26.5 C
Manila
Linggo, Disyembre 22, 2024

Lamang ng mga Filipino dahil sa 2 wikang opisyal ng Pilipinas

- Advertisement -
- Advertisement -

“Do you speak English?” “Yes, of course. I’m a Filipino.”

Alam na natin na maraming Filipino (Pilipino) ang marunong makaintindi at magsalita ng English. Pero alam ba ninyo na dalawa ang wikang opisyal ng Pilipinas?

Oo. Isa ang ating Wikang Pambansa na pinangalanang Filipino at ito’y nakabase sa isang natural na wika na matagal nang ginagamit ng mga Tagalog na mamamayan natin. Pangalawa ang wikang Ingles.

Ang Tagalog ay ang normal at natural na salita sa mga lugar kung saan nakatira ang mga taong Tagalog, kagaya ng mga lalawigan ng Rizal, Cavite, Laguna, Batangas, Quezon, Bataan, Zambales, Tarlac, Nueva Ecija, at Aurora.

Ang nakapagtataka, napapalibutan ng mga nagta-Tagalog ang isang lalawigan na kakaibang-kakaiba ang salita: Ang Pampanga na kung saan ang salita ay Kapampangan.

Huwag din natin kalimutan ang mga karatig-isla ng Mindoro, Marinduque, at Palawan kung saan maraming nagsasalita ng wikang Tagalog, bagamat medyo nag-iba na ito ng bahagya.

Maraming dialects ang Tagalog, mula sa kilalang Batanggenyo (Batangueño), Moronggenyo (Moronggueño), Kabitenyo (Caviteño), at Bulakenyo (Bulaqueño), hanggang sa Tarlakenyo (Tarlaqueño), atbp., ang ginagamit ngayon pati na sa mga malalayong isla at probinsiya ng Pilipinas.

Siyempre kasama rito ang National Capital Region (NCR) na binubuo ng mga lungsod at munisipyo na malapit sa lumang kinalalagyan ng Lungsod ng Maynila, ang pinagbuklod na metropolis na Metro Manila. Ang Manilenyo (Manileño) dialect ng Tagalog ang pinakamaunlad dialect ng Tagalog ngayon sa bansa.

Pero kailangan pa bang gawing opisyal na Wikang Pambansa ang Tagalog? Sa tingin ng mga miyembro ng Surian ng Wikang Pambansa noong 1939, kailangan ng isang katutubong wika mula mismo sa Pilipinas para makapag-ugnayan at magka-usap-usap ang mga Filipino sa isa’t-isa na hindi kailangang gumamit ng wikang banyaga tulad ng Ingles o Kastila.

Pero kailangan pa rin ng mga Pilipino na makipag-usap sa mga banyaga para maitaguyod ng Pilipinas ang kakayahan nito na sumabay at makipag-ugnayan sa iba’t-ibang bansa sa buong mundo. Ang pinili nilang wikang banyaga para sa ganitong layunin ay ang wikang Ingles.

Iyan ang dahilan kung bakit dalawa ang opisyal na wika ng Pilipinas: isang Wikang Pambansa para gamitin ng mga Pilipino sa pang-araw-araw nilang usapan, at isa namang wikang banyaga para makipag-usap sa lahat ng mga banyaga na balak makipag-ugnayan sa mga Pilipino.

Ayan din ang dahilan kung bakit sabay na itinuturo ang wikang Filipino (na halos kapareho sa wikang Tagalog) at ang wikang Ingles sa lahat ng paaralan. Dapat na sabay masanay ang lahat ng Filipino na magsalita ng dalawa o tatlong wika mula sa pagkabata.

Ang pangatlong wika ay ang “mother tongue” o ang wika na gamit ng kanyang mga kamag-anak at mga kapit-bahay sa kanyang kinalakihang kultura at nayon.

Noong unang bahagi ng ika-20 siglo, dumating ang wikang Ingles sa Pilipinas dahil sinakop ang kapuluan natin ng mga Amerikano para gawing kaisa-isa nitong kolonya (lupang sinakop). Nagpadala ng maraming barko na puno ng mga gurong Amerikano sa Pilipinas upang pumunta sa maraming lalawigan at magtayo ng maraming paaralan at kolehiyo.

Itinuro nila ang American English dialect na uso noong panahong iyon, kaya ang kumalat na Philippine English dialect ay naka-base sa American English na kakaiba naman sa British English na ikinalat at itinuro ng mga Briton sa mga bansang sinakop nila.

Mabilis namang natuto ang maraming Pilipino sa wikang banyaga na ito, pati na yung mga dati nang marunong magsalita ng Kastila. Dahil sa diyaryo, aklat, talumpati, dayalogo, telepono, radyo, pelikula, at telebisyon, madaling kumalat at nakasanayan ng mga Pilipino ang paggamit ng salitang Ingles.

Sa ngayon, halos lahat ng karatula, paunawa, anunsiyo, babala, at palatandaan na nakikita at nababasa sa kalye ay nakasulat sa salitang Ingles, bagamat dumadami na rin ang nasa salitang Filipino.

Marunong rin makaintindi ang mga Filipino ng mga kanta, tula, nobela, komiks, laro, sine, drama, komedya, at palabas na nasa wikang Ingles. Yung karamihan ng mga Filipino, bagamat hindi lahat, ay kayang makipag-usap ng mababaw na Ingles sa mga banyaga.

Mayroon namang mga dalubhasa na magaling at diretso magsalita ng malalim na Ingles sa lahat ng okasyon o kaganapan. Minsan nga ay sobrang magaling mag-Ingles ang mga Filipino na akala ng marami ay may kausap silang Amerikano o Briton. Mabilis matutunan ng Pinoy ang punto (accent) ng mga kausap nila.

Dito ngayon nakilala ang Pilipinas na pwedeng pagtayuan ng negosyong BPO (Business Process Outsourcing). Ang BPO ay ang istratehiya at paraan ng isang kompanya sa pagkuha ng mga kinakailangang serbisyo mula sa ibang kompanya na binabayaran nito.

Naunang namayagpag ang bansa na India sa serbisyong BPO pero nalampasan na ito ng Pilipinas, ang kinikilalang “BPO and call center capital of the world.” Umaabot na sa lampas 1.3 milyong Filipino ang nabigyan ng trabaho at tumatanggap ang bansa ng $30 milyong na GDP (gross domestic product).

Lumakas din ang pagdating ng mga dayuhang turista sa Pilipinas dahil alam nila na hindi sila mahihirapan maglibot sa Pilipinas para puntahan ang mga magagandang tanawin. Alam nila na may makakausap silang Pilipino na marunong mag-English.

Kapag ginusto naman ng Pinoy na maging OFW (overseas Filipino worker) sa ibang bansa, lamang din siya sa mga ibang banyaga dahil sa karunungan niya sa English at dahil mabilis siyang matuto ng mga sistema nila sa ibang kultura.

Dito lamang ang Pinoy: parehong kabisado ang sariling wika at madaling maintindihan agad kung nakikipag-usap sa English.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -