Sa pamamagitan ng Anak nilikha ng Diyos ang sanlibutan at siya ang itinalaga niyang tagapagmana ng lahat ng bagay. Ang Anak ang maningning na sinag ng Diyos, dahil kung ano ang Diyos gayun din ang Anak.
- Sulat sa mga Hebreo, 1:2
DIYOS na nagkatawang-tao. Iyon ang karaniwang sinasabi tungkol sa paglilihi at pagsilang kay Hesukristo na siyang ipinagdiriwang sa Pasko.
Pero ano nga ba ang ibig sabihin ng bukang-bibig na iyon?
Sa totoo, hindi natin kailanman matatalos nang buong liwanag ang kamangha-manghang paniniwalang iyon.
Unang-una, hindi kaya ang hamak nating isip, pati guniguni, kilalanin ang Diyos nang buung-buo. Sabi nga ng mga pilosopo at teologo, kung lubus nating matatalos ang Diyos, may hangganan siya at sa gayon, hindi siya Diyos na dapat walang hangganan.
Ngayon, mantakin nating ang Maykapal na hindi natin matalos, naging tao sa lupa. Kung suko na ang isip natin sa Diyos pa lang, ano pa kaya ang pagiging tao ng walang hanggan at walang kamatayang Panginoon?
Sa katunayan, ilang dantaong pinagtalunan ng mga sinaunang Kristiyano ang konsepto ng Diyos na nagkatawang-tao. Halos 300 taon ang lumipas pagkamatay, pagkabuhay muli at pag-akyat sa langit ni Kristo bago idineklara ng Simbahan ang doktrina ng pagsasanib kay Hesus ng pagka-Diyos at pagkatao, ang tinuguriang “hypostatic union.”
At hanggang ngayon, may mga sektong hindi naniniwalang Diyos si Kristo. At maging ang 2 bilyong Kristiyanong nananampalatayang naging tao ang Diyos Anak, hindi pa rin maguniguni kung ano talaga itong ginawa ng Panginoon.
Kung gagawa tayo ng talinghaga para sa ating panahon, pagsamahin natin sa iisang Bathala ang kapangyarihan ng lahat ng superhero sa pelikula at komiks, mga diyus-diyusan ng alamat, bawat bansa at bilyonaryo sa mundo, at maging ang lakas ng kalikasan at uniberso.
Tapos, itong Bathalang kagimbal, iwawaksi ang lahat ng kapangyarihan, sandata at yaman upang maging pulubing bulag, bingi, pipi at baldado, maraming karamdaman at naghihirap sa kagimbal-gimbal na lugar na mas masahol pa sa binombang Gaza Strip.
Kung mangyayari nga ang gayong pagbagsak ng guniguning Bathala, mas masahol pa roon nang walang hanggang ulit ang pagbulusok ng Diyos na naging tao sa lupa.
Anak kumalas sa Ama
Higit pa sa pagbaba ng Diyos Anak mula sa paraisong langit tungo sa lupang kapit ng ligalig, pasakit at kamatayan, inako niya sa pagiging tao ang pagkawalay sa Diyos Amang lubusan niyang sinalamin at sinunod sa habang panahon.
Sabi nga sa ikalawang pagbasang Misa sa Araw ng Pasko mula sa Sulat sa mga Hebreo, sinipi sa simula, “Ang Anak ang maningning na sinag ng Diyos, dahil kung ano ang Diyos gayun din ang Anak.”
Mangyari, sa teolohiya ng Banal na Santatlo o Santisima Trinidad, ang Anak o Salita ng Diyos ang paghahayag ng niloloob ng Ama. Anumang isaisip o isaloob ng Diyos, siyang hahayag sa Anak o Salita. Kung baga sa tao, ang isip at kalooban ang Diyos at ang pangungusap, pahayag at pagkilos ang Anak o Salita.
Ito rin ang pahayag sa Ebanghelyong Misa mula kay San Juan (Juan 1:1-18): “Sa pasimula pa’y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita, at Diyos ang Salita. Kasama na siya ng Diyos sa pasimula pa. Sa pamamagitan niya nilikha ang lahat ng bagay, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya.”
Ngayon, nang maging tao ang Diyos Anak, inako niya hindi lamang ang mga hangganan at karupukan ng tao, kundi pati ang pagkaiba niya sa Maykapal. Ang lubusang pagkakaisa ng Diyos Ama at Anak sa mula’t mula, nakalag kay Hesukristo.
Gaya ng lahat ng tao, iba na sa Maykapal ang katauhan ni Hesukristo, bagaman kaisa pa rin ng Diyos ang pagka-Diyos niya. At dahil may agwat na ang katauhan ni Hesus sa Diyos Ama, maaari siyang mag-isip at maghangad nang iba sa kalooban ng Diyos.
Nakita ito sa Hardin ng Gethsemane bago ang pagdurusa at pagkamatay ni Hesus. Wika niya sa Ebanghelyo ni San Marcos na inihayag din nina San Mateo at Lucas: “Abba (Itay), magagawa mo ang lahat. Alisin mo sa akin itong kalis (ng pagdurusa). Ngunit hindi ang kalooban ko, kundi ang sa iyo ang matupad” (Marcos 14:26).
Mantakin natin: Ang Anak at Salitang laging inihahayag at isinasagawa ang niloloob ng DIyos, nagkaroon ng isip at loobing tao na nagawang maiba sa nais ng Ama. Subalit tumalima pa rin si Hesus at iniayon ang kalooban niya sa Diyos.
Sa gayon, binaligtad ng Panginoong Hesukristo ang pagsuway nina Adan at Eba, tinubos tayo sa kasalanan, at ipinamalas ang gagawin upang makiisa sa Diyos: isang-ayon ng kalooban natin sa atas ng Maykapal.
Pahuling punto sa pagbaba ng Diyos sa lupa sa Pasko: Ginagawa Niya ito hanggang ngayon sa bawat Misa. Sa Eukaristiya, iwinawaksing muli ng Diyos ang Kanyang walang-hanggang kapangyarihan at tinatanggap ang paglapastangan at paggunaw upang makiisa sa atin tungo sa paraisiong habang panahon.
Paulit-ulit itong ginagawa ni Hesus dahil pinakamamahal niya tayo.
Banal at Maligayang Pasko sa lahat!