SUMAILALIM sa dalawang araw na pagsasanay hinggil sa disaster education program ang mga nasa 120 kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro kasama ang iba pang mga ahensiya na may kinamalan sa seguridad at kaligtasan ng lipunan sa Bulwagang, Panlalawigan, Provincial Capitol Complex, noong Disyembre 2 hanggang 3.
Ang Maging Handa: Up Skilling Disaster Responders and School Rebuild Program ay pinangunahan ng Ayala Foundation Inc. sa pakikipagtuwang nito sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO).
Layunin ng gawain na bigyan ng sapat na kaalaman at kasanayan ang mga kalahok na maaari nilang maibahagi sa kanilang mga komunidad.
Bahagi pa rin ito ng paghahanda ng pamahalaan sa anumang sakuna o mga hindi inaasahang mga pangyayari sa gitna ng mga mapanghamong panahon.
Pinasalamatan ni PDRRM Officer Vinscent Gahol, bilang kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagkakaloob ng pagsasanay na ito at sa iba pang naitulong ng Ayala Foundation sa lalawigan. Aniya, hindi ito ang unang pagkakataon na nakipagtuwang sa PGOM dito.
Ibinahagi naman ni AFI President Antonio Lambino 2nd na ang programa na isinusulong ng kanilang grupo ay bahagi ng paghubog ng kultura ng kahandaan at tamang hakbangin sa mga hindi inaasahang panahon na isa sa mga haligi ng kanilang programa. Bahagi rin ito ng tugon ng AFI na nakapaloob sa Philippine Development Plan 2023–2028: Accelerate Climate Action and Strengthening Disaster Resilience at ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010.
Bukod sa nabanggit na gawain, pinangunahan din ng AFI ang Maging Handa Program on Building Local Capacity of the Community on Suicide Prevention na nakatuon sa mga health care service providers, social service providers, mga media partners sa lalawigan upang mabigyang sapat na kaalaman ang mga ito hinggil sa pagtukoy ng mga potensyal na senyales na maaaring magpakamatay ang isang tao na siya namang magiging daan upang maagapan ito. (JJGS/PIA Mimaropa – Oriental Mindoro)
Photo 1
Larawan mula sa Oriental Mindoro PIO
Photo 2
Ibinahagi ni Ayala Foundation Inc. President Antonio Lambino 2nd ang kahalagahan ng kanilang isinagawang aktibidad. Aniya, ang gawaing ito ay napapanahon sapagkat ang kahandaan ng mga mamamayan sa mga hindi inaasahang pangyayari ay lubhang napakahalaga. (Larawan mula sa PIO Oriental Mindoro)