NANGUNA sa pinakahuling Philippine Nurses Licensure Examination (PNLE) nitong Nobyembre si Aristotle Calayan Castronuevo na tubong San Jose, Occidental Mindoro.
Sa inilabas na talaan ng Professional Regulation Commission (PRC) ng mga pumasa sa PNLE, nakuha ni Castronuevo ang pinakamataas na gradong 91 percent at nanguna sa higit 32,000 nursing graduates na kumuha ng pagsusulit. Sa nasabing kabuuang bilang ay 25,761 ang nakapasa.
Sa panayam ng isang lokal na himpilan ng radyo sa San Jose, ibinahagi ni Castronuevo ang ilang personal na kaganapan na aniyang nagsilbing hamon upang patuloy siyang magsikap sa kanyang pag-aaral. Isa rito ang hindi niya pagpasa sa admission test ng Unibersidad ng Pilipinas (UPCAT), gayundin ang pagkabigo niyang makapagtapos ng Magna Cum Laude sa kursong Nursing sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Sa gitna ng mga pagsubok na ito, sinabi ni Castronuevo na ang kanyang kasambahay ang nag-udyok at umagapay sa kanya upang higit pang magsikap sa pag-aaral at iba pang aspeto ng buhay.
Samantala, nabatid kay Castronuevo na sa kasalukuyan ay may dinaramdam na sakit ang kanyang kasambahay at nangangailangan ng espesyal na pasilidad ang kondisyon nito. Aniya, sakaling may makukuha siyang cash incentives sa karangalan niyang nakuha, gagamitin niya ito sa patuloy na pagpapagamot nito.
Si Castronuevo na isang consistent honor student ay nagtapos na valedictorian sa Junior High School noong 2016 at with highest honors sa Senior High 2018, kapwa sa Divine Word College San Jose. Ginawaran naman siya ng Cum Laude sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila kung saan siya nagtapos ng kursong Nursing.
Nang tanungin sa mga plano niya matapos ang tagumpay sa licensure examination sa napiling propesyon, sinabi ni Castronuevo na nais niyang makapaglingkod sa isang pampublikong pagamutan sa sariling bayan — ang San Jose. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)