NOONG ang presyo ng bigas ay tumataas ang pagpapagaan sa pag-aangkat ng produktong ito ay isang alternatibong binibigyan pansin ng pamahalaan upang mapalawak ang suplay nito sa bansa at mapatatag ang presyo ng bigas. Ngunit naging matindi ang diskusyon kung anong paraan ang gagamitin sa pagkontrol sa pag-aangkat ang isasagawa ng pamahalaan. Ito ay tagisan sa pagitan ng pagpapalawak ng kota o sa pagbaba sa taripa ng bigas. Sa maraming taon, ang pag-aangkat ng bigas ay nasa pamamahala ng National Food Authority (NFA) na may pangunahing kontrol sa regulasyon sa pag-aangkat ng bigas batay sa kota. Dahil hindi mapatatag ang presyo ng bigas sa kotang itinakda ng NFA isinulong ang Rice Tarrification Law noong 2019 upang palitan ng pagpapataw ng taripa sa bigas ang paggamit ng kota sa pag-aangkat ng bigas.
Pareho ang layunin ng kota at pagpapataw ng taripa at ito’y kontrolin ang pagpasok ng mga kompetitibong inaangkat upang bigyan ng proteksiyon ang mga industriya sa loob ng bansa. Sa kota ang pagkontrol ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagtatakda ng dami ng maiaangkat na produkto. Samantala, sa taripa ang pagkontrol ay nangyayari sa pagpapataw ng taripa sa inaangkat na nagpapataas ng presyo ng produkto. Sa pagtaas ng presyo lumiliit ang inaangkat dahil tumataas ang lokal na suplay at bumababa ang lokal na demand.
Ang kota, ay ipinatutupad dahil mas mabisa ito sa pagkontrol ng inaangkat sa mga produktong di elastiko ang demand. Ibig sabihin hindi matugon ang pagbabago sa lokal na suplay at demand sa mga pagbabago ng presyo bunga ng pagpapataw ng taripa. Kakailanganin ng napakataas na taripa upang makuha ang makabuluhang pagbaba ng inaangkat. Ang ganitong patakaran ay mauuwi sa mataas na presyo na mabigat na pasanin sa mga mamimili.
Sa pagpapatupad ng kota, tumataas ang limitadong suplay na nagpapataas sa presyo ng produkto tulad halimbawa ng bigas. Sa mataas na presyo masasaktan ang mga mamimili dahil ang kanilang consumer surplus ay bumababa kung ihahambing sa consumer surplus na natatamasa nila sa ilalim ng malayang kalakalan sa pag-aangkat. Ang consumer sarplus ay sinusukat ang netong kasiyahang natatamo ng mga mamimili sa pagkonsumo. Ito ay pagkakaiba ng presyong handang bilhin ng mga mamimili ang produkto sa ang aktwal na presyong binibili nila ang produkto. Samakatuwid, kung ang presyo ng produkto ay tumataas bunga ng kota, ang consumer surplus ay bumababa. Ang pagbaba ng netong kasiyahan ng mga mamimimili ay naililipat naman sa iba’t ibang sektor sa bilihan ng produkto bilang mga benepisyo. Sa pagtaas ng presyo tumataas din ang tubo o producer surplus ng mga prodyuser na nagbibigay insentibo sa kanila na dagdagan ang produksiyon. May dagdag ding kita ang natatamo ng mga umaangkat sa pamamagitan ng kota dahil nabibili nila ang produkto sa murang halaga sa bilihang internasyonal at naipagbibili nila ito sa mataas na presyo sa loob ng bansa. Ngunit ang kota ay nauuwi sa iba’t ibang uri ng pag-aaksaya ng mga yaman bunga ng labis na produksyon at kulang na pagkonsumo.
Ang taripa, sa kabilang banda, ay isa uri ng buwis na ipinapataw sa pumapasok na inaangkat na produkto na nagpapataas sa presyo nito sa loob ng bansa. Ang pagkontrol sa inaaangkat ay nangyayari sa pamamagitan ng pagtaas ng presyo na nauuwi sa pagliit ng lokal na demand at pagtaas ng lokal na suplay. Tulad ng sa kota, ang pagtaas ng presyo bunga ng taripa ay nauuwi sa pagbaba ng consumer surplus ng mamimili. Bahagi ng pagbaba ng consumer surplus ay napupunta sa pagtaas ng tubo o producer surplus ng mga prodyuser sa loob ng bansa. Dahil ang taripa ay isang uri ng buwis, ang pumapasok na produktong inaangkat ay pinapatawan ng buwis na nagiging dagdag na kita ng pamahalaan. Tulad ng kota, ang taripa ay nauuwi din sa pag-aaksaya ng mga yaman bunga ng labis na produksiyon at kulang na pagkonsumo.
Batay sa ating pagsusuri, ang pagkakaiba ng kota sa taripa ay ang dagdag na kita ng mga nag-aangkat sa ilalim ng kota na naiiiba sa dagdag na kita ng pamahalaan sa koleksiyong ng taripa sa inaangkat.
Ikalawang pagkakaiba ay ang kapangyarihang monopolyo ng ahensya ng pamahalaan sa pag-aangkat sa sistemang kota tulad ng nangyari sa NFA. Samakatuwid, ang dagdag na kita ay napunta sa kaban ng NFA dahil ang ahensya ito ang pangunahing tagapag-angkat ng bigas. Samantala, ang pag-aangkat sa pamamagitan ng taripa ay bukas sa lahat kasama ang mga pribadong indibidwal.
Ikatlo, sa ilalim ng kota may insentibo sa mga umaangkat at sa mga local na prodyuser na itakda ang mababang kotang aangkatin. Ito ay mauuwi sa mas mataas na presyo dahil ang suplay ay tumataas lamang nang kaunti. Pabor ito sa umaangkat dahil mas malaki ang makukuha nilang dagdag na kita mula sa kota. Sa mataas na presyo mas mataas din ang matatamong producer surplus o tubo ng mga lokal na prodyuser. Samantala, sa taripa hindi gaanong tataas ang presyo dahil marami ang maaaring umangkat na nagpapataas sa suplay ng produkto.
Mula sa payak na pagsusuring ito makikita kung bakit hindi sang-ayon ang NFA at mga lokal magsasaka ng palay tanggalin at kota at palitan ng pagpapataw ng taripa ang pagkontrol sa pag-aangkat ng bigas sa ilalim ng Rice Tariffication Law. Tunay na may pulitika sa pagpapatupad ng anumang patakaran. May nakikinabang at may nasasaktan sa anumang patakaran ng pamahalaan.