30.5 C
Manila
Sabado, Nobyembre 9, 2024

Kapag nawalan ng alat ang dagat

- Advertisement -
- Advertisement -

Ni Kian H. Sanchez

EDITOR’S NOTE: Ang artikulong ito ang nanalo sa unang bahagi ng Pinoy Peryodiko Timpalak Sanaysay na may temang Food Security. Si Kian H. Sanchez ay tatanggap ng P5,000 bilang premyo sa kanyang artikulong “Kapag nawalan ng alat ang dagat.”

MATULUNGIN ang kalikasan, marahil ay nagtampo lamang ito sa pang-aabusong ginagawa ng sangkatauhan sa kaniya.

Lumaki ako sa tabing-dagat. Nasaksihan ko kung paano ito magluwal ng sangkaterbang biyaya. Mangingisda ang lolo, tatay, at tiyuhin ko. Pare-parehong nakamulatan ang pangingisda bilang kabuhayan. Madalas ang kuwento ni Tatay Lito sa akin, halos napupuno raw nila ang sandosenang tambor ng halubaybay gamit ang isang maliit na bangka. Masuwerte pa kung mahahaluan ito ng palatak, alimango, at ibang uri ng isda. Mula hatinggabi, matatapos lamang silang magtanggal ng mga nahuling isda sa lambat bago pumutok ang bukang-liwayway.

Larawan mula sa file ng The Manila Times

Pagkatapos nito ay ibebenta naman ng lola ko sa palengke. Sapat na iyon upang mairaos ang pag-aaral at pangangailangan ng pamilya. Kung hindi namamalakaya si Tatay Lito, makikita ko siyang naghahayuma ng mga lambat na nabutas. Ginugugulan ito ng mahabang oras — minsan ay inaabot ng maghapon. Pero wala akong naririnig na pagrereklamo sa kanila, mas mainam raw na maraming butas ang lambat, tanda ng maraming huli. Kaysa maayos nga ang lambat, walang namang panglaman sa sikmura.

Habang lumalaki ako, hinaplos rin ako ng kabutihan ng dagat. Kapag wala kaming ulam, nangunguha lamang kami ng susô tuwing káti at mapupuno na nito ang kalahating timba. Ang palatandaan namin kung nasaan ang susô ay ang mga bakas nila sa putik (isang pagewang-gewang na linya). Pasusukahin namin ito ng ilang oras o hindi kaya ay buong magdamag sa timba na may lamang tubig-alat. Kinabukasan, makikita naming puro na ito buhangin at puting malalapot na parang plema. Ibig-sabihin nito ay maaari nang banlawan ng tubig-tabang at puwede na silang ilaga nang ilang minuto. Susuwitin namin ng karayom ang susô at ibababad sa sukang may bawang at asin. Mayroon na kaming ulam sa pananghalian.

Minsan naman, mangunguha lang kami ng talabang nakadikit sa mga dambuhalang kumpol ng bato at baklad. Kahit maraming nangunguha, parang mahikang laging mayroong nakukuhang talaba. Gamit ang kutsilyong maliit at suot na guwantes, madali naming nakukuha ng mga pinsan ko ang laman ng talaba. Ang turo ni Tatay Lito, ibabad rin daw namin iyon sa suka, at masarap nang ulamin sa kanin. Kung labis nga ang nakukuha, ginagawang pulutan ng aking tiyuhin.

Ganoon kabuti ang dagat, kapag batid nitong walang-wala ka, ibibigay sa’yo ang pangangailangan mo. Subalit sa paglipas ng ilang taon, unti-unti na ring nababawasan ang mga nahuhuli ni Tatay Lito. Mas marami na raw dikya kaysa isda. Madalang na rin itong maghayuma, at mas madalas na lang itong nakatingin sa pampang habang nakaupo sa kalangan ng bangka. Nagbabago talaga ang lahat, kahit ang dagat ay napapagod magbigay ng kabuhayan lalo na kung hindi pinapahalagahan.

Ang dating ‘sandosenang tambor na napupuno, ngayon ay dalawa na lamang. Ang dating mga susong nagtatago sa putik, bigla na lang ding hindi nagpakita ng mga bakas. Kahit ang mga talaba ay hindi na rin kumapit sa mga dambuhalang bato at baklad. Lahat sila naglaho. Nawalang paunti-unti tulad ng mga bula sa dalampasigan.

Hindi naman iyon nakapagtataka dahil matagal na rin kasing usapin ang dynamite fishing sa lalawigan ng Bataan. Noong nakaraang taon, dalawang bangkero ang hinuli ng Bataan Maritime Police dahil sa illegal fishing at mga improvised explosives sa Mariveles. Nakalulungkot lang dahil tinagurian ang Pilipinas bilang sentro ng Coral Triangle, lugar sa karagatang may pinakamaunlad na marine biodiversity. Ang kapabayaan ng pamahalaan at ng mga tao at paglapastangan sa karagatan ang nangungunang dahilan kung bakit ito nagkukuyom ng palad.

Kaya’t bilang nakikitang solusyon ng gobyerno sa mga kakulangan ng suplay ng laman-dagat sa bansa, binigyang basbas ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng 35,000 metrikong toneladang (MT) isda mula Oktubre hanggang Disyembre 2023. Ayon sa datos ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), sa ikatlong kuwarter ng taon, ang suplay lamang ng mga isda ay 822,298 MT samantalang ang demand ay 824,802 MT. Lumalabas na may kakulangang 2,504 MT. Sa ikaapat na kuwarter naman ng taon ay may suplay na 769,446 MT ngunit ang demand ay 827,285 MT. Nagpatuloy ang kakulangang ito ng 57,839 MT. Sa kabilang banda, ayon sa pananaliksik ng Tugon Kabuhayan, 40 porsiyento ng kabuuang huli kada-taon ay nasasayang dahil lamang sa pagkabulok. Ang nakikitang solusyon: pagtatayo ng mga cold storage facilities upang magkaroon ng imbakan ng mga isda tuwing closed fishing season lalo na sa lugar ng Palawan, Visayas, Basilan at iba pang bahagi ng Mindanao.

Sa mga ganitong pagkakataon, makikita ang kawalan ng seguridad ng pagkain sa Pilipinas hindi lamang sa suplay ng isda, maging sa ibang sektor ng agrikultura. Litaw na litaw ito sa matataas na presyo ng itlog, asukal, gulay, prutas at bigas. Batay sa 2021 Global Food Security Index (GFSI), lumagapak sa ika-67 ang Pilipinas sa 113 bansa kung pagbabasehan ang apat na dimensyon ng food security: affordability, availability, quality and safety, at sustainability and adaption.

Matagal nang usapin ang food security sa bansa. Noong 1994, halos 100,000 Pilipino ang nakaranas ng gutom matapos mawalan ng tirahan dahil sa sunod-sunod na bagyo. Sa katunayan, ang Agriculture and Fisheries Modernization Act (AFMA) of 1997 ay ilang dekada nang humahakbang tungo sa layuning matatag, aksesibilidad, at abot-kayang seguridad ng pagkain. Subalit kahit ilang pangulo na ang nagdaan ay wala pang nakakakamit nito. Kung pagbabatayan ang datos ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI), mula 43 porsiyento ay tumaas sa 62 porsiyento ang bilang pamilyang Pilipinong moderately o severely food-insecure noong pandemya. Halos hindi nagkakalayong resulta rin ang lumabas sa isinagawang sarbey ng World Food Programme noong Oktubre 2022 na 34 porsiyento ng pamilyang Pilipino ang food insecure sa rehiyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Kung hindi matutugunan ang seguridad ng pagkain, magiging talamak ang malnutrisyon sa buong Pilipinas. Ayon sa National Nutrition Council noong 2019, isa sa tatlong bata sa Pilipinas ang stunted o pagiging maliit para sa kanilang edad: 45 porsiyento ng bata sa BARMM; 41 porsiyento sa Mimaropa; tig-40 porsiyento sa Bicol Region, Western Visayas, at South Central Mindanao. Ang mga ganitong pag-aaral ay nagpapalitaw ng kakulangang aksiyon at pananagutan ng pamahalaan sa kaniyang nasasakupan lalo’t higit sa mga bata. Hindi lamang ito basta mga datos, mga tunay itong batang napagkakaitan ng karapatang makakain nang malinis, sapat, at masustansiyang pagkain. Tanging 13.6 porsiyento lamang ng mga batang nasa 6-23 buwan ang nakakakuha ng tamang nutrisyong kinakailangan para sa paglaki samantalang 3.2 milyong mga bata ang malnourished.

 

Napakaraming Pilipino ang umaasa lamang sa kakarampot na kita upang ipambili ng ihahain sa hapag. Ang maghapon nilang pagtatrabaho ay katumbas lamang ng halaga ng isang kilong karne. Kaya hindi maikakaila kung bakit ang mga pangkaraniwang pamilya ay laging kapos sa bitamina. Tinatayang nasa 8-9 milyong kaso ang naitatalang may kinalaman sa foodborne illnes taon-taon sa Pilipinas, ang 3,000-4,000 rito ay humahantong sa kamatayan. Resulta ito ng hindi ligtas na pagkain at mga double-dead na karne, batay sa World Bank. Halos 60 milyon ang nakaranas ng gutom nang humagupit ang pandemya, at karamihan ay nawalan ng kabuhayan. Maging ang mga nasa agrikultural na sektor na kumikilos upang malagyan ang hapag ng sambayanan ay wala na ring maihain sa kanilang lamesa. Malayong-malayo ito sa sitwasyon ng tinaguriang Happiest Country sa anim na magkakasunod na taon at ang nanguna sa GFSI Ranking, ang Finland.

Kung susuriin natin ang food security sa lente ng Finland, makikita natin na ang kanilang pagsandig sa siyensya at pananaliksik ang hugpungan ng maayos, makatao, at makatarungang estado. Ang mga inobasyong nalilikha tungo sa progresibo at transpormatibong sektor ng agrikultura ay nakaugat sa mataas na antas ng edukasyon ukol sa sistemang panghapag. Ang pamumuhunan nila sa mga advanced technologies at makinarya sa agrikultura ay nagbibigay ng higit na kalidad ng pagkain na sasalamin sa lasa nito. Maging ang mga manufacturers ay kinokonsulta muna ang mga magsasaka bago maglabas ng produkto at serbisyo; sa ganitong paraan, masisiguradong ligtas at epektibo ang mga ito. Hindi lamang sila nagbibigay-tuon sa pagsasaka kundi binibigyang importansya ang paghahayupan. Ang matatas na kasanayan ng dairy sector sa Finland at iba pang bahagi ng Europa ang rason kung bakit nananatili silang food secured dahil ito rin ang madalas nilang kinokonsumo.

Responsibilad ng pamahalaang ibigay sa mamamayan ang kaniyang karapatan. Tulad ng sinasabi ng Universal Declaration of Human Rights, Seksyon 25, ang bawat tao ay may karapatan sa isang pamantayan ng pamumuhay na sapat para sa kalusugan at kapakanan ng kanyang sarili at ng kanyang pamilya, kabilang ang pagkain, damit, pabahay, pangangalagang medikal, mga kinakailangang serbisyong panlipunan, at ang karapatan sa seguridad. Ganito rin ang sinasabi ng Sustainable Development Goal 2: Zero Hunger: ang seguridad sa pagkain ay nangangailangan ng isang panlipunang proteksyon hanggang maabot ang ligtas at masustansyang pagkain lalo na para sa mga bata tungo sa mapagpabagong sistema ng pagkain upang makamit ang isang inklusibong mundo. Ang paglalaan ng pondo para sa mga marhinalisadong sektor gaya ng agrikultura at pag-abot sa mga liblib na komunidad at pagbibigay sa kanilang pamantayang serbisyong-panlipunan ay susi upang magkaroon ng akses sa pagkain at maiangat ang antas ng pamumuhay.

Hindi maramot ang kalikasan. Ibibigay nito ang pangangailangan ng sangkatauhan. Bukas-palad itong tutulong para sa ikabubuti ng lahat. Subalit hindi dapat natin iasa sa kaniya ang lahat. Nararapat gawin ng pamahalaan ang kaniyang tungkulin para sa bayan; gayundin ang mga tao para sa kaniyang sarili at kinabukasan ng sambayanan.

Sa huli, huwag nating hintayin na tumindi ang pagtatampo ng kalikasan, suyuin natin ito hanggang sa muli niyang ibalik ang bukal ng biyaya para sa madla.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -