28.5 C
Manila
Huwebes, Disyembre 26, 2024

Opening Statement ni Sen Poe sa Senate Hearing ng Committee on Electoral Reforms and People’s Participation

- Advertisement -
- Advertisement -

NARITO ang Opening Statement ni Sen Poe sa Senate Hearing ng Committee on Electoral Reforms and People’s Participation noong Enero 30.

Larawan mula sa Facebook page ni Senator Grace Poe

Magandang umaga po sa inyong lahat, ako’y nagpapasalamat sa chairman ng committee on electoral reforms sa pagbukas ng pagdinig na ito.

Unang-una, para maliwanagan ang ating mga kababayan, ang talagang nangyayari sapagkat marami sa kanila ang naririnig lang ‘yung mga makukulay na salita sa news pero ‘yung mga tunay na issue ay hindi naman talaga nasusundan.

Sa ating mga kababayan, ang Senado po at mga Senador ay hindi takot sa pagbabago, ngunit pagbabago na dapat naaayon sa kabutihan ng ating mga kababayan.

Hindi ko lang po ito sinasabi dahil ito po ay talagang ginagawa na ng Senado, kung totoo pong sa ekonomiya nakatutok ang pakay ng pagpapapirma, bakit hindi na lang po inilagay ‘yun sa kanilang petisyon? Bakit ang nakalagay dito ay voting jointly at the call of the Senate President or the Speaker of the House?

Bakit hindi na lang nilagay na, sa ating mga kababayan, “payag ba kayo na baguhin natin ang mga probisyon na nakatutok sa ekonomiya?”

Malinaw na malinaw na mayroon silang ibang pakay dito.

Sa ating mga kababayan, bakit po ito delikado at nakakapag-alala?

Unang-una, kahit na ano pwedeng isingit diyan. Puwedeng palawigin ang termino ng mga nakaupo, hindi lamang ng Kongreso kundi pati na rin sa Senado. Okay lang naman kung gusto ninyo ‘yun pero kung ‘yun ay malinaw na ‘yun ang gusto ninyo.

Pangalawa, puwede ang mga dayuhan na magmay-ari ng mga lupa dito sa ating bansa bagama’t sinabi ng ating Pangulo na tutol siya dito, kapag nagbotohan na, wala nang control diyan.

Ngayon lang, hindi payag ang ating Saligang Batas na magmay-ari ang dayuhan ng lupa sa ating bansa pero naghahari-harian na ang ibang mga dayuhan katulad ng mga POGO.

Pangatlo, puwede rin nilang sabihin na ‘wag na tayong mag-eleksyon sa mga darating na taon. Papaano naman ang karapatan ng ating mga kababayan na pumili ng kanilang mga lider kung palpak ang mga namamahala? Kaya nga may term limits para mapatunayan mo kung ikaw ba ay talagang kaya ang ginagawa mo at katanggap-tanggap na mamuno.

Dahil sa hirap ng buhay ngayon, ang ating mga kababayan ay napipilitan na lang, “sige kahit isangdaan.” Gano’n kamura ang buhay ngayon, na sa gano’n kaliit na halaga ay napapapirma. Kasalanan ba nila ‘yun? HIndi ba ibig sabihin lang no’n marami pa tayong trabahong dapat gawin at hindi nakatutok sa isyu na sinasabi nilang napaka-importante itong pinapapirma nila. Hindi ba dapat trabaho, presyo ng bilihin, katatagan ng ating Republika ang mas mahalaga.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -