25.7 C
Manila
Biyernes, Disyembre 27, 2024

DA nagkaloob ng mga programa para sa mga magsasaka, asosasyon sa Sablayan

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGKALOOB ng iba’t ibang proyekto at programa ang Department of Agriculture (DA) sa rehiyon ng Mimaropa sa bayan ng Sablayan, Occidental Mindoro.

Kabilang sa mga programang ito ang distribusyon ng 2,367 fertilizer vouchers na may kabuuang halaga na P15,617,920. Tumanggap ng voucher ang mga benepisyaryong magsasaka ng Barangay Poblacion, Sta. Lucia, Buenavista, Ibud, Tagumpay, Sta. Niño, San Vicente, San Francisco at Paetan.

Sa panayam ng DA Mimaropa sa isang benepisyaryo ng voucher, nagpasalamat ito dahil malaking kabawasan aniya sa kanyang gastusin sa pagsasaka ang natanggap na tulong.

Isa pang malaking proyekto na ibinaba ng DA Mimaropa ang Rice Processing Center III na nagkakahalaga ng P50 milyon. Mga opisyal mismo ng DA ang nanguna sa groundbreaking ng nasabing istruktura.

Ang itatayong RPC III ay maglalaman ng multi-pass rice mill, dalawang unit ng recirculating dryer, hauling truck, multi-crop drying pavement at generator set. Iginawad ito sa Calumpit Multipurpose Cooperatie upang mamahala sa bagong processing center.

Samantala, dalawa pang samahan ng mga magsasaka sa Sablayan ang nabiyayaan naman ng irrigation system at makinarya.

Iginawad ng DA Mimaropa sa San Nicolas Sablayan Irrigators Association ang Certificate of Award bilang patunay sa matatanggap nitong Solar Powered Irrigation System na nagkakahalaga ng higit P5 milyon.

Bahagi pa rin ng mga programa para sa Sablayan ang ipinagkaloob ng DA-Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMec) na combine harvester sa San Miguel Multipurpose Cooperative. Ang nasabing makinarya ay nagkakahalaga ng P1.7 milyon at ipinagkaloob sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund Mechanization Program. (VND/PIA Mimaropa – Occidental Mindoro)

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -