MASAYANG ibinalita ni Senador Loren Legarda ang kanyang pagdalo sa ikalawang pagkakataon sa Anakbanwa Arts Exhibit.
Kuwento niya, “Naalala ko ang aking pagdalo sa pagbubukas ng unang Anakbanwa Arts Exhibit noong Disyembre 2021. Ngayon, dalawang taon na ang nakalipas, malugod akong nakabisitang muli sa eksibit na may panibagong pagmamahal para sa Pangasinan nang aking matuklasan kung paano ibinuhos ng limang manlilikha ang kanilang mga puso sa mga obrang nagpapakita sa diwa ng komunidad, kapaligiran, at kasaysayan ng probinsyang ito.”
Dagdag pa niya, “Nilalaman ng Anakbanwa Exhibit ang mga likhang sining na gawa ng mga artists mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa matapos ang isang buwan na pamamalagi sa Dagupan City. Sa pamamagitan ng mga likhang sining ay naipapakita nila ang kanilang impresyon o mga obserbasyon sa Lungsod.”
Ang eksibit ay matatagpuan sa makasaysayang MacArthur House sa West Central Elementary School sa Dagupan City, na dating command post ni Heneral Douglas MacArthur noong World War II.
“Maraming salamat, Cong. Toff de Venecia, para sa imbitasyon na mabisitang muli ang inyong mahal na Lungsod.”