26.2 C
Manila
Lunes, Nobyembre 25, 2024

DA nagkaloob ng mga harvester sa limang kooperatiba sa San Jose

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGKALOOB kahapon ang Department of Agriculture (DA) Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMec) sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Mechanization Program ng mga combine harvester sa limang kooperatiba sa bayan ng San Jose.

Ang mga kooperatibang ginawaran ng nabanggit na makinarya ay ang Watchers Multi-Purpose Cooperative, Murtha sa Kaunlaran Free Farmers’ Cooperative, Kaagapay Kilusang Bayan Tagapagpaunlad Multi-Purpose Cooperative, Bayotbot San Isidro Farmers Association at Bulacan Sigasig ng Layon Multi-Purpose Cooperative (Busilak MPC).

Ayon sa mensahe ni PhilMec Science Research Specialist Kenneth Calderon, ang apat na key components ng RCEF ay nilaanan ng pamahalaan ng pinakamalaking pondo na P5 billion. Kasunod dito ang seed component na nagkakahalaga ng P3 bilyon, habang ang credit component at rice extension service ay kapwa pinondohan ng tig P1 bilyon.

“Napag-aralan ng mga experts na malaki ang ginagastos ng mga magsasaka sa labor at nakitang solusyon dito ay mechanization o paggamit ng mga makabagong makinarya,” saad ni Calderon.

Sinabi ni Calderon na bawat ipinagkaloob na harvester ay may kaakibat na trailer na sa kasalukuyan ay ginagawa pa lamang at susunod na ihahatid ng PhilMec sa limang kooperatiba. Magbibigay din aniya ng high pressure pump na gagamitin sa paglilinis ng harvester, tracking system para sa monitoring purposes at heavy duty tools para sa pagkukumpuni ng makinarya sakaling may kaharapin na problema.

Kasabay ng pagkakaloob ay ipinaabot ni Calderon ang hiling sa mga benepisyaryo na pangalagaan ang kanilang mga tinanggap at gamitin ang mga ito upang umunlad ang lahat ng kasapi ng kooperatiba.

Samantala, isa sa nagbigay ng mensahe ng pasasalamat si Busilak MPC chairman Alberto De La Cruz. Aniya, lubos silang natutuwa na sa kabila ng pagiging maliit nilang kooperatiba ay napabilang sila sa mga ginawaran ng mga makinarya. Bukod sa pangakong aalagaan ang natanggap na mga tulong, sinabi ni De La Cruz na titiyakin niyang makagagamit ng harvester ang lahat ng kanilang kasapi. “Sisikapin namin na umunlad ang kabuhayan ng aming mga kasapi at makabili rin ng karagdagang makinarya,” ani De la Cruz. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -