25.1 C
Manila
Biyernes, Disyembre 27, 2024

China: Sa dulo ng paglalakbay tungo sa progreso ng Pilipinas

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

Huling Bahagi

SANGANDAAN ang maaaring paghalimbawaan ng kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas. Sa katunayan, sa terminong iyan maaaring isalin ang winika ni Chinese Foreign Minister Wang Yi bilang pagsasalarawan sa kung nasaan na ang ugnayang Chino-Pilipino: “We are at a crossroads.”

Tinutukoy ni Minister Wang ang nagsalibayang mga usapin sa ugnayang Chino-Pilipino. Naririyan, halimbawa, ang agawan sa teritoryo ng dalawang bansa sa South China Sea at ang ibinubunga nitong muntik-muntikanang pagbabanggaan ng mga barko ng China Coast Guard (CCG) at Philippine Coast Guard (PCG). Mapanganib din at mahigpit na tinututulan ng China ang pagkakaloob ng Pilipinas sa Amerika ng apat na karagdagang base militar sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na pawang nangakaumang sa teritoryo ng China, kung hindi man sa Mainland, sa mga base militar  ng China sa South China Sea.

Nito lamang nakaraang ilang araw, nadagdagan pa ng alalahanin ang ugnayang Chino-Pilipino nang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay agad nagpaabot ng pagbati kay Lai Ching-te sa panalo nito sa eleksyon bilang presidente ng Taiwan. May ugnayang diplomatiko ang Pilipinas sa China at sa bisa ng One China Policy na kinikilala ng Pilipinas, ang Taiwan ay isang probinsya lamang ng China. Sa ilalim ng polisiyang ito, ang pagbati ni Bongbong kay Lai ay isang paglabag sa soberiniya ng China. Papaano mo nga naman mababati bilang presidente ang isang lider ng isang dapat mo lang tingnan bilang probinsya lamang ng China?

Wala pang balita kung humingi ng paumanhin si Bongbong sa kanyang pagkakamali na batiin ang lider ng Taiwan o kung nakahanda siyang panindigan ang kanyang ginawa at sa gayon tanggapin ang higit pang paglala ng alitan sa China. Matatandaan na sa pagtatapos ng nakaraang taon unang pumutok ang paglabag ni Bongbong sa One China Policy nang pahintulutan niyang magdaan sa Clark Airbase si US House Speaker Nancy Pelosi papunta sa pagbisita sa Taiwan. Kawarning-warning ng China na ang pagbisita ay isang paglabag sa soberiniya ng China, itinuloy pa rin. At ito namang si Bongbong ay con todo sakay din sa golpe de gulat ng Amerika.


Makikita na ganap na taliwas sa sangandaan na kinapatakan ngayon ng relasyong Chino-Pilipino, ang ugnayang Pilipino-Amerikano ay tila perpektong magkaterno. Kung saan bumaling ang Estados Unidos, naroroon ang Pilipinas. Abangan kung hindi pabor sa Israel ang magiging tayo ng Pilipinas oras na hiningi ang panninindigan nito sa giyera Israeli-Palestine. Bakit? Dahil iyun ang tindig ng Estados Unidos. Sa mga paglabag ng Amerika sa soberiniya ng China sa pamamagitan ng pagpilit sa tinatawag nitong “freedom of navigation operations (FONOP),”nasaan ang Pilipinas kundi sa ganap na paglahok sa mga war exercises sa South China Sea na pakana ng Estados Unidos kasama ng mga kanluraning manghihimasok na Canada, France, United Kingdom at Germany, at mga Asyatikong Timog Korea at Japan.

Dito sa wakas lumilinaw ang tunay na sangandaan na kinasasadlakan ng Pilipinas. Hindi ang away sa teritoryo sa China. Ang BRP Sierra Madre ay nasadsad sa Ayungin Shoal, isang bahura sa South China Sea na sakop ng Nine Dash Line ng China, noon pang 1999, subalit ni minsan sa loob ng nakaraang 24 na taon na tinangka man lang ng China na gambalain ito. Kung sa panapanahon ay nagkakaroon ng iringan ang mga coastguard ng dalawang bansa, tulad ng pambobomba ng tubig ng China Coast Guard (CCG)  sa Philippine Coast Guard (PCG), iyun ay upang  pigilan ang paglabag ng PCG sa mga pagbabawal ng mga batas pangkaragatan ng China. At ang mga ganitong insidente ay hindi kailanman lumikha ng gatong upang mag-apoy ang ugnayang Chino-Pilipino. Kaugnay nito, matatandaan ang aksidenteng pagkabangga ng isang barko ng China sa sasakyang pangisda ng Pilipinas. Umabot hanggang Amerika at Europa ang mga raling protesta na inorganisa ni Loida Nicolas Lewis na nanawagan ng giyera sa China. Isang mahabang linggo na umaapaw sa tensyon ang nagdaan, kada pag-usad ng araw ay tila papunta sa pagdagundong ng unang putok na magpapasiklab sa digmaan. Bakit ba ang hindi kung ganung habang sa paikot ng Pilipinas ay palakas nang palakas ang  hiyaw ng pakikipagdigma sa China, ni isang kataga ay walang marinig ang bayan mula kay Presidente Duterte?

Giyera na nga ba?

Sa dulo ng linggong iyun na puno ng kahindikan sa digmaan, tumunog sa wakas ang tinig ng presidente: “Ang nangyari ay isang aksidente.”

- Advertisement -

Biglang hupa ng tensyon. Nakahinga nang maluwag ang bayan. At sa inisyatiba ng Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII), nabigyan ng halagang P1.5 milyun ang may-ari ng bankang nasira bilang bayad-pinsala at ang mga mangingisdang nadisgrasya ng tig-iisang taong suplay ng bigas.

Balik normal ang relasyon ng China at Pilipinas – tuloy ang masasayang araw.

Hanggang biglang pihit uli ng hangin. Ang lumitaw na pabor sa China na paninindigan ni Bongbong sa panahon ng kampanya noong 2021 ay sunud-sunuran pala sa Amerika nang nakaupo nang presidente. At sa unang taon pa lang ng administrasyong Marcos, apat pang karagdagang base militar na pawang kritikal na sa seguridad ng China ang ipinagkaloob sa Amerika.

Ito kaipala ang sangandaan na kung tutuusin ay siyang ibig tukuyin ni Minister Wang nang pagbigyan niya ang kahilingan ni Kalihim Panlabas Enrique Manalo na mag-usap sila sa telepono. Para sa mundo, dalawang hantungan ang bukas: ang pananatili ng hegemoniya o ang panlahatan at pantay na kaunlaran ng lahat ng bansa. Kung hegemoniya, piliin mo ang mga giyera sa Ukraine, Israel at Palestine, ang kaguluhan sa Red Sea, at ang pinagplanuhan, pinaghandaan at ngayon ay sinisimulan nang pag-apuyin na digmaan sa Pilipinas. Kung pagkakapanytay naman ng lahat ng bansa ang pipiliin, naririyan ang Belt and Road Initiative (BRI) ni Presidente Xi Jinping na sa kararaang New Year Media Party ng Chinese Embassy ay higit pang dinitalye ni Ambassador Huang Xilian bilang ang ultimong pangarap na pangmundong komunidad na may pinaghahatiang kasaganaan para sa buong sangkatauhan.

Saan patungo ang paglalakbay ng Pilipinas para sa kanyang kaunlaran?

Sa katunayan, hindi na ito itinatanong pa. Pinakadiin-diinan na natin na sa sandaling ang isang abanteng sistema ng lipunan ay naging institusyon na sa isang panig ng daigdig, ang mga lumang sistema ng mundo ay basta na lamang pumapaloob dito.

- Advertisement -

Sa pagsapraktika ng modernong teorya ng “socialism with Chinese characterstics,” napalaya na mula sa kahirapan ang mahigit 800 milyung Chino.

Sa pamamagitan ng Belt and Road Initiative ay naisapraktika na rin ng China ang teoryang ito upang magbigay-kaunlaran sa dalawa-katlong bahagi ng mundo.

Na, sa wakas, dito rin patungo ang Pilipinas, ay, sa totoo lang, hindi na niya problema.

Ito ay batas ng kasaysayan na, sa ayaw mo o sa gusto, dapat masunod, mapa-santong dasalan o santong paspasan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -