ISA na namang survey ang nagpatunay na si Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., ang nananatiling nangungunang kandidato sa pagka-pangulo sa darating na halalan sa Mayo 2022.
Ang survey na isinagawa ng Issues and Advocates Center na inilabas nitong Martes ay nagpapakita na nakakuha si Marcos Jr., ng 51 porsyentong voters preference o mas mataas ng walong porsyento sa nakaraan nilang survey nitong Disyembre.
Ayon kay Ed Malay, director ng The Center, ang Pulso ng Pilipino survey ay isinagawa simula Enero 10 hanggang Enero 16 ngayong taon sa 2,400 respondents.
Ang nasabing non-commissioned survey ay isinagawa sa lahat ng socio-economic classes sa 16 na lungsod at isang munisipalidad sa National Capital Region (NCR).
Lumabas din sa survey na mahigpit ang laban sa ikalawang puwesto kung saan si Manila Mayor Isko Moreno ay nasa malayong pangalawa na mayroong 14 porsyento, habang halos kadikit lamang nito sa ikatlong pwesto si Leni Robredo na mayroong 11 porsyento, kinumpleto naman ni Sen. Manny Pacquiao ang “statistical three-way tie” na nakakuha ng 10 porsyento.
Nasa ika-limang pwesto naman si Sen. Ping Lacson na nakakuha ng walong porsyento habang ang tatlo pang natitirang presidential aspirants ay nakakuha ng isang porsyento o di kaya ay mas mababa pa rito.
Samantala, lalo namang tumibay ang suporta sa BBM-Sara UniTeam matapos silang pormal na inindorso ng maimpluwensyang Partido Barug na itinatag ni Cebu City Mayor Michael Rama.
Pormal na inanunsyo ni Mayor Rama ang kanilang pagsuporta sa UniTeam nitong Miyerkules kasama ang iba pang local government officials at mga kaalyadong pulitiko sa Cebu.
Bukod sa Partido Barug, nagpahayag din ng suporta sa UniTeam ang Bakud Party sa pangunguna ni Danao City Mayor Ramon ‘Nito’ Duterte Durano III.