26.8 C
Manila
Martes, Disyembre 3, 2024

Mga haka-haka hinggil sa pagpapasuso

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG pagpapasuso o breastfeeding ay magkakaiba para sa lahat ng nanay. Maaaring mahirap ito para sa iyo ngunit madali para sa iba. Kapag ikaw ay first time na magpapasuso, makakakuha ka ng maraming payo o impormasyon, ilan ay totoo at ilan naman ay haka-haka lamang. 

Narito ang ilan sa mga haka-haka hinggil sa pagpapasuso na hindi mo dapat paniwalaan:

Haka-Haka 1: Madali ang pagpapasuso

Hindi madali ang pagpapasuso dahil kailangan itong bigyan ng oras at pagsasanay at ang unang araw ay maaaring maging mahirap para sa iyo at ang iyong sanggol. Ang pagpapasuso ay hindi mo lang trabaho dahil kailangan mo din ng suporta at patuloy na gabay sa mga healthcare providers, kaibigan at komunidad lalo na sa iyong pamilya

Haka-Haka 2: Hindi ka makagagawa ng sapat na gatas para sa iyong sanggol

Lahat ng ina ay may kakayahang makagawa ng sapat na gatas para sa kanilang sanggol. Ang produksyon ng gatas ng ina ay naka-depende sa tamang pag hakab ng sanggol sa suso at sa dalas ng pagpapasuso. 

Haka-Haka 3: Kahit anong pagkain ang maaari mong kainin habang ikaw ay nagpapasuso

Kailangan mong siguruhin na ang iyong kinakain ay sapat, balanse, at masustanya. Sundin ang Pinggang Pinoy. 

Haka-Haka 4: Masakit ang magpasuso

Hindi masakit ang pagpapasuso. Karaniwan sa nakakaranas nito ay sa unang araw dahil nag-aadjust pa ang kanilang katawan. Siguruhin na tama ang paghakab ng iyong sanggol para ito ay maiwasan. Kung patuloy ang pananakit, humingi ng tulong sa breastfeeding group sa pinakamalapit na health center sa inyong lugar

Haka-Haka 5: Maaari din magbigay ng infant formula kapalit ng breastmilk

Breastmilk lamang ay sapat na at kumpletong pagkain sa iyong sanggol mula pagkasilang hanggang anim na buwan at tamang pagpapakain mula anim na buwan habang patuloy ang pagpapasuso.  Ang breastmilk ay mayaman sa mga sustansya na pampalakas ng resistensya laban sa sakit at ito ay pampatalino.  

Haka-Haka 6: Bastos ang magpasuso sa harap ng ibang tao

Ang pagpapasuso ay normal. Hindi dapat ikahiya ang pagpapasuso, anumang oras at kahit saan, sa nagugutom mong sanggol. Kung hindi komportable, maaaring gumamit ng kumot o balabal bilang takip. Maari din gamitin ang mga lactation or breastfeeding rooms na makikita sa mga opisina, malls, at iba pang establishments.

Ang pagpapasuso ay protektado ng iba’t ibang batas sa Pilipinas, tulad ng:

Republic Act 10028 o “Expanded Breastfeeding Promotion Act of 2009” kung saan ang bawat kompanya ay may obligasyon na maglaan ng breastfeeding room para sa mga empleyadong nagpapasuso ng kanilang sanggol. Dito din sa batas na ito ay binibigyan ng karagdagang 40 minuto na break sa bawat walong oras na pagtatrabaho ang isang nagpapasusong ina upang makapag express ng breastmilk.

Ipinagbabawal naman sa Milk Code of the Philippines o Executive Order 51 ang pag-advertise ng infant formula o iba pang produktong gatas, pagkain, inumin para sa mga sanggol na wala pang 2 taong gulang.

Ang pagpapasuso ay ang pinakamabisang pagkain upang maging malusog at ligtas ang iyong sanggol. Ang gatas ng ina ay ang perpektong pagkain para sa mga sanggol. Ito ay ligtas, malinis at naglalaman ng mga antibodies na tumutulong upang protektahan ang iyong anak laban sa mga sakit. (PIA-NCR)

 

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -