IPINAGDIRIWANG ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ang taunang pagdiriwang ng Urban Poor Solidarity Week o UPSW sa bisa ng Presidential Proclamation 367 na nilagdaan noong 1998. Ang nasabing aktibidad ay ipinagdiriwang tuwing Disyembre 2 hanggang 8 ng bawat taon na may layuning pasiglahin ang mas malakas na pagkakaisa, inklusibong diyalogo at mas malawak na pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno, non-government organization (NGOs), at mga komunidad ng maralitang tagalungsod.
Nakatakdang iulat ni PCUP Chairperson at Chief Executive Officer, Undersecretary Elpidio Jordan, Jr. ang kanyang ulat tungkol sa mga pangunahing nagawa ng Komisyon habang tinutupad ang mandato nito na magsilbing direktang ugnay ng mga maralitang tagalungsod sa gobyerno sa pamamagitan ng mga programa at serbisyo nito sa ilalim ng Executive Order No. 82. Magaganap ang culminating activity ng UPSW sa ika-7 ng Disyembre, 2023.
Ang selebrasyon ngayong taon ay may temang “Bagong Pilipinas, Pagbangon at Pag-unlad ng Maralitang Pilipino” na nagbibigay-diin sa pagsusumikap ng Komisyon sa laban kontra kahirapan bilang pagsuporta sa 8-point socio-economic agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Igagawad din ang “Natatanging Lingkod-Maralita” sa mga people’s organization, ahensya ng gobyerno, civil society organization (CSO), at local government unit (LGU) na nagkaroon ng malaking partisipasyon sa PCUP at aktibong nakilahok sa pagpapaunlad at pagpapatakbo ng mga programa at polisiya nito para sa mahihirap.
Tinatayang nasa 300 mula sa iba’t ibang PCUP-accredited Urban Poor Organizations mula sa NCR, Luzon, Visayas, at Mindanao, mga kinatawan mula sa national government agencies (NGAs), local government units (LGUs), at non-government organizations (NGOs) ang dadalo sa nasabing aktibidad.