26.5 C
Manila
Biyernes, Setyembre 20, 2024

Mga hinahangad sa 2024

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

BILANG isang mamamayang Filipino at ekonomista may mga hinahangad akong pangyayari para sa ekonomiya ng Pilipinas sa taong 2024. Una, maging matatag ang panloob at panlabas na halaga ng piso. Ikalawa, bumababa ang antas ng desempleo. Ikatlo, lumawak ang pangangapital sa imprastruktura at sa yamang-tao.

Ang internal na katatagan ng piso ay ipinahahayag ng porsiyento ng pagtaas ng pangkalahatang presyo o inflation rate.  Itinakda ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang target na inflation rate sa pagitan ng 4.1 porsiyento hanggang 4.8 porsiyento. Naabot lamang ito noong Nobyembre 2023 na nagtala ng 4.1 porsiyento na inflation rate. Samakatuwid, inaasahang lalagpas sa target ang average inflation rate sa taong 2023.  Kapag ang inflation rate ay bumababa o halos hindi nagbabago, masasabing matatag ang panloob na halaga ng piso. Bunga nito malaki ang pakinabang ng mga mamimiling Filipino dahil marami silang mapaggagamitan sa kanilang kita. Alam natin na ang malaking bahagi ng mabilis na inflation rate sa ating bansa ay nakasalalay sa presyo ng pagkain at lalo na sa presyo ng bigas na pangunahing pagkaing butil ng mga mamamayang Filipino. Ang presyo ng bigas ay pangunahing naitatakda ng mga bagay na natutungkol sa suplay dahil matatag naman ang paglaki ng demand na nakabatay sa paglaki ng populasyon at pagtaas ng kita ng mga pamilya. Subalit, maraming bagay ang nakapapapataas ng presyo ng bigas sa larangan ng suplay. Una, ang epekto ng kalikasan bunga ng mapinsalang bagyo at ang epekto ng El Niño na pagbabawas sa suplay ng tubig na kinakailangan sa pagtatanim ng palay. Nagpapataas din ng presyo ang estruktura sa bilihan sa bigas lalo na kung may kartel na kumokontrol sa suplay at distribusyon ng bigas.

Samantala, ang eksternal na halaga ng piso ay masasabing matatag kung ang palitan ng salapi o ang presyo ng US dolyar ay hindi gaanong nagbabago. Naitala ang pinakamataas na presyo ng dolyar noong Oktubre 2023 sa antas na P 56.96 bawat US dolyar. Kahit bumababa na ito at naging P 55.56 noong Disyembre 29, 2023 mataas pa rin ito kung ihahambing sa average na palitan ng salapi na naitala sa P 54.48 noong 2022. Sa kasalukuyan, ang nagpapataas sa presyo ng US dolyar ay ang mataas na interest rate sa Estados Unidos. Ang patakaran ng Federal Reserve ng Estados Unidos ay pataasin ang interest rate upang makontrol ang mataas na inflation rate sa Estados Unidos. At dahil magkakaugnay ang mga bilihan ng pondo sa buong mundo, kapag tumaas ang interest rate sa Estados Unidos, magtataas din ang interest rate sa Pilipinas upang pigilin ang paglabas ng pondo sa ating bansa at ang depresasyon ng piso. Dahil marami at mabibigat na sakripisyong dala ng mataas na interest rate napipilitan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na hayaang bumaba na lamang ang halaga ng piso. Ang mababang halaga ng piso bunga ng depresasyon ng piso ay makabubuti sa mga nagluluwas kasama na ang mga OFW dahil makakukuha sila ng maraming piso sa parehong US dolyar nilang kinikita. Subalit ang mga mamimili ng mga inaangkat na produkto ay masasaktan. Dahil dito ang depresasyon ng piso ay maaring mauwi sa pagtaas ng inflation rate.

Ang ikalawang hangad ko ay ang pagbaba ng desempleo sa ating bansa.  Nagsimula ang 2023 sa mataas na unemployment rate na naitala 4.8 porsiyento noong Enero 2023 ngunit bumaba ito sa 4.2 porsiyento noong Oktubre 2023.  Ang pangunahing dahilan ng mataas na desempleo sa Pilipinias ay ang kakulangan ng kapital upang maging kasangkap ng paggawa sa proseso ng produksiyon. Samakatuwid, kinakailangang pataasin natin ang pangangapital mula sa loob at mula sa dayuhang pangangapital. Ang pangangapital mula sa mga mamayang Filipino sa loob ng bansa ay nakasalalay sa lawak ng pag-iimpok ng iba’t ibang sektor ng ekonomiya. Ito ay nakabatay sa antas ng kita ng mga mamamayan, tubo ng mga korporasyon at taas ng interest rate. Sa kabilang dako ang dayuhang pangangapital ay nakasalalay sa pagiging atraktibo ng Pilipinas sa mga dayuhang negosyante. Kasama sa hinahanap nila ay ang kaayusan ng kalakalan, kalidad ng imprastruktura, produktibidad ng mga manggagawa at pagsunod sa tuntunin ng batas.

Ang mababang desempleo ay nagpapahiwatig na paglaki ng ekonomiya at pagbibigay ng maraming oportunidad sa mga mamamayan na makibahagi sa paglaki ng ekonomiya at nagbibigay daan sa inklusibong paglaking ekonomiko.


Ang ikatlong hangad ko ay ang pagpapalawak ng pangangapital sa imprastruktura at yamang-tao. Ang bagal sa dalawang ito ang pangunahing sanhi kung bakit mabagal din ang paglaki ng ating ekonomiyoa. Sa paglawak ng imprastruktura sa pamamagitan ng pagtatayo at pagpapaayos ng mga daungan, paliparan, tulay, daan, paglalaan ng tubig, elektrisidad, at telecommunication network pinalalawak natin ang kapasidad ng ating ekonomiya na makapagprodyus sa episyenteng pamamaraan. Nabibigyan din ng trabaho ang maraming manggagawa sa pagpapalawak ng imprastruktura. Tulad nang nabanggit na ang maayos na lagay ng ating imprastruktura ay pangunahing dahilan sa mga dayuhang negosyante na maglagak ng pondo at magtayo ng mga planta sa ating bansa na makapag-aambag sa patuloy na pagsulong ng ekonomiya.

Sa pangangapital sa yamang-tao, pinalalawak at pinahuhusay natin ang dami at kalidad ng ating hukbong paggawa upang maging produktibong manggagawa at makapag-ambag sa kaalaman bilang yaman. Naisasagawa ito sa pagpapahusay sa mga programa sa edukasyon mula sa mababang paaralan hanggang sa mga programang gradwado at iba’t ibang uring pagsasanay teknikal. Malaking pondo ang kakailanganin upang maisagawa ito at matatagalan bago natin malasap ang mga bunga nito sa harap ng napakababang naitalang score ng mga kabataang Filipino sa mga pagsusulit ng Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2022. Sa science, ang Pilipinas ang ikatlo sa may pinakamamabang score. Samantala, nasa ika-anim sa pinakamababa ranggo ang Pilipinas sa mathematics at reading.

Kahit kaunti lamang ang aking hangad sa ating ekonomiya, mahirap isakaturapan ang mga ito dahil sa maraming hadlang hindi lamang sa kakulangan ng pondo ngunit sa iba pang mga hamon. Hindi man maipatupad ang aking mga hangad, dasal ko pa rin ang isang matatag at masaganang Pilipinas sa taong 2024.

 

- Advertisement -

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -