NASA 151 mangingisda sa Bulacan ang tumanggap ng fuel subsidy card mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Sila ay mula sa mga barangay ng Namayan, Masile, Caliligawan at Pamarawan sa lungsod ng Malolos kung saan bawat card ay may lamang P3,000.
Ayon kay Bise Gobernador Alexis Castro, layunin ng programa na palakasin ang produksyon ng sektor ng pangisdaan sa pamamagitan ng pagbibigay ng subsidiya sa mga mangingisda upang makapag-uwi ng mas malaking kita para sa kanilang pamilya.
Umaasa aniya si Castro na mapapagaan ng ayuda ang mga pinansyal na pasanin at mas makapaglaan ng badyet para sa mahahalaga at pang araw-araw na gastusin.
Humigit kumulang P500 milyon ang inilaan ng pambansang pamahalaan para sa fuel subsidy ng mga nasa sektor ng agrikultura.
Kwalipikadong tumanggap nito ang mga magsasaka at mangingisdang nagmamay-ari at nagpapatakbo ng makinarya sa agrikultura at pangisdaan o sa pamamagitan ng isang organisasyon ng magsasaka, kooperatiba o asosasyon. (CLJD/VFC-PIA 3)