UNANG dapat kilalanin sa usaping ito ay ang katangian ng kalakalan. Hangga’t ang pagtamo ng pagkain ay sa pamamagitan ng pagbili, imposibleng malutas ang problema tungkol sa seguridad sa pagkain. Laging susulpot ang mga kapitalista na siyang gagawa ng lahat ng maniobra upang mapanatili ang mataas na presyo ng mga bilihing pagkain para pagkakitaan ng pinakamalaking tubo.
Pansininin na lamang ang Rice Tariffication Law. Ang pag-angkat ng bigas ay pinatawan ng taripa na ipamamahagi sa mga tagapagtanim ng palay bilang ayuda upang mapalago ang kanilang produksyon. Mas marami nga namang suplay ng bigas sa palengke, mas bababa ang presyo nito. Tanggapin na, dahil sa ayuda sa mga magsasaka ay lumago ang produksyon ng palay, subalit bakit mataas pa rin ang presyo ng bigas. Ang huling bili ko ng bigas noong makalawa, P59.00 kada kilo, at pataas pa nang pataas. Bago naupo si Bongbong sa Malakanyang, ang halaga ng kanin sa malapit na carinderia ay P10 isang tasang takal, ngayon P20 na, at malamang tumaas pa. Bakit malamang? Sapagkat ang administrasyong ito na nangakong ibababa sa P20 ang isang kilo ng bigas ay moog ng malayang kalakalan na sa katunayan ay siyang diyablong pinag-uugatan ng mataas na presyo ng mga bilihin. Hindi lamang sa kaso ng bigas at iba pang pagkain tulad ng karne, isda at mga gulay, kundi gayundin sa iba pang mga bilihin sa palengke.
Totoong ang malayang  kalakalan ay nakasingkaw sa batas ng suplay at pangangailangan (law of supply and demand). Mas maraming suplay, mas konting nangangailangan, mas mababa ang presyo. Sa ibang salita, sobra ang supply kesa sa demand. Anong ginagawa ng mga negosyante? Lumikha ng artipisyal na kakulangan sa bigas sa pamamagitan ng hoarding o pag-imbak. Kulang na ngayon ng bigas sa palengke, mas kokonti na ang supply kesa sa demand, tataas na ang presyo – laki uli ang tubo sa bigas ng mga kapitalista.
Ganyang-ganyan din ang gawa ng mga damontres sa iba pang bilihing pagkain tulad ng sibuyas at kamatis. Sa panahon na tumaas ang presyo ng sibuyas sa P600 kada kilo, nadiskubre ng mga awtoridad na sangdamukal ang nakaimbak na sibuyas sa isang bodega sa Bulacan.
Hangga’t ang pamamahagi ng mga pagkain ay sa pamamagitan ng bilihan sa ilalim ng kapitalistikong kalakalan, hinding-hindi bababa ang presyo ng pagkain. Mananatiling mataas iyun upang manatili ang malaking tubo na kinikita rito ng mga kapitalista.
Nang ipasya ni Pangulong Bongbong Marcos na personal na hawakan ang Departamento ng Agrikultura, tiningnan natin iyun na isang napakagandang bagay, dahil mangangahulugan iyun na direkta nang matutuonan ng pansin ng presidente ang pinakapangunahing intindihin ng gobiyerno para sa sambayanan – ang seguridad sa pagkain. Subalit dumaan na ang isang taon, ang presyo ng bigas at iba pang mga pangunahing bilihing pagkain ay nanatiling mataas. Bakit? Dahil ang kontrol sa industriya ng pagkain ay nanatili sa kamay ng mga kapitalista.
May mga patutsada pa nga sa social media na sangkot sa kontrol na ito ay ultimong miyembro ng Unang Pamilya.
Wala nang lihim sa yaman ng mga Marcos. Marami pang ibang sangkot sa ekonomiya ng bansa na maaaring pagtamasahan ng dagdag pang yaman para sa pamilya. Kung gusto ng pamilya na samantalahin pa rin ang mga larangang iyun, sige lang. Ang aagawan lang naman ng pagkakataong yumaman pa nang husto ay mga kapwa nila kapitalista. Subalit sa usapin ng pagkain, todo balato naman na sa masang mahirap. Alisin na sa kapitalistikong sistema ang pangunahing kailangan ng sikmura ng sambayanan.
Isabansa ang produksyon at distribusyon ng pagkain.
Ibig sabihin, tungkulin ng bawat isa sa mga mamamayang Pilipino na likhain ang kanilang pagkain at sa gayon walang ibang may karapatang kainin ito kundi sila rin.
TANIM MO, KAIN MO
Sa  biglang tingin, sa ideyang ito humahantong ang pag-uusap hinggil sa seguridad sa pagkain. Kung aalisin nga naman sa kapitalistikong kalakalan, paano pa tatamuhin ng mga mamamayan ang kanilang pagkain kundi sa pamamagitan ng sariling pagtatanim ng mga pagkaing nakabatay sa lupa (palay, mais, kamote, kamoteng kahoy, atbp.); pangangalaga ng mga hayop na pagkukunan ng karne (baboy, manok, kambing, baka, kalabaw, atbp.); at pagmintina ng palaisdaan (bangus, tilapia, hito, hipon, alimango, talangka, tahong, tulya, talaba, atbp.).
Sa isang tingin lang, kita agad na  napakaimpraktikal ng ideya. Imposibleng ang lahat ng ito ay gawin ng isang tao lang upang kumain siya sa maghapon. Sa palay na lang ay bibilang ka ng tatlong buwan bago mo maani ang iyong itinanim, bayuhin, isaing at kainin. Mientras, tatlong buwan kang hindi muna kakain?
Pwedeng sabihin, mamundok muna, kumain ng mga bunga ng punong kahoy o di kaya ng karne ng mga baboy damo, usa, bayawak o sawa – tulad ng sa sinaunang primitibong komunal na sistema.
Diyos na mahabagin. Primitibong pamumuhay sa panahon ng Ika-21 Siglo!
Subalit iyan ang siyang totoo. Sa sinaunang pamumuhay ng ating mga kanunununuan ibinabalik ang usapan sa seguridad sa pagkain. Kaharap ng mabangis na baboy damo, halimbawa, walang laban kung mag-isa ang tao, kaya natutunan ng ating mga ninuno na magsama-sama sa paggapi sa lupit ng kalikasan. Magkabuklod, magaan nilang mabihag ang mabangis na baboy damo o mailap na usa, at pagkaraan ay masayang pagsalu-saluhan ang sarap ng pinaghirapan.
Daan-daang libong taon ang dinaanan ng ganung sistema ng sama-samang pangunguha ng makakain at sama-samang pagkunsumo rito. Sa pagkadiskubre sa sandata, pagpapaamo sa mga hayop at paglinang sa kaparangan, umusbong ang uri na nakapag-ari sa mga kagamitan sa produksyon (lupa at kasangkapan sa pagsasaka) at sa gayon ay pag-ari din sa mga bunga ng produksyon. Mula sa tawag na Panginoon sa panahon ng Sistemang Alipin, ang uring ito ay umunlad sa pagiging  Panginnong Maylupa sa panahon ng Sistemang Pyudal at Kapitalista sa yugto ng Kapitalismo, ang nangingibabaw na sistema ng kabuhayan ngayon sa mundo maliban sa China at North Korea.
Sa panig naman ng karamihan sa mga tao, pumatak sila sa pagiging mga gumagawang uri, ang Uring Alipin sa panahon ng Sistemang Alipin, Pesante (Uring Magsasaka) sa Sistemang Piyudal at Proletaryado (Uring Manggagawa) sa yugto ng Kapitalismo, ang nangingibabaw na sistema ng kabuhayan ngayon sa mundo na pinangungunahan ng Amerika.
Sa masusi’t mabusisi na mga pag-aaral na habampanahon nang naitala sa Das Kapital ni Karl Marx at  sa kahulihulihan ay ultimong mandato na ipinaloob sa Communist Manifesto, pinatunayang wasto ni Vladimir Lenin sa Bolshevik Revolution noong 1917, at sa ngayon ay tuloy-tuloy nang realidad bilang “sosyalismong may katangiang Chino,”ang pagwasak sa kapitalismo ay isang kinakailangang kondisyon upang ganap na gapiin ang gutom.
Sa karanasan ng China, 800 milyon ng sambayanang Chino ay naiahon na sa kahirapan. Higit na posibleng iahon sa kahirapan ang 110 milyong Pilipino sa pamamagitan ng sosyalismo.
Subalit ang sosyalistang pag-balikwas ng CPP/NPA/NDF ay inabot na ng mahigit kalahating  siglo at hanggang sa ngayon ay pupugak-pugak pa rin – tunay na hindi na maaaring asahan na maging sa malayong hinaharap ay makalulutas sa gutom ng bayan.
Sampung araw ang inabot ng mga Bolshevik upang igupo ang daan taong tanda na Romanov Dynasty sa Russia. Subalit ang pagtatag ng sosyalismo sa China ay nangailangang lagpasan ang pananalakay ng Hapones noong mga 1930s at ang digmaang sibil ng Communist Party of China (CPC) ni Mao Zedong at Kuomintang Party ni Chiang Kai Shiek mula 1945 hanggang 1949, nang maitaboy sa wakas ang Kuomintang sa Taiwan at ang buong mainland ng China ay ganap nang mapasa-kamay ng CPC.
Malungkot at nakahihindik isipin na ang hirap at dusa na dinanas ng sambayanang Chino ay siya ring daan na dapat tahakin din ng sambayanang Pilipino sa pagtamo ng buhay na sigurado ang pagkain at sa gayon ay walang gutom.
Sinabi ni Deng Xiao Peng, maraming paraan sa pagtalop ng pusa. Ang kabiguan ng CPP/NPA/NDF sa usaping ito ay malaking hamon sa mga tunay na lingkod masa na kumalas na sa armadong pakikibaka at lumikha ng panibagong daan ng paglutas sa problema ng gutom na hindi kailangan ang dahas at alinsunod sa kaayusang pulitikal ng bansa.
Bilang tugon sa hamon, panukala ng kolum na ito ang KOMUN.
(Itutuloy)