25.7 C
Manila
Biyernes, Enero 3, 2025

Ano ang pakay ng trade mission mula sa Estados Unidos?

- Advertisement -
- Advertisement -

NAIBALITA sa The Manila Times noong Enero 13, 2024 ang isang pahayag ni Adrienne Watson, tagapagsalita ng White House National Security Council, na magpapadala ang Pangulong Joe Biden ng Estados Unidos ng isang delegasyon sa Pilipinas na pamumunuan ni Gina Raimondo, secretary of Commerce ng administrasyong Biden, sa Marso 11-12, 2024 upang makipag-usap sa mga namumuno ng iba’t ibang sektor sa Pilipinas tungkol sa kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa. Ang mga espesipikong layunin ng delegasyon ay itanghal ang mga kontribusyon ng mga kompanyang Amerikano sa pagpapalawak ng ekonomiya ng inobasyon, ang pagtatatag ng magkakaugnay ng imprastruktura, transisyon tungo sa malinis na enerhiya, pagmimina ng mahahalagang mineral, at seguridad sa pagkain.

Ang misyong bang ito ay patungo sa diskusyon sa pagbubuo ng isang kasunduan sa malayang kalakalan sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas? Alam nating makabubuti sa dalawang ekonomiya ang isang Free Trade Agreement (FTA) dahil magdudulot ito na paglikha ng kalakalan kahit mayroon ding ilang paglihis sa kalakalan. Ang pagbubuo ng isang FTA ay malaking oportunidad sa Pilipinas upang magaang makapasok ang mga eksports natin sa Estados Unidos na itinuturing pinamalaking ekonomiya sa buong mundo.

Sa aking palagay, ang tunay na layunin ng trade mission ay ilatag ng Estados Unidos sa mga Filipinong namumuno sa pamahalaan at industriya ang mga kinakailangang kundisyon upang simulan ang anumang pag-uusap sa pagbuo ng FTA sa pagitan ng dalawang bansa. Kaya’t himayin natin ang mga interes na isinusulong ng Estados Unidos na ipinahihiwatig na mga nabanggit na layunin. Dito makikita ang mga hamong haharapin ng pamahalaan ng Pilipinas bago simulan ang anumang pag-uusap tungo sa isang FTA sa pagitan ng dalawang ekonomiya.

Una, ang pagpapalawak ng ekonomiya ng inobasyon ay makabubuti sa ating ekonomiya dahil ang inobasyon ay itinuturing nakapag-aambag nang malaki sa mabilis na paglaki ng isang ekonomiya. Ngunit ang tunay na hangarin ng Estados Unidos ay idiin ang pagpapahalaga sa pag-aaring intelektwal o intellectual property ng mga produkto at serbisyong gawa ng mga kompanyang Amerikano. Dahil ang  ekonomiya ng Estados Unidos ay lumilikha ng napakaraming imbensyon at inobasyon nasa kanilang interes na ipagdiinan ang pagpapalakas ng mga batas sa Pilipinas na nagbibigay ng sapat na proteksyon sa mga pag-aaring intelektwal. Higit pa sa mga batas sa intellectual property, ang hihilingin ng delegasyon ang mahigpit na pagpapatupad ng mga batas. Alam nating mahina ang Pilipinas sa implementasyon sa larangang ito sa likod ng maraming imitasyon ng mga produktong protektado ng mga batas intelektuwal.

Ikalawa, ang makakaugnay na imprastruktura. Ang layunin ng Estados Unidos na maka-ambag sa pagpapalawak sa dami at pagpapahusay sa kalidad ng imprastruktura sa ating bansa hindi lamang sa transportasyon ngunit sa paglalaan ng mga pangunahing serbisyo tulad ng enerhiya na kasama ang elektrisidad, at tubig na makabubuti sa ekonomiya ng Pilipinas at sa mga kompanyang pag-aari ng mga Amerikano. Marahil ang tunay dahilan ng delegasyon ay ang pagbabago ng mga patakarang ekonomiko na bansa upang luwagan ang pagpasok ng mga dayuhan, kasama na ang mga Amerikano, sa paglalaan ng mga pangunahing serbisyo. Dahil ang mga sektor na ito ay hindi pa lubusang bukas sa mga dayuhan, maaaring igiit ng delegasyon ang pangangailangan ng liberalisasyon.


Ikatlo, ang transisyon sa malinis na enerhiya. Ang malinis na enerhiya ay makapag-aambag sa pagkontrol ng polusyon na may epekto sa pagbabago ng klima. Ngunit binaggit ko na sa kolum na ito noong Nobyembre 30, 2023 na malaki ang isasakripisyo ng mga papaunlad na bansa tulad ng Pilipinas sa pagpapatupad ng buwis sa carbon sa  pagtataguyod ng mga malinis enerhiya sa harap ng maliit na kontribusyon ng Pilipinas sa pagbubuga ng carbon sa himpapawid.

Ika-apat, sa pagmimina ng mahahalagang mineral magkaiba ang layunin ng dalawang bansa. Gusto ng Pilipinas na buksan ang industriya ng pagmimina ng mga mahahalagang mineral upang maitayo sa Pilipinas ang isang industriyang gumagawa ng mga baterya para sa mga electric vehicle. Ang pangunahing hilaw na sangkap sa produksyon ng baterya ay mga mahahalagang mineral tulad ng nickel na sagana sa bansa. Samantala, ang gusto ng Estados Unidos ay maging bukas ang industriya ng pagmimina upang magkaroon sila ng akses sa mga kritikal na mineral.  Ang pagbubukas ng industriya ng pagmimina ay isang matinding usapin sa ating bansa sa harap ng maraming sakripisyo lalo ang paglilipat ng mga katutubo at polusyon sa mga komunidad na malapit na minahan.

Ikalima, sa seguridad sa pagkain dalawang pananaw ang nagtatagisan dito. Matindi ang paniniwala ng Estados Unidos na maisusulong ang seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng episyenteng alokasyon ng yaman. Nauuwi ito sa mataas na kita na nagbibigay daan sa pag-aangkat ng  pagkaing butil. Samantala, may malalakas na boses sa ating bansa ang isinusulong ang kasaganaan ng produksyon ng pagkaing butil sa loob ng bansa kahit hindi episyente ang produksiyon nito upang mabigyan ng proteksiyon ang mga magsasaka.

Batay sa pagsusuring nabanggit, handa ba ang mga namumuno sa ating pamahalaan at industriya na makikipagpulong sa trade mission ng Estados Unidos upang sagutin ang limang mabibigat na isyung ipinahihiwatig ng Estados Unidos? Sa aking palagay ang usapan tungo sa pagbubuo ng FTA sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos ay magaganap lamang kung ang mga pangunahing kundisyon ng Estados Unidos ay sapat na matutugunan. Kung hindi, maaaring ipagpaliban ang FTA dahil napakaliit lamang ng Pilipinas bilang isang partner sa kalakalang internasyonal ng Estados Unidos.

- Advertisement -

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -