26.9 C
Manila
Linggo, Nobyembre 17, 2024

Abogado ng UP idiniin ang kahalagahan ng pagprotekta sa mga imbensyon

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG ‘90s, pinangunahan ni Dr. Neila Cortes-Maramba ng UP Manila ang isang grupo ng mga siyentistang nananaliksik tungkol sa sampung halamang nakapagbibigay lunas. Nadiskubre nilang ang dalawa sa mga ito ay mabisa laban sa ubo at urinary tract infection, o UTI. Nag-aplay sila ng patent para sa syrup na Vitex negundo (Lagundi) at tabletang Blumea balsamifera (Sambong), at nakakuha sila ng karapatan sa dalawang gamot.

Maaaring nakawin ng kahit sino ang mga imbensyon na hindi patentado. (Kuha ni: Eunice Jean Patron)

Ngayon, ang Lagundi at Sambong ay mahahalagang lunas para sa ubo at UTI, at ito rin ay isa sa malaking pinagkakakitaan ng mga kumpanya. Kung hindi nag–aplay ng patent ang grupo ni Dr. Cortes-Maramba, hindi kikita ng aabot sa 50 milyong piso ang UP Manila at kanilang mga kasosyo. Hindi rin maangkin ng grupo ni Dr. Cortes-Maramba ang pagkatuklas ng dalawang gamot at maaaring agawin ito ng kahit sino.

Kung hindi patentado ang mga imbensyon o diskubre, “ito ay nabibilang na sa pampublikong domain kung saan kahit sino ay maaaring magparami o gumawa nito,” anya ni Atty. Josephine Santiago ng UP Diliman College of Law sa ikapitong bahagi ng iStories na inorganisa ng UP Diliman College of Science. Si Atty. Santiago ay isang huwaran na Intellectual Property (IP) expert na nagsilbi bilang director general ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL).

Ang patent ay isang uri ng IP na nakapagbibigay ng eksklusibong karapatan sa mga imbentor at diskubredor sa kanilang mga gawa. “Ang karapatan ng isang patente ay pigilan lamang ang ibang tao na mag-manufacture, mag-alok para ibenta, gumamit, magbenta, o mag-import ng imbensyon,” paliwanag ni Atty. Santiago. “Ito ay hindi upang gawin ang imbensyon, ngunit upang maiwasan ang iba na gawin ito.” Dagdag pa niya, kapag iba’t ibang imbentor ang nakagawa ng parehas na imbensyon, ang pinakaunang mag-aplay ng patent ay siyang makakatanggap ng eksklusibong karapatan nito.

Marami nang na-aplay ng patent ang UP Diliman, tulad ng CoaTiN, isang coating technology na nakakapagpatagal sa mga gamit na gawa sa metal. Ito ay gawa ni Dr. Henry Ramos ng National Institute of Physics (NIP). Isa pa ang amebiasis detection kit na sumusuri ng amebiasis sa laway, gawa nina Dr. Windell Rivera, Dr. Angeline Odelia Concepcion, at Dr. Alexander Edward Dy ng Institute of Biology (IB).

Hindi lamang ang mga imbentor ang pwedeng makinabang sa patent. Nagbibigay-sigla rin ang patent sa inobasyon at tumutulong para mapabuti ang mga nagawa nang produkto. Isa sa mga kailangan sa pag-aplay ng patent ay ang pagdedetalye sa kung paano gumagana ang isang imbensyon. Kapag naapruba na ang patent, ang impormasyon na ito ay isisiwalat sa publiko, kaya ang ibang mga imbentor ay malayang kumuha ng inspirasyon sa o pagbutihin ang patentadong produkto.

Binanggit rin ni Atty. Santiago ang iba pang uri ng IP, tulad ng: trademarks, na nagbibigay proteksyon sa mga simbolo o ekspresyon; copyright, na nagbibigay karapatan sa mga nalikhang produkto; at trade secrets, na nangangalaga ng mga kumpidensyal na impormasyon. Harvey L. Sapigao

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -