BIHIRA tayong makabasa ng mga salaysay ng mga manggagamot tungkol sa sa kanilang karanasan sa panggagamot. Palibhasa’y reseta at hindi mga malikhaing akda ang inaasahan mula sa kanila. Kaya naman isang bagay na dapat ipagbunyi ang bagong aklat na inilunsad kamakailan. At mga manggagamot ang umakda ng mga personal na sanaysay na nakapaloob dito. Ang “RX Narratives” ay isang antolohiya ng tinatawag na ‘creative nonfiction’ ng mga Pinoy na internists. Mga dalubhasa sa larang ng Internal Medicine (IM) ang mga internists.
Mabuti na lamang at may mga internists na gaya nina Dr. Joti Tabula, Dr. Noel Pingoy, at Dr. Sandra Tankeh-Torres na nangahas tipunin ang mga akda ng kanilang kapwa-internists sa isang aklat. Palibhasa’y mga mahuhusay na manunulat din, silang tatlo ang nagsilbing editor ng aklat.
Nahahati sa tatlong bahagi ang aklat.
Ang unang bahagi ay binubuo ng anim na salaysay tungkol sa medical education sa bansa. Ikinuwento ni Dr. Wilfredo ‘Will’ Liangco, sa kanyang sanaysay na “Alleviations,” kung paanong ang tatay niyang nagkaroon ng kanser sa atay ay nagbigay-daan upang piliin niyang espesyalisasyon ang medical oncology. Si Dr. Liangco ay tumanggap ng National Book Award kamakailan para sa kanyang librong nonfiction na pinamagatang “Even Ducks Get Liver Cancer and Other Medical Misadventures” (Milflores Publishing). Nagpugay naman sa kaniyang guro sa medical school si Dr. Eva Socorro Estrada Aranas-Angel, isang internist-geriatrician, sa kanyang piyesang “His Name Was Alex.” Makikilala niyo rito si Dr Alex, isang Renaissance man, na itinuring ni Dr. Angel bilang kaniyang greatest mentor. Nakitaan naman ng kutitap ng pag-asa si Dr. Florge Francis Sy, isang trainee sa medical oncology, sa kanyang pakikiharap sa mga pasyenteng may kanser kahit malay siya sa maaaring kahinatnan ng pasyenteng may ganitong karamdaman. Ito’y mababasa sa akda niyang “A Spark of Hope.”
Nakapokus naman ang ikalawang bahagi ng aklat sa mga doktor na nag-aastang Diyos habang nanggagamot. Ayon kay Dr. Tabula sa kanyang introduksiyon, ang mga salaysay na nakasama sa chapter na ito ay bilang tugon sa maikling kuwentong ‘The Men Who Play God’ na isinulat ni Dr. Arturo Rotor, naging internist sa PGH na kilala ring musician at awtor ng koleksiyon ng mga kuwentong may ganoon ding pamagat. Sa kanya ipinangalan ng Philippine College of Physicians (PCP) ang taunang patimpalak sa pagsulat ng creative nonfiction – ang “Dr. Arturo B. Rotor Memorial Awards for Literature.” Sa bungad ng libro ay isang epigraph ang hinango ng mga patnugot sa akdang “The Men Who Play God” at ito ay ang linyang”Which one of you would like to play God today?”
Tinalakay ni Dr. Jan Joel Simpauco sa kanyang akdang “Child’s Play” kung paanong ibinibigay ng mga pasyente ang kanilang buong-tiwala sa mga doktor na singtulad na rin ng pananampalataya nila sa Diyos. Ikinuwento naman ni Dr. Marion Michelle Regalado kung paanong nagpapanggap na maayos o composed lamang ang doktor sa gitna ng isang medical emergency o kapag may naghihingalong pasyente habang pilit niyang itinatago ang kanyang kahinaan sa mga ganoong pagkakataon. Mababasa ito sa kanyang sanaysay na “Doctors Play God.”
Samantala, ibinahagi ni Dr. Lorelie Ann Rivera sa kanyang akdang “The Last Epinephrine” ang pagkamatay ng kanyang tiyuhin at kung paanong pilit niyang ginagawa ang lahat, bilang doktor, na manatili siyang buhay. Maiisip natin na kahit ang mga doktor, at ang kanilang mga mahal na kaanak, ay hindi rin puwera sa ganitong sitwasyon. Mas matindi ang dagok nito sa mga doktor na tumitingin sa pasyente sapagkat wala siyang magawa sa ganitong pagkakataon. Ako mismo, nang panahong mamamatay na ang aking ama sa sakit na leukemia (na nakumplika ng pulmonya), ay nalagay din sa ganitong sitwasyon. Paano mo ba hahayaang kunin ng kamatayan ang mga minamahal? Di ba’t lahat ay gagawin natin para mabuhay lang sila? Laging hindi option ang kamatayan. Lahat ay gagawin upang maitawid ang pasyente sa paparating na kamatayan. Pamilyar ba ang linyang, “Dok, gawin n’yo po lahat ang inyong makakaya upang mabuhay ang aming ama-ina-kapatid-asawa-anak-iba pang kaanak. Parang awa n’yo na po.”
Ang mga doktor naman bilang “healer” ang naging tuon ng pangatlo at panghuling bahagi. Sa kanyang akdang “The Courage To Heal,” na ibinahagi ng Palanca awardee na si Dr. Elvie Victonette Razon-Gonzales kung paanong nawalan ng tapang manggamot ang doktor sa gitna ng isang matinding pandemyang Covid-19. Alam naman nating walang sinanto ang mabagsik na virus. Kay raming manggagamot ang namatay sa gitna ng kanilang pagtugon sa pandemya. Ilan sa pinakamahuhusay na doktor mula sa PGH ay nagbuwis din ng buhay habang nasa “line of duty.” Nagbigay-daan ito upang tawaging mga bagong bayani ang medical frontliners. Ang “Courage to Heal” ay nagkamit ng ikalawang gantimpala sa 2022 Dr. Arturo B. Rotor Memorial Awards for Literature.
Ang pinahuling piyesa sa RX Narratives ay tumalakay sa isang piyano na kahit na-damage sa daluyong ng Bagyong Yolanda (at nangailangan ng pagpapa-repair) ay patuloy pa ring nagbigay ng isang “brilliant music.” Nagsilbing metapora ang naturang piyano sa dinaraanan ng mga manggagamot (kabahagi man ng aklat na ito o hindi) na nasusugatan pero nagpapanibagong-sigla upang tugunan ang tinanguang propesyon: ang maging manggagamot, sa anumang panahon, sa lahat ng pagkakataon. Kay ganda ng huling linyang binitawan ni Dr. Paula Teresa Sta. Maria sa akda niyang “Notes From a Piano.” Sabi niya, “I could do the same with myself. I can be whole again.” Nagwagi ng Unang Gantimpala (Consultants category) ang akdang ito sa 2022 Dr. Arturo B. Rotor Memorial Awards for Literature.
Labingwalong magagandang akdang “creative nonfiction” ang matutunghayan n’yo sa aklat. Bukod sa mga mga nabanggit ko na, ang iba pang mga doctor-authors na kabahagi ng antolohiya ay ang mga sumusunod: Jessamine Dominique Cola (“Dying is not a Spectator Sport”), Sue-ann Locnen (“Wisdom of the Ages”), Benjamin Felipe Jr. (“At the Crossroads of Science and Art”), Salvador Sorilla (“The God behind the Goggles and a Mask”), Michaela Ann Gonzales-Montalbo (“If I were God”), Saul Suaybaguio (“Prayers Answered with Silence”), Ella Mae Masamayor (“It’s Not Our Story”), Anna Elvira Arcellana (“Disfigured, Not Dispirited”), Danny Galang (“Dark Side”), at Rogelio Tangco (“When the Heart Beats in Pace with the Universe”). Walang itulak-kabigin sa kanilang mga akda. Kay sarap basahin!
Ang “Rx” ay nangangahulugang “prescription” o reseta. Ayon kay Dr. Joti Tabula, napili nilang pamagat ang RX Narratives upag tukuyin ang “prescription for narratives: to pen narratives, to read narratives.” Panawagan ito sa marami pang doktor ng bansa na isatitik ang mga salaysay ng kanilang pagkamanggagamot.
Magandang ipangregalo ngayong Pasko ang aklat na ito, lalo na kung may kaanak o kakilala kayong mga estudyanteng kumukuha ng kursong Medisina, Nursing, Medical Technology, at iba pang allied profession. Kitang-kita ang puso ng manggagamot sa kulay-pulang aklat na may 148-pahina.
Ang “RX Narratives: Anthology of Creative nonfiction of Filipino internists” ay inilathala ng Alubat Publishing, sa pakikipagtulungan ng Philippine College of Physicians (PCP) at ng PCP Foundation Inc. Ang magandang cover at book design ay gawa ng mahusay na ilustrador na si R. Jordan Santos.