtutol ng anak ng Pangulo. Maging ang ICC nakilahok, bagaman walang kinalaman si VP Sara sa kampanyang kontra-droga ng ama.

Pati amyenda ng Saligang Batas baka paraan din upang hindi maging pangulo si Sara, sa pamamagitan ng pagpalit ng sisema ng gobyerno tungo sa sistemang parlamento, kung saan nasa punong ministrong halal ng mga mambabatas ang malaking kapangyarihan, hindi sa presidente.

Bukod sa pagpalit ng kasalukuyan nating sistema ng gobyerno, matutuwa rin ang US kung aalisin sa Konstitusyon ang pagbabawal ng mga armas atomika, at gayon din sa mga hukbong dayuhan.

- Advertisement -

At sino ang nagsusulong ng pag-amyenda? Itinuro ni Sen. Imee si Kong. Ferdinand Martin Romualdez, ang pinsan nila ng Pangulo at kasalukuyang Tagapangusap o Speaker ng Kamara.

Panay ang labas ng mga artikulo ]tungkol kay Speaker Romualdez habang madalas binabatikos si VP Sara. Mukhang si Romualdez ang pambato ng mga kontra-Sara, kabilang ang Amerika.

Pero baka hindi makahabol sa VP ang Speaker kahit mahigit apat na taon pa ang halalan. Kaya naman, isinusulong din ng kampo ni Romualdez ang amyenda ng Konstitusyon, at maaaring nasa plano ang sistemang parlamento.

Kanino dapat kumampi? Sagot: sa mga pinunong magmumulat sa atin sa mga panganib na nakaumang sa bansa.

Sa ngayon, si dating pangulong Duterte lamang ang nagbabala laban sa siyam na baseng ipagagamit sa Amerika at maghahatid ng digma sa atin kung maglaban ang Amerika at China.

Samantala, inihayag ni Sen. Marcos sa panayam noong Abril tungkol sa mga baseng ito, kung saan tameme ang mga opisyal ng administrasyon nang ipakita niya ang video ng war games o kunwaring-giyera sa Taiwan, kung saan aatake ang US mula sa Pilipinas at gaganti ang China sa atin.

Kung inililihim ito sa atin, mag-ingat tayo sa mga politikong iyon, saan mang kampo sila. Ipapahamak nila tayo.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -