31 C
Manila
Linggo, Nobyembre 24, 2024

China pa rin ang maaaring takbuhan ni Bongbong

- Advertisement -
- Advertisement -

MALIWANAG ang mga senyales: lumalakas ang isang pagkilos para pataksikin sa puwesto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos  Jr. Sa pagpasok ng bagong taon, isang kapitan ng sandatahang lakas ang naglabas ng manipesto na nananawagan na bawiin ang suporta sa administrasyong Marcos bunga ng pagkalantad na si Bongbong, ayon sa manipesto,  ay hindi lamang lulong sa paggamit ng bawal na gamot na kilala sa tawag na pulvoron kundi protector pa rin ng negosyo sa iligal na droga. Ayon sa isang blogger na nagngangalang General Macanas (retirado), ang nasabing kapitan ay nakapanood ng video na nagpapakita kay Bongbong na gumagamit ng pulvoron, kung hindi mismong ang kapitan ay may hawak ng kopya ng video. Ayon kay Macanas, pinangalawahan niya ang pirma ng kapitan sa manipesto, na pinamagatang Manifesto of Defiance na ngayon, aniya, ay umani na ng libu-libong lagda.

Sa isang masinop magsuri, hindi maaaring hindi tumampok ang pahayag din sa social media ng isa pa ring retiradong opisyal ng sandatahang lakas na kapag ginalaw mo si dating Pangulo Duterte “Goodbye, administrasyon. E, ginalaw nyo si Bise Presidente Sara, goodbye administrasyon.”

Totoo nga naman. Ang dagundong ng mga expose hinggil sa talamak na korapsyon sa pamahalaan na ngayon ay lumala pa nang husto sa paglalantad na si Bongbong ay drug addict at protector ng illegal drug trade, ay nagsimula sa pagtanggal ng kamara sa intelligence funds ni Bise Presidente Sara Duterte bilang Secretary of Education. Agad na malawakang  ipinapagkahulugan sa media na ang ganung pagtanggal ng pondo ay bilang pagbali ng pakpak ni Inday Sara para sa labanang pampanguluhan sa 2028. Sino nga naman ang nagtanggal ng pondo ng bise presidente kundi ang kamara na kung paniniwalaan natin ang salita ni dating presidential spokesman Harry Roque na minsan ding naging congressman, pag pinag-usapan ang kapangyarihan ng kongreso, ang pinag-uusapan ninyo ay ang House Speaker. Samakatwid, sino ang  bumali sa pakpak ni Sara para sa 2028 presidential election? Si House Speaker Martin Romualdez, na kasing-aga pa ng ngayon ay hayag na sa kanyang ambisyon na maging pangulo pagkatapos ng termino ni Bongbong.

Ganyang nagsimula na pala ang labanan para sa susunod na pagkapangulo, hindi na pagtatakhan ang sumunod na mainit na palitan ng banat ng magkabilang panig. Pinutakti si Speaker Romualdez ng kritisismo ng SMNI, ang istasyon sa telebisyon ng Kingdom of Jesus Christ na pinamumunuan ni Pastor Apollo Quiboloy. Nagkakanlong sa istilo ng pagtatanong, ibinulgar ng anchor na si Jeffrey Celis, ang ipinamamaraling dating rebelde na nagbalik-loob sa pamahalaan, na umabot sa P1.8 bilyun ang naging gastos ni Speaker Romualdez sa kanyang mga paglalakbay. Malinaw na bilang ganti, nagpasa ng resolusyon ang kamara na imbestigahan ang di-umano’y mga paglabag ng SMNI sa mga probisyon ng kanyang prankisa. Humingi rin ang Kongreso sa National Telecommunication Commission ng 30-araw na suspensyon ng prankisa ng SMNI.

Hindi naman nagkulang ng partisipasyon si dating Pangulo Duterte sa mga banatan. Tinawag niyang pinaka-corrupt na ahensiya ng pamahalaan ang kongreso at nanawagan na huwag magbayad ng buwis ang mga mamamayan hangga’t hindi nagpapa-audit ang mga kongresman sa kanilang mga gastusin.


Para sa isang dating presidente na manawagan ng ganun, dapat mulat siya na ang kanyag ipinananawagan ay ang pagsira sa institusyong minsan ay sinumpaan niyang paglilingkuran nang tapat at lubos. Halos ganun na rin itong maihahambing sa panawagan noon ni Cory ng civil disobedience na humantong sa pagpapabagsak kay Presidente Fetdinand E. Marcos Sr. Idagdag mo pa ang People’s Defiance, na tema naman ng manipestong humihingi ng pagbawi ng suporta ng bayan sa pamahalaang Marcos Jr., at mabubuo ang maliwanag na larawan ng kasaysayang nag-uulit sa sarili.

Sa mga tunay na makabayan, ito ang bagay na dapat na pinagtutuunan ng pansin. Ang pagbagsak ni Marcos Sr. ay una lamang sa pagpalit ng rehimen sa Pilipinas nang hindi sa pamamagitan ng ekeksyon; pangalawa ang paghalili naman ni noon ay Bise Presidente Gloria Macapagal Arroyo kay Presidente Erap tanging sa pamamagitan ng pagbawi ng suporta ng militar at pulis kasama ang malaki-laking sektor ng masang sibilyan — na  kahalintulad ng namumuong kilusan ngayon upang halinhan si Bongbong.

Sa wakas, dumating na ang diskusyon ngayon sa pangunahing tema: na walang presidente ang Pilipinas na nahalal sa pwesto o nanatiling nakaupo nang hindi sinasang-ayunan ng Amerika, at kapwa sa una at pangalawang ekstra-elektoral na paghalili sa panguluhan ng Pilipinas, ang nagpakana, nagplano at nagsakatuparan ay Amerika. Ang unang kung tawagin sa English sy phenomenal o nakagugulat na panalo sa eleksyon ng presidente ng Pilipinas ay ang kay Rodrigo Roa Duterte, 16 milyung boto, pinakamataas sa kasaysayan hanggang sa panahong iyun, na ayon sa isang ekspertong pag-analisa ay tanging ang CIA ang may kakayahang gawin. Mula sa panglimang pwesto sa limang naglalabang mga kandidato, pumailanlang si Duterte sa unang puwesto sa bisperas ng ekeksyon at hindi na nagpakawala sa ganung kalamangan sa mga kalaban sa araw ng eleksyon. Ito kaipala ang nagbunsod sa akin upang sa isang kolum sa panahong iyun ay wikain na sa labanang China-Estados Unidos, si Duterte ay pwedeng maging isang Trojan Horse.

Mali ba ang aking pagtingin? Natapos ni Duterte ang kanyang termino na nakapagpundar ng lumilitaw na matibay na pakikipagkaibigan sa China at ng lumilitaw din na marubdob naman na pagkamuhi sa Amerika.

- Advertisement -

Subalit kung susukatin sa dapat na estratehikong kalagyan ng pagkakaibigang Chino-Pilipino, ang nagawa ng administrasyong Duterte ay napakaliit. Ang kaisa-isang magkasanib na proyektong dapat na pinagsamahan ng China at Pilipinas — ang  pagbungkal ng langis sa Recto Reed — ay naunsiyami pa, hindi dahil sa madalas ikatwiran ng noon ay Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin na usapin sa teritoryo kundi dahil wala ngang naganap na pagsisikap upang palakasin ang pagkakaibigang Chino-Pilipino sa panghabampanahon.

Kaya kung totoo man ang aking naunang sapantaha na sa ekeksyon ng 2016 ay Trojan Horse si Duterte para sa America, ang narating pa lang niya sa buong haba ng kanyang termino ay ang tarangkahan pa lamang ng China.

Kakailanganin ang isa pang termino — at  termino na hindi na nasasagkaan ng mga hadlang na konstitusyunal, i.e. iksi ng panahon – upang isakatuparan ang orihinal na nakaplanong disenyo.

Kung anuman ang disenyong iyun ay maliwanag na hindi na kakayaning isagawa ni Bongbong dulot ng litaw nang anti-China na paninindigan niya.

Para sa America, ang Trojan Horse pa rin ang pinakamabisang sakyan.

Sa bagay na ito, subaybayan ang pagpayag ni Bongbong sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa giyera ni Duterte laban sa iligal na droga. Di kaya para lamang kumuha si Bongbong ng pisi upang ipampatiwakal sa sarili? Lantaran nating sasabihin ngayon pa lang na oras na idineklara ng ICC na inosente si Duterte, Presidente na si Sara.

- Advertisement -

Palakas nang palakas ang dagundong ng hiyaw na magbitiw na si Bongbong bilang pangulo. Sa klase ng mga personalidad na humahalo sa hiyaw, naaaninaw na patungo ito sa isa na namang magulo at kapag nagkataon madugo na pagpapalit rehimen katulad ng dalawang nauna na sa kasaysayan ng bansa.

Tandang-tanda ko ang brilyanteng mga pananalita na iyong binitiwan sa memorial ng iyong nanayapang ama noong 1989. Wika mo, “I am faced with the awesome responsibility of filling in the shoes of my father.” Gawin mo na lang sana na bahagi ng dapat mong punan sa mga sapatos ng iyong ama ay ang tapat, dalisay at panghabampanahong pagkakaibigan ng China at Pilipinas na sa iyong kabataan ay kasama ka rin namang ipinundar ng iyong ama noong 1975. Tingnan pag hindi sa kaduluduluhan, China pa rin “ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay.”

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -